ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kumusta ka-negosyo? Nasa iaktlong buwan na po tayo ng pandemya at sa kasalukuyan, di pa rin po bumababa ang bilang ng mga nagkakasakit ng Covid-19 na virus sa Pilipinas – lalu na po sa NCR at Kalakhang Cebu.

Mabigat pong isipin na libo-libo na po ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara o pagsuspinde ng operasyon ng mga negosyo.

Ngunit may pag-asa para sa mga nawalan ng trabaho! Ito ang mga gawaing online kung saan ang puhunan mo lamang ay ang laptop o pc at maaasahang wi-fi na koneksyon. Talakayin natin ang ilan sa mga Gawain o trabahong pang-freelancer kung saan ito na ang panimula ng iyong online negosyo.

O siya, tara na at matuto!

#1 Virtual Assistant

Matagal-tagal na din ang uri ng online na trabaho bilang isang Virtual Assistant. Noong nagsimula ang ganitong trabaho, ang gawain ng isang VA ay umalalay sa mga executives sa Amerika na maraming mga gawaing di na kaya ng sariling pisikal na tauhan. Lalu na kung 24/7 ang negosyo nila.

Ngayon, nagkaroon ng iba’t-ibang sangay ang pagiging VA kung saan lumago ito sa sector ng Real Estate sa Amerika at ang naging gawain ng mga VA ay ang kumuha o mag-set ng mga appointment, sumagot o magpadala ng mga email, magsulat ng iba’t-ibang content (o blog), at kung anu-ano pa.

Dahil na rin sa ito ay isang remote na trabaho, naaayon ang oras ng isang VA sa oras ng trabaho sa lugar na iyong sineserbisyuhan. Parang nagtatrabaho ka na rin sa call center o anumang BPO. Ang kitaan bilang VA ay mula $6/hour (300 pesos kada oras) hanggang $14/hour (700 pesos kada oras). Di na masama, di ba? Mahigit 100,000 pesos yan kada buwan!

Paano ba ito ma-uumpisahan? Maraming mga website na nag-post ng pangangailangan sa mga VA. Umpisahan mong mag-rehistro sa Upwork.com upang makita mo ang openings. Check mo din ang website na ito para sa iba’t ibang kumpanya na naghahanap ng VA: https://blog.hubstaff.com/virtual-assistant-companies-in-the-philippines/. Marami pa yan. Google mo lang.

#2 Content Creator

Maraming klase ng content na maaari mong gawin. Mula yan sa paggawa ng mga panulat na artikulo, e-book, paggawa ng video o animation, presentation at kung anu-ano pa.

Ang pagiging freelance content creator ay karugtong ng isang pagiging VA kung saan ang kliyente o kostumer mo ay nasa abroad. Ang kitaan ditto ay halos kasing laki ng ng isang VA ngunit ang oras ay di nakatali. May mga Content Creators kasi na per-project ang singil kaya mas Malaki. Meron din namang mga per-hour ang bayad.

At dahil ang kakayahan mong pagiging malikhain ang puhunan, maraming trabaho ang makukuha ditto. Di lamang sa isang kumpanya, kundi sa iba’t-ibang kumpanya pa. Ang mga website na Upwork at Fiverr ang popular sa mga ganitong gawain.

#3 Medical Transcriptionist

Ang ganitong trabaho ay nagsimula pa noong unang mga taon ng 2000’s kung saan nagkaroon pa ng mga paaralan o training centers para dito.

Ang trabahong MT ay ang pag transcribe o pagsalin sa digital na teksto (text) ng mga recording ng mga boses ng mga duktor sa Amerika. Doon kasi, nagdidikta sa isang recorder ang mga duktor. Sa batas kasi ng Amerika, kailangang isalin sa text ang mga recordings na ito.

Ang puhunan mo ditto ay isang maliit na equipment na siyang ginagamit sa pakikinig ng mga recordings. Medyo specialized ang trabahong ito kaya di ganun karami ang gumagawa sa Pilipinas. May mga BPO na gumagawa nito ngunit sa dami ng duktor sa Amerika, di nila kayang makuha ang lahat ng negosyo.

Ang bayad sa mga MT ay mula $16-17 kada oras (o 800 pesos kada oras, pataas).

Para magsimula dito, mas makakabuting kumuha ng online tutoring course muna. Pagkatapos nito, maaari ka nang mag-apply sa mga website na kumukuha ng ganitong trabaho tulad ng Upwork at TranscribeMe.

#4 Website Developer

Dahil sa pandemya, maraming negosyo ang napilitang paigtingin ang kanilang website. Kaya naman ang pagiging isang website developer ay naging mahusay na karera at negosyo sa ganitong panahon.

Kung dati ka nang gumagawa nito, mainam. Kung ngayon ka pa lang susubok at may IT o artistic background ka naman, puwede ka nang mag-aral ng mga libreng kurso nito online.

Ang personal na payo ko ay pag-aralan muna ang WordPress. Ito kasi ang isa sa mga pinaka-popular na gamit sa website. May Bootstrap din na tinatawag at meron ding mga gumagawa ng websites ng Shopify.  Maraming uri naman yan. Ang mahalaga, magsimula kang mag-aral nito. Di naman kailangang super-techie ka. Basta may maayos kang pc, laptop at Internet connection, ok ka na.

Ang bayad sa mga web developer ay depende sa proyekto. Mula 30,000 pesos ang bayad dito. May mga kilala akong sumisingil nga ng 10 milyong piso sa isang website lamang!

#5 Blogging

Ang pag-blog any isa ding online negosyo na nariyan na noong nagsisimula pa ang komersyo sa Internet. Kaya naman mas stable at napatunayan na ang negosyong ito.

Una, siyempre, magbukas ka ng blog mo. Sa wordpress naman ay libre ito, o sa blogspot. Punuin mol ang ito ng iba’t-ibang artikulo o anuman ang nasa isip mo. Ang pagiging malikhain kasi ang puhunan lang dito.

Ang kitaan ay maaaring nasa Google Adsense kung saan maglalagak ng advertisements o patalastas ang Google sa loob ng blog mo. Piso-piso lang ito ayon na rin sa laki ng mambabasa o traffic mo.

Ang pagkakaroon ng isang Youtube Channel naman ay ganun din ang kitaan bilang isang Vlogger. Ang pagkakaiba ay ang pagkakaroon ng video blog kesa artikulong naisulat. Karamihan ng mga milenyal, ito ang pinagkakakitaan. May mga alam akong kumikita ng 200,000 pesos kada buwan sa vlogging. Kamakailan, nagbukas ang Facebook ng sariling plataporma na gaya ng sa Youtube, kung saan maaari ka na ding kumita sa pagpost ng video content doon.

Konklusyon

Huwag kang matakot at mabahala kung nawalan ka ng trabaho dahil sa online na negosyo, marami kang mapagpipilian. Maging mapanuri sa papasukin mong online negosyo, dahil di naman lahat ay babagay sa yo.

Sa huli, mahalaga ang mag-aral ng mga bagong kasanayan para tuloy-tuloy ang kitaan.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negosentro.com kung may mga katanungan.

(Visited 3,455 times, 1 visits today)