negosyo Workplace

5 Rason Bakit Kalangan Mo Ng Blog Para sa Negosyo Mo

ni Homer Nievera, CDE |May blog ka ba? Ito ay madalas kong itanong sa mga negosyante – Malaki man o maliit ang kanilang negosyo. Sa larangan ng digital marketing, automatic ang pagkakaroon ng social media pero laging huli ang pag-iisip patungkol sa pagkakaroon ng blog. Kasi ang alam ng mga kausap ko, kung may Facebook ka na, masasabi na itong stratehiya sa digital marketing. Mali ang pag-iisip na ito. Narito ang limang rason kung bakit kailangan ng blog para sa negosyo mo.

#1 Tunay na Presensiya sa Digital

Ang Facebook ay di matatawag na “landing page” kung saan pupunta ang mga kostumer mo online na kapupulutan ng lahat ng bagay at impormasyon patungkol sa produkto o serbisyo mo. Para sa akin, ang halaga ng Facebook ay ang paggamit nito sa customer service, engagement at pagpapalaganap ng mensahe. Ang blog ay ang pangunahing pinaglalayan ng mga content na siyang nais mong mabasa o mapanuod ng mga kostumer mo. Naka-categorize din kasi ang content (o nilalaman) ng blog kaya madaling hanapin ang mga content. Tandaan na mas nakikita sa search engines gaya ng Google ang nilalaman ng mga blog kesa sa Facebook.

#2 Promosyon na Gusto Nilang Mabasa o Makita

Di ba, ang mga ads na nakikita sa TV o sa online ay madalas mong nilalaktawan? Habang ang mga artikulo sa mga blog ay hinahanap at pinag-uukulan ng panahon? Kasi, ang content na hatid ng blog ay “di-intrusive”o di siya abala sa iyong gawain. Ang pagsasaliksik sa isang bagay sa Google ay kadalasang napupunta sa isang blog. Ginusto mo ang content na ito at di basta isinubo sa harapan mo, tama? Kaya mas may kasiguraduhan ka na bibili sa’yo o mag-rerefer sa’yo ng kostumer ang blog kesa sa ads.

#3 Pagpapalaganap na Ikaw ay Eksperto

May kilala akong mga CEO na blogger. Sila itong mga gumawa ng sarili nilang blog at sumikat sila sa pamamagitan nito kahit pa sila’y super busy na tao. Bakit nila ito ginagawa? Bilang CEO ng isang kumpanya, ikaw ang numero unong Salesman ng kumpanya mo. Ang pangunahin mong gawain ay ang maging salesman ng negosyo mo. Sa pamamagitan ng blog, napaparating mon a ika’y eksperto sa iyong larangan kaya naman kapani-paniwala ang sinasabi mo tungkol sa iyong brand. Ang maganda nito, ikaw din ang press writer at press distributor mo. Bilang “ambassador”ng produkto o negosyo mo, trabaho mong palaganapin ang mga balita at opinion mo tungkol sa iyong industriya. Magagawa mo ito ng libre sa yong blog. Bilang isang “thought leader.”

#4 Pagpapalaganap ng iyong Brand

Katulad ng pagpapalaganap ng iyong pagiging eksperto, ang mismong brand mo at mapapalaganap mo sa pamamagitan ng blog. Dahil ang blog ay di pag-aari ng sino man na di gaya ng Facebook at Instagram, kontrolado mo ang paglaki nito. Importante ito lalu na’t ang iyong mensahe ang siya mismong nais mong palaganapin.

#5 Koneksyon at Relasyon para sa Brand at Kostumer

Ang mga blog ngayon ay parang social media na din na may lagayan ng comments, reviews, videos at photos. Ang koneksyon na maaari mong magawa sa pamamagitan ng blog ay gaya na din ng social media. Sa pagtatanong o pag-aahin ng content, ang reaksyon o komento ng mga tagasubaybay mo ay makaka-trigger ng interaksyon mula sa mga kostumer o nais mong maging kostumer. Magagamit mo din sa pagsasaliksik ang mga kasagutang nakalap mo. Tandaan mo na puwede mong ikonekta sa social media ang blog para mas mapalaganap ang mensahe mo. At mas nabibgyan mo sila ng edukasyon ukol sa produkto o serbisyo mo, may nabubuo mo ang loyalty nila sa iyo.

Konklusyon

Dalawang bagay ang gamit ng blog sa perspektibo ng digital marketing – content at SEO. Kaya ito mahalagang aspeto ng iyong istratehiya sa negosyo. Pag-isipan mo muna kung sino ang nararapat na target na mambabasa moa yon sa target kostumer mo. Dun ka magsimula para on-target ang iyong content. Ang keywords na mahalaga sa kostumer ko ay isasama mo sa mga blog para mas mabilis mai-akyat ng Google sa search results.

homer nievera 4

6 na Gawaing Marketing Para Mapalago ang Startup Mo

ni Homer Nievera, CDE | Madali sanang palaguin ang startup na negosyo mo kung ang natatanging pinagbabatayn ng mga kostumer ay galling at kalidad ng produkto o serbisyo. Pero sa totoong digmaan ng pagnenegosyo, marketing ang pinaglalabanan. Tandaan na 90% ng mga startup na negosyo ay nalulugi. Kaya narito ang anim na dapat gawin sa larangan ng marketing para sa startup mo –

#1 Alamin ang Marketing Budget Mo

Hindi puwedeng hinuhulaan lamang ang nararapat na budget mo sa marketing. Sa katunayan, dapat alam mo ang kinikita mo para makapag-allocate ka ng porsyento para sa marketing. Madalas, kung nag-uumpisa ka, mga 20% ng net profit ang ginugugol sa marketing. Investment ang marketing kaya maging masinop sa pera.

#2 Kilalaning Maigi ang Target na Kostumer Mo

Paano ba mabebenta ang isang produkto o serbisyo kung di naman ito ilalako sa tamang tao? Ganyan ang dapat mong itanong sa sarili mo sa larangan ng pagnenegosyo at marketing. Magsaliksik ng mabuti. Sa simula, alamin ang mga bagay-bagay na gusto at kailangan ng merkadong nais mong makuha. Hanggang sa makuha ang ang bawat kiliti nila at gawin mga loyal na kostumer.

#3 Magkaroon ng Mas Personal na Relasyon sa Kostumer

Kung madalas mong kaharap ang kostumer mo, mas mainam. Mas mahirap kasing magkaroon ng mainit at personal na ugnayan sa mga online na kostumer. Pillin ang mga sasabihin o mensahe at panatilihin ang mataas na kalidad ng serbisyo. Batiin sila sa mga mahahalagang okasyon ng kanilang buhay at magbigay ng tamang diskuwento kung kaya. Yan ang simula ng pag-aalaga sa kostumer na tatagal.

#4 Magkaroon ng Tuloy-tuloy at Consistent na Pagpapakilala sa Brand Mo

Maaaring maganda ang pagkakakilala sa brand mo sa una. Pero mauungusan ka ng kalaban kung mas nakikita at nakikilala sila say o.Ganyan kasimple ang prinsipiyo na ito. Wag magpabago-bago ng imahe. DSapat, kung saan ka nakilala, tuloy mo lang.

#5 Mag-invest sa Content Marketing

Sa kumpanya kong Mediablast Digital, ang pangunahing serbisyo namin ay ang content marketing kung saan sa pamamagitang mga iba’t ibang digital content (kasama social media, blogs, video at iba pa), ay pinararating namin ang mensahe ng mga brand. Yan ang dapat mo din pagtuunan ng pansin. Kasi ngayon, sa Internet na naghahanap ng produkto at serbisyo ang mga tao. Pati reviews kasi, mahalaga sa merkado kaya content marketing ang kailangan.

#6 Gumamit ng mga Influencer

Di na masyadong uso ang paggamit ng mamahaling celebrity endorser sa panahon ng social media. Sa halip, mga kilalang personalidad sa YouTube, Facebook at Instagram ang mas ginagamit sa pagtulak ng mga brand. Kung nag-uumpisa ka pa lang, saliksikin ang mga influencer sa social media na may 10,000 hanggang sa 15,000 kada buwan. Malaking bagay yan sa marketing ng startup mo dahil bukod sa mura, mabilis pang lumaki ang mga followers nila.

Malaking bahagi ng pagnenegosyo ang marketing. Wag maging kuripot sa larangang ito. Tingnan mo ito bilang investment at bantayan mo ang ROI para dito.

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

9 Tips Para Mapalago ang Startup Mo

ni Homer Nievera, CDE

Madaming dahilan kung bakit bumabagsak ang mga startup na negosyo. Pero kesa pag-aaral pa ang lahat ng ito, narito ang siyam na paraan para maiwasan ang pagkatalo mo.

#1 Pokus lang sa iyong merkado

Huwag palipat-lipat ng kostumer na iyong tutukan hangga’t di mo napapalaki ang isa. Magsaliksik ng mabuti kung tunay na nalulutas mo ang problema nila bago ka gumawa ng hakbang para sa ibang kostumer.

#2 Maging flexible

Dahil mabilis mag-iba ang pangangailangan ng merkado, dapat mabilis ka ding maka-adjust. Mas maigi pa nga na saliksikin ang maaaring maging galaw ng merkado kesa habol ka ng habol sa mga trends. Tandaan, hindi ang kostumer ang mag-aadjust sa ‘yo.

#3 Piliin ang tamang kostumer

Maraming bangungot na kostumer. Iwasan ang mga ito at sa halip, gumugol ng mas maraming oras sap ag-aayos ng relasyon sa mga mabubuting kostumer. Maiiwasan mon a din ang bad vibes sa negosyo.

#4 Piliin ang tamang kostumer

Sa pag-establish ng online business, kailangan ng tiyaga at pagsasaliksik ng aayon sa negosyo mo. Di lahat ng ginagawa ng iba ay gagawin mo din. Piliin ang naaayon sa iyong produkto, serbisyo at merkado. Tandaan ang dalawang bagay na ito: “Content is King” at “Service Excellence.”

#5 Mag-invest sa advertising at promotions

Maglaan ka ng budget para mapakilala ng husto ang iyong negosyo sa maraming kostumer na maaaring di mo pa naabot. Mubuti sana kung kaya mong kumatok sa maraming pinto nang di mo naiiwanan ang negosyo mo, di ba? Maglaan ng mula 5%-20% ng budget mula sa benta para sa advertising at promotions.

#6 Magplano

Di dahil may business plan ka na, ayos ka na. Nagbabago ang merkado at ang kalaban. Laging balikan ang naunang mga plano at baguhin ang kailangan.

#7 Piliin ang tamang team

Di ka nag-iisa sa tagumpay. Kaya kailangang mag-asembol ng tamang team para sa paglago mo. Mas mainam yung iba-iba ang mga kakayahan at talent para maraming kontribusyon sa ideya at implementasyon.

#8 Pag-aralan ang kumpetisyon

Lumingon-lingon ka din sa ginagawa ng kalaban mo sa negosyo. Lahat ng startup may pagkakaiba at pagkakapareho. Siguraduhing alam mo kung bakit sila umuungos at bakit hindi. Malaking tulong yan sa pagpaplano mo.

#9 Social media

Palagi kong isisingit ang larangan ng social media di dahil uso, kundi nariyan nay an sa mahabang panahon. Pag-aralang mabuti kung paano ito gagamitin para sa startup mo. Kumunsulta ng expert o kumuha ng consultant kung di mo gamay ito o walang oras para dito. Tandaan na sa social media makikita ang karamihan ng kostumer mo. Marami ka ding malalamang trends tungkol sa produkto mo o serbisyo at an ang gusto ng kostumer at hindi.

Maging mahilig sa pagsasaliksik sa lahat ng oras. Dito nakasalalay ang paglago ng negosyo mo.

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

homer nievera 2

3 Bagay na Dapat Malaman Bago Magtayo ng Online Business

ni Homer Nievera, CDE | Malamang, sobrang excited ka ng magnegosyo ng Online Business. At malamang din, ang napiling mong paraan ay ang pagkakaroon ng online na negosyo. Bakit nga hindi? Bukod sa uso ito, malaki na din ang naging sakop nito kaya naman pati ang malalaking retailer gaya ng SM at iba pa ay pumapasok na din.

Ano nga ba ang pruweba na hinog na hinog na ang online business sa Pilipinas?

Kung nakabili ka na sa mga online ecommerce platforms gaya ng Lazada, Zalora, Shopee at iba pa, malamang may alam ka na sa laki ng industriyang ito. Sa mundo, nakilala si Jack Ma bilang malaking negosyante na mula Tsina, nang dahil sa Alibaba. Kaya naman marami ng nahihikayat na sumali sa ecommerce.

Pero bago ka tumalon, narito ang tatlong bagay na dapat mong malaman bago ka sumabak sa online business. Basahin –

#1 Hanapin ang Iyong Merkado

Maaaring may mga napipisil ka ng mga bagay o serbisyo na ikakalakal mo online. Pero ang dapat mo unang pagtuunan ng pansin ay ang merkado na iyong bebentahan. Ang isang merkado ng mga kostumer na dapat mong pagsilbihan ay dapat maliit lamang. Huwag kang magkamaling targetin ang malaking merkado kaagad. Mas maliit mas maiigi. Tandaan na mas Malaki ang merkadong tinatarget mo, mas Malaki ang imbentaryo at marketing ang kakailanganin mo. Mas malaking kapital ang kailangan. At kahit na may sapat kang kapital, maaaring Malaki din ang maging talo mo kung di mo pa kabisado ang bawat aspeto ng merkado mo.

Maging masinsin dito. Halimbawa, kung taga-Makati ang target mo, saang parte ng Makati ba? Sa may Ayala ba o sa may Bangkal? Magkaiba ang panlasa ng mga tao sa mga lugar na ito. Babe ba o lalaki ang target mo? Ano’ng edad? Ganun ka dapat mag-target. Ang madalas kong payo kung tatarget ka ng masinsin sa online, isipin mong ikaw ay nagkakape kasama ang isang taong nais mong bentahan. Tatanungin mo siya at oobeserbahan. Ayon sa datos na makukuha mo, malalaman mo ang klase ng produkto o serbisyo na maihahandog sa kanya. Tandaan, maraming tao ang gaya niya. Yun ang pagsimulan mong gawin – masinsing pagtarget – o sa ingles, niche marketing.

#2 Magsimula sa Iyong Kasalukuyang Kostumer

Malamang, kilala mo na ang iyong maaaring maging kostumer. Dun ka mismo magsisimula. Gaya ng pagsala ng mga pangunahing kostumer, kailangan mo pa ring mag-market sa kanila. Ayon kay Bill Gates, “Content is King!” Yan ang pangunahing gagawin mo. Isaayon ang lahat ng maaari mong maging content gaya ng – artikulo, blog, vlog, at marami pang iba. Dahil nasa online ang iyong merkado, digital marketing ang pangunahing sandata mo sa pag-market sa kanila. Ang social media ay balewala kung di maayos ang programa mo sa content.

Kung nakuha mo na ang lahat ng mahahalagang datos sa unang salang mo sa online bisnes mo, malamang, kaya mo ng palakihin ang bilang ng mga kostumer mo. Tandaan, na mabilis kumalat ang masamang review ukol sa masamang serbisyo online. Kaya ang motto mo dapat: excellent service!

#3 Tamang Mindset ang Kailangan Mo sa Online Business

Ibang-iba ang pagnenegosyo online kumpara sa “brick and mortar” na business. Isipin mo na mahalaga ang masinsin na pag-aaral sa maraming aspeto ng negosyo. Di naman imporatante ang pagiging techie. Ang mahalaga ay ang mindset mo na marami kang kalaban sa atensyon sa online business. Marami ding plataporma na puwedeng gamitin na dapat ding pag-aralan. Huwag kang hihinto sa pagsaliksik sa kung ano ang mga dapat gawin at di gawin online.

Sa pag-establish ng online business, kailangan ng tiyaga at pagsasaliksik ng aayon sa negosyo mo. Di lahat ng ginagawa ng iba ay gagawin mo din. Piliin ang naaayon sa iyong produkto, serbisyo at merkado. Tandaan ang dalawang bagay na ito: “Content is King” at “Service Excellence.”

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.