ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kumusta ka-negosyo?  Umpisa na ng GCQ – o General Community Quaratine – sa Metro Manila at sa marami pang lugar sa bansa. Paalala lang po. Ang GCQ ay isa pa rin pong Quarantine at di po lahat ng nakagawiang Gawain ay maaari nang gawin. Meron pa rin po tayong mga restriksyon, lalu na sa pagnenegosyo. Kaya kung di naman po importante, stay at home pa rin po tayo.

Kaya naman ang pagtatalakay natin sa pitak na ito ngayon ay may kaugnayan sa inyong Family Business. Maaari kasing dati na kayong may ganitong setup o ngayon pa lang kayo gagawa nito.

Tandaan na di kapareho ito ng isang ordinaryong negosyo. Dahil na din sa ang mga katrabaho mo ditto ay kapamilya at di ordinaryong empleyado. Mahirap din kasing hatiin ang relasyon sa ganitong setup.

Talakayin natin kung paano ito maayos na magagawa at magagampanan ng bawat miyembro ng pamilya at ka-negosyo ang kani-kanilang gawain.

O siya, tara na at matuto!

#1 Lahat dapat ay propesyunal

Ang negosyo ay negosyo. Dapat lahat ng bahago ng pagpapatakbo nito ay nasa lebel na propesyunal. Walang tatamad-tamad at ang pokus ay ang kostumer.

Sa umpisa pa lang, dapat pinag-uusuapan na ang mga hangganan ng relasyon at gawain na may kinalaman sa negosyo. Ang kanya-kanyang mga tungkulin ay dapat maayos na nakalapat at naiintindihan ng bawat isa. Kung boss ka sa opisina, gayundin ang tingin say o sa negosyo ng anak mo o sino mang kapamilya. Respeto sa tungkulin ang kailangan.

Kapag nawala ang pagiging propesyunal sa negosyo, babagsak ito. Ganun ka-simple

#2 May karaniwang layunin (common goals)

Lahat ng negosyo ay may karaniwang layunin – o common goals – na pinagtutuunan ng pansin mula sa umpisa ng kanilang araw sa trabaho. Ang karaniwang hangarin na ito ay kailangang napag-uusapan at napag-dedesisyunan ng bawat isa sa miyembro ng pamilya sa pagnenegosyo.

Madalas kasing nagiging problema sa family business ay parang sumusunod na lang sa utos ang mga anak at sinumang nakakabata ng di inaalam kung ano talaga ang dulo ng pagnegosyo.

Sabi nga ni Steven Covey, ang “end in mind” ay mahalaga. Ito kasi ang basehan ng pag-uunawa ng bawat isa kung saan patungo dapat ang negosyo.

Kaya naman sa umpisa pa lang, siguraduhing alam ng bawat isa sa miyembro ng pamilya na nasa negosyo mo kung ano talaga ang layunin nito at ano ang kanilang responsibilidad at tungkulin para ito ay maipatupad at maisakatuparan.

#3 Ayusin ang lahat ukol sa pinansyal na aspeto

Maraming mga family business ang nalulugi at nagsasara nang dahil sa maling pagsasaayos ng mga pinansyal na gawain. Mula ito sa badyet, payroll at investments.

Wala naman itong ipinagkaiba sa regular na negosyo kung saan ang cashflow, budget at investment ay pinag-uukulan nang pansin.

Minsan kasi, masyadong kampante ang bawat isa at di ito nailalahad nang maayos. Halimbawa, ang sweldo na maaaring allowance ang porma sa ibang pamilyang nagnenegosyo. Dapat, sapat at pinag-usapan ito nang maayos. Kasi kung tipong iniutos lang ito at di napag-usapan nang maayos, tiyak na magkaka-problema ka sa maraming aspeto ng pinansyal.

Aysuin ang paghawak sa kaha. Yan ang madalas na rason kung bakit nalulugi ang mga negosyo. Yan din ang madalas na rason kung bakit ka nagdadala ng kapamilya sa negosyo. Kung di napag-usapan ang mga aspeto ukol dito, malulugi ka pa rin. Lalu na at di maalam sa aspeto ng cash management ang kapamilya mo.

#4 Pagkakaroon ng mga regular na meeting

Unang-una, ang pag-uusap sa ordinaryong hapag-kainan at hindi kailanman magiging isang pormal na meeting. Ngayon pa lang, ihiwalay mo ang aspetong ito sa isang family business.

Mag-ukol ka ng oras at lugar para sa pormal at regular na meeting para sa iyong family business. Di bas a una pa lang, sabi natin, dapat propesyunal ang paghawak? Ito na yun agad.

Magsimula kayo sa lingguhang meeting kung saan ang mga layunin at gawaing kailangang maisakatuparan ay naroon. Sundan ito ng buwanang meeting at taunang meeting. Ganun din naman sa normal at regular na negosyo di ba? Ang pagkakaiba ay ang pagtrato sa isa’t isa bilang propesyunal na miyembro ng negosyo.

Sa mga meeting na ito dapat mailahad at mapag-usapan ang lahat nang ukol sa negosyo. Bawal ang personalan dito.

#5 Respetuhin ang mga hangganan ng bawat isa

Itong parteng ito sa isang family business ay mahalagang talakayin sa umpisa pa lang. Ang pinakamahalagang aspeto nito ay ang oras ng pagtratrabaho, di ba? Yan kasi ang madalas pagsimulang ng problema kung saan ay tapos na ang oras ng trabaho, pinag-uusapan pa ang ukol dito. Dapat respetuhin ang “off” ng kapamilya, di ba?

Bawal ding pag-usapan kung sino ang mas nakakatanda sa pamilya kung halimbawa, ang bunso ang naging boss sa magkakapatid. Kapag oras ng trabaho, siya pa rin ang boss.

Huwag na huwag gagamitin ang relasyong pamilya sa isyng mga desisyong ukol sa negosyo. Minsan naman, ok lang ‘to. Pero tandaan na iba ang negosyo sa pamilya.

Konklusyon

Kung akala mo ay mas madali ang makipag-negosyo sa kapamilya, nagkakamali ka. Marami kang bagay na dapat isaalang-alang lalu pa’t relasyon ang aalagaan mo. Maraming pamilya ang nagkawatak-watak dahil negosyo. Kaya piliing mabuti ang negosyo at kapamilyang isasama mo.

Sa huli, mas mahalaga ang relasyon kesa negosyo. Tandaan mo yan, ka-negosyo.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negosentro.com kung may mga katanungan.

(Visited 4,484 times, 1 visits today)