family business

Paano Magpatakbo ng Maayos na Family Business

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kumusta ka-negosyo?  Umpisa na ng GCQ – o General Community Quaratine – sa Metro Manila at sa marami pang lugar sa bansa. Paalala lang po. Ang GCQ ay isa pa rin pong Quarantine at di po lahat ng nakagawiang Gawain ay maaari nang gawin. Meron pa rin po tayong mga restriksyon, lalu na sa pagnenegosyo. Kaya kung di naman po importante, stay at home pa rin po tayo.

Kaya naman ang pagtatalakay natin sa pitak na ito ngayon ay may kaugnayan sa inyong Family Business. Maaari kasing dati na kayong may ganitong setup o ngayon pa lang kayo gagawa nito.

Tandaan na di kapareho ito ng isang ordinaryong negosyo. Dahil na din sa ang mga katrabaho mo ditto ay kapamilya at di ordinaryong empleyado. Mahirap din kasing hatiin ang relasyon sa ganitong setup.

Talakayin natin kung paano ito maayos na magagawa at magagampanan ng bawat miyembro ng pamilya at ka-negosyo ang kani-kanilang gawain.

O siya, tara na at matuto!

#1 Lahat dapat ay propesyunal

Ang negosyo ay negosyo. Dapat lahat ng bahago ng pagpapatakbo nito ay nasa lebel na propesyunal. Walang tatamad-tamad at ang pokus ay ang kostumer.

Sa umpisa pa lang, dapat pinag-uusuapan na ang mga hangganan ng relasyon at gawain na may kinalaman sa negosyo. Ang kanya-kanyang mga tungkulin ay dapat maayos na nakalapat at naiintindihan ng bawat isa. Kung boss ka sa opisina, gayundin ang tingin say o sa negosyo ng anak mo o sino mang kapamilya. Respeto sa tungkulin ang kailangan.

Kapag nawala ang pagiging propesyunal sa negosyo, babagsak ito. Ganun ka-simple

#2 May karaniwang layunin (common goals)

Lahat ng negosyo ay may karaniwang layunin – o common goals – na pinagtutuunan ng pansin mula sa umpisa ng kanilang araw sa trabaho. Ang karaniwang hangarin na ito ay kailangang napag-uusapan at napag-dedesisyunan ng bawat isa sa miyembro ng pamilya sa pagnenegosyo.

Madalas kasing nagiging problema sa family business ay parang sumusunod na lang sa utos ang mga anak at sinumang nakakabata ng di inaalam kung ano talaga ang dulo ng pagnegosyo.

Sabi nga ni Steven Covey, ang “end in mind” ay mahalaga. Ito kasi ang basehan ng pag-uunawa ng bawat isa kung saan patungo dapat ang negosyo.

Kaya naman sa umpisa pa lang, siguraduhing alam ng bawat isa sa miyembro ng pamilya na nasa negosyo mo kung ano talaga ang layunin nito at ano ang kanilang responsibilidad at tungkulin para ito ay maipatupad at maisakatuparan.

#3 Ayusin ang lahat ukol sa pinansyal na aspeto

Maraming mga family business ang nalulugi at nagsasara nang dahil sa maling pagsasaayos ng mga pinansyal na gawain. Mula ito sa badyet, payroll at investments.

Wala naman itong ipinagkaiba sa regular na negosyo kung saan ang cashflow, budget at investment ay pinag-uukulan nang pansin.

Minsan kasi, masyadong kampante ang bawat isa at di ito nailalahad nang maayos. Halimbawa, ang sweldo na maaaring allowance ang porma sa ibang pamilyang nagnenegosyo. Dapat, sapat at pinag-usapan ito nang maayos. Kasi kung tipong iniutos lang ito at di napag-usapan nang maayos, tiyak na magkaka-problema ka sa maraming aspeto ng pinansyal.

Aysuin ang paghawak sa kaha. Yan ang madalas na rason kung bakit nalulugi ang mga negosyo. Yan din ang madalas na rason kung bakit ka nagdadala ng kapamilya sa negosyo. Kung di napag-usapan ang mga aspeto ukol dito, malulugi ka pa rin. Lalu na at di maalam sa aspeto ng cash management ang kapamilya mo.

#4 Pagkakaroon ng mga regular na meeting

Unang-una, ang pag-uusap sa ordinaryong hapag-kainan at hindi kailanman magiging isang pormal na meeting. Ngayon pa lang, ihiwalay mo ang aspetong ito sa isang family business.

Mag-ukol ka ng oras at lugar para sa pormal at regular na meeting para sa iyong family business. Di bas a una pa lang, sabi natin, dapat propesyunal ang paghawak? Ito na yun agad.

Magsimula kayo sa lingguhang meeting kung saan ang mga layunin at gawaing kailangang maisakatuparan ay naroon. Sundan ito ng buwanang meeting at taunang meeting. Ganun din naman sa normal at regular na negosyo di ba? Ang pagkakaiba ay ang pagtrato sa isa’t isa bilang propesyunal na miyembro ng negosyo.

Sa mga meeting na ito dapat mailahad at mapag-usapan ang lahat nang ukol sa negosyo. Bawal ang personalan dito.

#5 Respetuhin ang mga hangganan ng bawat isa

Itong parteng ito sa isang family business ay mahalagang talakayin sa umpisa pa lang. Ang pinakamahalagang aspeto nito ay ang oras ng pagtratrabaho, di ba? Yan kasi ang madalas pagsimulang ng problema kung saan ay tapos na ang oras ng trabaho, pinag-uusapan pa ang ukol dito. Dapat respetuhin ang “off” ng kapamilya, di ba?

Bawal ding pag-usapan kung sino ang mas nakakatanda sa pamilya kung halimbawa, ang bunso ang naging boss sa magkakapatid. Kapag oras ng trabaho, siya pa rin ang boss.

Huwag na huwag gagamitin ang relasyong pamilya sa isyng mga desisyong ukol sa negosyo. Minsan naman, ok lang ‘to. Pero tandaan na iba ang negosyo sa pamilya.

Konklusyon

Kung akala mo ay mas madali ang makipag-negosyo sa kapamilya, nagkakamali ka. Marami kang bagay na dapat isaalang-alang lalu pa’t relasyon ang aalagaan mo. Maraming pamilya ang nagkawatak-watak dahil negosyo. Kaya piliing mabuti ang negosyo at kapamilyang isasama mo.

Sa huli, mas mahalaga ang relasyon kesa negosyo. Tandaan mo yan, ka-negosyo.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negosentro.com kung may mga katanungan.

krisis

Paano Mapaglalalangan ang Iyong Negosyo sa Panahon ng Krisis

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kumusta na ka-negosyo? Mahigit dalawang buwan na tayo sa ECQ-MECQ. Alam kong mas hirap ka na sa iyong pagnenegosyo, lalu na’t di mo pa nai-pivot ito. Sana, nabasa mo ang mga nakaraang pitak ko para kahit paano ay makatulong sa yo. Hanapin lang ang Pilipino Mirror sa Facebook o online para sa mga nakaraang payo ko (tuwing Lunes).

Ngayon naman, ibabahagi ko ang ilang paraan para makatulong sa pagmamaneho o sa paglalangan sa gitna ng krisis na ito.

O siya, tara na at matuto!

#1 Balikan ang Business Plan

Narito na naman tayo. Balik tayo sa simula kung saan bibisitahin mo ang iyong Business Plan. Alam mon a siguro na lahat ng gagawin mo ay magsisimula sa isang layunin at ang layuning ito ay ilalagak sa isang plano.

Ang pag-aayos ng iyong business plan ay iaayon mo sa panahon. At dahil tunay na nag-iiba na ang pakikipagnegosyo sa panahong ito, dapat mo na ding i-pivot ang iyong business plan.

Sagutin mo lang ang mga tanong na ito sa iyong business plan: Saan mo nais Makita ang iyong Negosyo sa loob ng isa hanggang anim na buwan? Anu-ano ang gagawin mo upang maabot mo ang mga ito?

Ang susi sa isang business plan ay ang mga detalye nito. Kaya yan ang pagtuunan mo ng pansin. Kung nais mo ng simpleng template ng isang business plan, email mo lang ako, ka-negosyo sa chief@negosentro.com.

#2 Pokus ka sa Iyong Kostumer

Sa ganitong panahon ng krisi at ang iyong naturang “best customer” ay maaaring nakatuon ang pansin sa ibang mga bagay. Kung ang negosyo mo ay kasama sa mga basikong produkto o serbisyo, panalo ka na. Ngunit siyempre, may mga kakumpitensya ka pa din. Kaya sa ganitong pagkakataon, mas pagtuunan mo ng pansin ang iyong customer service.

Ang pagkakaroon ng mas maayos na serbisyo sa iyong kostumer ay mas mahalaga sa panahong ito. Yan kasi ang mas magpapa-angat ng iyong estado laban sa mga kakumpitensya.

#3 Word of Mouth – Ano’ng sinsabi nila tungkol sa yo?

Kakabit ng maayos at masiglang customer service ay tinatawag na “word of mouth” o WOM. Ang ibig sabihin lang nito ay patungkol sa mga sinasabi ng mga kostumer mo ukol sa produkto o serbisyo mo nang hindi galing sa kahit na anong patalastas o advertising mo.

Ano nga ba ang sinasabi nila?

Ano ba ang reputasyon mo?

Yan ang kailangan mong malaman at pangalagaan lalu na sa panahon ng krisis. Ito kasi ang magiging batayan ng pagnenegosyo mo dahil ang bawat isa sa mga kostumer mo man o suplayer ay nakatuon sa kredibilidad mo bilang negosyante. Madalas, makikipagsalamuha lang sila sa mga tunay nilang pinagkakatiwalaan. Ikaw ba yun?

#4 Palawigin pa ang Marketing

Maraming mga nmegosyante ang nagbabawas ng budget sa marketing kapag may krisi. Ang ilan naman, mas pinapa-igting pa ang marketing tuwing may krisis.

Di naman kasi dapat tingnan ang marketing sa “masama” o mayabang na konteksto. Ang PR na tinatawag ay isang paraan din ng marketing. Halimbawa, ang ginawang pamimigay ng pagkain ng San Miguel ay matatawag na PR (o public relations) kung saan ang budget nito sa advertising ay doon inilagak. Di ng aba, mas naalala mo sila ngayon? Marketing din yan na matatawag.

Ganun din ang ginawa ng Coke sa kanilang advertising g budget. Kasama sila sa mga nag-donate sa mga apektadong pamilya at komunidad bilang CSR program nila.

Ang mga kumpanyang naglagak ng marketing budget sa panahon ng krisis ay mas maaalala ng kostumer nila kapag mas umayos na ang sitwasyon.

#5 Palawigin ang Presensiya Online

Kumusta ang website mo ka-negosyo? Tumatakbo ban ang mas maayos? Kumusta ang iyong social media? Kumusta ang SEO at content marketing mo?

Ilang lang ito sa mga bagay na dapat mong magtibayin sa panahon ng krisis. Kagaya ng marketing, ang iyong presensya online ay mas magpapaangat sayo sa panahong ito.

Di na pa kailangang pag-isipan ito nang matagal dahil nga sa ECQ o lockdown, nasa digital na lahat ng mga tao, di ba? Kung kailangan mo ng isang libreng assessment ng iyong website at social media sa Negosyo mo, email mol ang ako para sa libreng forensics.

#6 Tuloy-tuloy na Training o Pag-aaral

Sana naman ay nag invest ka sap ag-aaral nitong dalawang buwang nagdaan. Sa ganang akin, ang tinatawag na lifelong learning ay mahalagang bagay na pagtuunan ng pansin. Ako mismo ay nakapagtapos ng dalawang kurso nitong ECQ – isa sa Harvard at isa sa MIT.

Bakit ito mahalaga? Kasi ang pagkakaroon ng mga bagong kaalaman ay magbibigay sa yo ng panibagong perspektiba sa iyong Negosyo. Ito ay magagamit mo sa iyong pagbuo ng mga bagong plano sa Negosyo mo.

Tuloy lang sap ag-aaral, ka-negosyo!

#7 Ayusin ang Budget

Maaaring kontra ito sa una kong nabanggit ukol sa marketing. Ngunit sa totoo lang, kaakibat ito.

Ang pagsasayos ng iyong budget ay mahalaga bago pa umabot sap ag-bankarote ng Negosyo mo. Kung kinakailangang magbawas ng araw ng trabaho sa mga tao, gawin mo muna kesa lubos na mawalang sila ng trabaho, di ba?

Siyempre unahin muna ang budget sa operasyon. Kung kailangang mag sakripisyo ng laki ng espasyo, gawin mo. Kung kailangang ilipat ng lokasyon, gawin mo, para makatipid.

Ang mahalaga, kung alam mo na kung ano ang pag-pivot na gagawin mo, isunod ang budget. Ang mahalaga, makahinga ka muna.

Maglagay ka ng espasyo sa iyong gastusin para maka-survive ka. Yan muna ang isipin mo.

#8 Kumuha ng Mahusay na Ka-Team

Sa panahon ng krisis, ang core team mo ang mahalaga. Dapat andyan sila upang alalayan ka sa mga plano at desisyon. Suriing Mabuti ang kanilang mga kakayahan. Mas mabuti, yung di sila pare-pareho ng kakayahan at tila napupuno nila ang kahinaan ng iba.

Bumuo ng online meetings at brainstorming sessions linggo-linggo. Magpalitan ng kuro-kuro at ayusin ang mga plano kasama sila.

Tandaan na ang pagkakaroon ng matibay na core team ang siyang magpapa-angat sa yong negosyo.

Konklusiyon

Sa panahon ng krisis, tandaan mo na di ka nag-iisa. Patuloy kang kumonekta sa iba’t ibang grupo at makibahagi dito. Ang mahalaga, galaw ka ng galaw. Maging positibo at magtiwala sa sarili mong kakayahan at ng ibang tao.

Sa lahat ng bagay, patuloy kang magdasal at manalig sa Diyos.

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang chief@negosentro.com.

work from home office

Paano Dapat Ayusin ang Iyong Home Office sa Panahon ng MECQ

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kumusta ka-negosyo? Nasanay ka na bang magnehosyo sa iyong home office – o opisina sa bahay – sa panahon ng lockdown? Ngayon kasi, siguradong gigil na ang mga taong lumabas at bumalik sa opisina. Trapik na malamang ngayon sa ilang pangunahing lansangan o highway.

Pero teka, di dahil naging MECQ na o GCQ sa iba, pakatandaan na meron pa ring umiiral na Community  Quarantine. Ibig sabihin nito, di pa lubusang bukas ang lahat ng negosyo at mahigpit pa rin ang pinapairal na social distancing at pagsuot ng face mast at iba pa.

Ngunit sa totoo lang, kinailangan na ding makabawi kahit paano ang ekonomiya ng Pilipinas kaya nag MECQ. Tandaan na sa kasalukuyan, ang mga kumpanyang maaari nang bumalik sa trabaho ay 50% lang ang pinapayagan na nasa opisina at 50% ang work-from-home.

Dito pa lang, alam mo na kailangan mong i-maintain pa rin ang iyong home office. Anu-ano ba talaga ang kailangan mo para sa maayos na opisina kung work-from-home (WFH) ka?

O siya, tara na at matuto!

#1 Tingnan muna ang operasyong gagawin mo bilang WFH

Sa ating perspektiba, ikaw ay isang negosyante. Maaaring may ilang tao ka na nasa opisina o depende kung ano ba talaga ang negosyo mo, di ba?

Alam mo naman din siguro na dahil kailangan ng social distancing sa kumpanya mo, di talaga puwedeng nasa 100% na nasa opisina lahat ng tauhan mo, kasama ka – anuman ang iyong negosyo.

Dahil ikaw ang boss (malamang naman siguro!), dapat kaya mong ayusin ang setup ng opisina mo sa bahay ayon sa operasyong iyong pamamahalaan.

Halimbawa, kung ikaw ay nasa manufacturing, dapat may supervisor ka na nagmamando nang personal sa mga tauhan. Dapat siguro may isa kang executive assistant na nasa opisina, at kung sinu-sino pa na siyang pisikal mong tao na nadun para magmando ng mga tao.

Sa operasyon ko kasi, lahat kami naka work-from-home na kaya mas madali ang operasyon at ugnayan namin dahil lahat digital na. Sa pitak na ito, ibabahagi ko ang ilang ginagawa at ginagamit naming tools na puwede niyo ding gamitin.

#2 Malakas na Internet

Di na siguro kaila na sa panahon ng ECQ, napakalaking bagay ng malakas na Internet sa bahay, di ba? Kung di ka pa lumilipat mula DSL papuntang Fiber Optic na wifi, ngayon na dapat. Kung kaya mo ng 50 mbps, mas ok.

Bonus na yung maayos kang nakaka-stream ng Netflix. Pero ang talagang pakay mo ay kayanin ng wifi mo ang mga iba pang video streaming na kakailanganin mo sa komunikasyon. Isipin mo din na malamng, di lang naman ikaw ang gumagamit ng Internet sa bahay, di ba?

Sa totoo lang, sa aming tahanan, tatlo na kaagad kaming naka-WFH. Yung dalawa kong anak kasi ay automatic nan aka work-from-home dahil na din sa uri ng kanilang trabaho kung saan sinabihan talaga silang mag WFH.

Ang isang anak ko nga, hanggang Oktubre daw na siguradong WFH siya, at isa ko naman anak ay kailangang manatili sa bahay dahil ang panganay ko ay fronliner – isa siyang duktor – kaya sa building daw nila, kailangang 21 araw daw ang automatic quarantine niya kung sa bahay umuuwi ang kapamilyang frontliner. Yun nga lang, dalawang beses sa isang lingo ummuwi ang duktok kong anak. Kaya automatic na WFH siya talaga.

At dahil nga naka fiber kami, ok lang na sabay-sabay na gumagamit ng wifi at nag stream kami ng videos at gamit sa komunikasyon.

#3 Download ka ng Zoom

Kung wala ka pang Zoom app, mag-download ka na agad. Ang tanong talaga diyan ay nasaan ka ban ang mga panahong ECQ at wala kang ka-Zoom?

Para saan ba ang Zoom? Isa itong video conferencing app na maayos ang uri ng video na nagagawa nito sa pagitan ng maraming ka-video conference.

Sa aming pamilya, sobrang gamit ang Zoom kaya kumuha na ako ng Pro version nito dahil hanggang 100 na tao ay kaya naming maka-video. At dahil may mga hino-host akong conference, yung version ko ng Zoom ay kayang mag Livestream sa Facebook o Youtube.

Kaya kung ang negosyo mo ay mga seminar, halimbawa, mahalaga itong Zoom app.

Libre naman ang pag-download. Yung free version ay hanggang 40 minuto ang puwedeng gamit nito. Mag-reconnect ka na lang kung matapos na ito.

#4 Isang Maayos na PC o Laptop

Di na siguro kaila sa yo na kailangan mo ng maayos na PC o laptop di ba? Sa totoo lang, may mga kilala nga ako na pinauwi na sa kanila ng opisina ang kanilang PC sa bahay nila habang naka WFH. Sa katunayan, yan din ang una kong pinagawa sa mga kasamahan ko sa opisina nang mag WFH kami nung nakaraang taon.

Ano nga ba ang specs ng laptop o PC na dapat na gamit mo habang WFH?

Depende kasi sa uri ng trabaho o negosyo mo ang specs ng laptop o PC mo. Ang mahalaga, may camera ito para sa video conferencing at merong maayos kang headset o earphones.

Ako, gamit ko kasi ay Macbook Air na laptop at eto ang gait ko sa pag-Zoom. Wala kasing camera ang PC ko. Kaya nga umorder na ako sa Lazada ng camera para magamit ko sa Zoom sa PC ko din.

Minimum na may 4gb kang RAM (mas ok ang 8gb siyempre!) para sa mga video. Ngayon kasi, mas ok ang may 1tb kang hard disk kung PC. Sa PC ko kasi, bukod sa 1tb na had disk, meron akong nakakabit na 6tb na backup disk. Dun ko nilalagay ang lahat halos ng files ko para automatic na ang pag backup. Kaya ang payo ko, magkabit ka din ng external hard drive sa PC mo (laptop) para sa backups.

#5 Ergonomic na Upuan at Maayos na Mesa

Kung mga walong oras kang nakaupo, dapat talaga ergonomic ang iyong upuan. Mahalaga ang pagsaayos ng iyong pag-upo lalu na sa iyong likod.

Ako, nakaka dalawang palit na ako ng upuan dahil sa paggamit ko ng matagal nito. Nagpasadya na din ako ng mesa ko para sa laki nito at taas.

Ang payo ko, pumili ka ng matibay na kagamitang mesa at upuan dahil araw-araw mo na itong gagamitin.

Konklusyon – Maayos na Workspace

Ang pinakamahalag sa lahat ay ang isang maayos na workspace. Iyong di nakahalo ang trabaho sa sala o hapag kainan.

Ang mga anak ko kasi, kung saan-saan sila nagtatrabaho sa bahay. Meron silang mga portable na mesa at upuan. Milenyal kasi. Gusto daw nila, paiba-iba ang lugar na pinagtatrabahuhan.

Ako naman, naisaayos ko na ang workspace o workstation ko sa bahay nung isang taon pa. Ayaw ko kasi ng distraction, pero gusto ko, malapit lang ako sa bintana para sa mga pa-deliver ko.

Tandaan mon a dahil WFH ka na, meron ka pa namang mensahero sa pamamagitan ng Lalamove o Grab at iba pang mga delivery providers. Yan ang mga ginagamit ko ngayon.

Mag-invest ka ng kaunti sa workspace mo dahil habang walang vaccine ang COVID 19, matagal-tagal kang naka WFH.

Tandaan, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negostro.com kung may mga katanungan.

new normal work from home

Paano Mag-Pivot sa Negosyo Mo Dahil sa “New Normal”

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kumusta ka-negosyo? Marahil, sa panahong ito ay nakakapag-pivot o sidestep ka na sa iyong negosyop dahil sa ECQ. O kaya naman ay may bago kang negosyo nan ais palaguin nang dahil na din sa pandemya. Isa munang perspektiba ang ating talakayin kung saan maaaring mababago ang iyong negosyo dahil na din sa tinaguriang “new normal” o mga bagong pamamaraan ng pakikipagnegosyo o pakikipagsalamuha sa mga tao.

O siya, tara na at matuto!

#1 Alamin ang “New Normal”

Dahil sa pandemyang dulot ng Covid 19 virus, binago ng mga gobyerno ng mundo ang ating pakikipag-ugnayang personal sa isa’t isa. Dito pumapasok ang salitang “social distancing” at ang pagkakaroon ng iba’t-ibang kagamitang panlaban sa virus na face mask, PPE, face shield at alcohol.

Ang tinatawag na social distancing ay makakaapekto sa paraan ng pakikipag-ugnayan sa kostumer at mga empleyado. Dito pa lang, malaking adjustment ang gagawin mo sa negosyo.

Nung Abril, ang kumpanya naming ang nagbuo ng mga testing booths ng DOST at DOH na ipinadala sa iba’t-ibang opspital sa buong Pilipinas. Kinailangan namin ng malaking lugar sa pabrikasyon nito dahil na din sa social distancing measures na aming ipinatupad.

At lahat ng negosyo ngayon hanggang sa mag GCQ, ay magpapatupad pa rin ng mga social distancing na kalakaran. Kaya nga 50 porsyento na agad ng mga empleyado ang di makakapasok ng pisikal sa opisina. Iiral na ang work-from-home para di na magkaroon ng tinatawag na second wave ng hawahan ng virus.

Aralin mo ang magiging epekto ng new normal sa iyong negosyo ngayon pa lang. Yan ang mas epektibong panimula para sa pag-pivot sa negosyo mo ngayon.

#2 Iangkop ang produkto o serbisyo sa panahon

Ano ba ang specialty ng negosyo mo? Yan ang unang katanungan sa sarili bilang negosyante. Mai-aangkop mo ba ang operasyon at kakayahan mo dito sa kasalukyang nangyayari?

Kung nabalitaan mo na may mga ilang kumpanya ang nag-pivot ng kanilang produksyon gaya ng mga patahian ng damit na PPE at face mask ang kanilang ginahawa sa kasalukuyan. Ito kasi ang demand ngayon. Sa Amerika, ang mga tulad ng Gap, Nike at Zara ay bumaling din sa pagtahi ng mga PPE at face mask.

Gaya nang nasabanggit ko sa nakaraang pitak ko, kami din ay nag-pivot muna mula sa paggawa ng mga transponder at nagbuo kami ng mga SCB para sa mass testing ng Covid. Sa kasalukuyan, bumubuo dain kami ng mga ventilator dahil kung sakaling lumaki ang dami ng mga pasyenteng magiging kritikal at mangailangan ng ventilator, may makukuha na ditto mismo sa bansa.

Kaya dapat mong pag-isipan kung ano ang meron kang specialty. Kung di produkto, baka naman sa serbisyo? May kilala akong may digital agency na bumuo ng ahensiya para sa mga NGO noong Abril din. Ini-angkop nila ang kanilang specialty sa panahon ngayon.

Gayundin ang mga nagtitinda ng prutas, halimbawa, ay nai-angkop ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng pagdagdag ng delivery sa mga bahay-bahay.

#3 Uriin ang at suriin ang iyong supply chain

Mahalagang parte ng negosyo ang tinatawag na supply chain – o ang mga bagay at proseso na may kinalaman sa suplay ng mga produkto at serbisyo. Maaaring ito ay may kinalaman sa mga suplay o ingredients ng produkto mo o kaya’y ang pagpapadala ng produkto mo sa mga kostumer mo.

Isang halimbawa ay ang mga gulay na nanggagaling sa Benguet na siya namang dinedeliber sa metro Manila. Di bas a mga unang lingo ng ECQ, nagkakahirapan sa pagpaparating ng mga gulay sa Metro Manila mula sa mga probinsiya? Gayundin ang magpadala ng mga produktong mula Metro Manila papunta ng mga probinsiya dahil sa kanya-kanyang lockdown ng mga bayan at pati barangay.

Nang mai-ayos na ito ng gobyerno, mas gumulong nang mas maayos ang tinatawag na supply chain.

Kaya mahalanag suriin mong mabutio at pag-aralang ang gagawing pag-pivot sa negosyo. Tandaan na mas mahirap magparating ng mga bagay na galing sa ibang bansa ngayon. Kaya marami ang nag-sasaayos ng kanilang mga negosyo nang naayon sa supply chain na pang-Pilipinas muna.

Tandaan mon a di gagalaw ang mga produkto kung di maayos ang supply chain.

#4 Ang halaga ng pagtulong vs. pagbebenta sa panahon ngayon

Maraming kumpanya ang naisipan munang tumulong kesa magbenta. Bakit nila ito ginagawa?

Ang tamanag Gawain ay isipin muna ang kapakanan ng komunidad na gtinagalawan at sineserbisyuhan mo kesa ang laman ng kaban mo. Di lang ito makatao, tamang prinsipyo din ito kahit saang anggulo mo tingnan.

Gaya ng mga malalaking kumpanya tulad ng San Miguel kung saan halos isang bilyong halaga ng magtulong ang ginawa para lang maibsan ang kakulangan ng pagkain ng mga apektadong sector ng lipunan. Gayundin ang ginawa ng maliliit na negosyo gaya ng Glorious Blends (sugar-free coffee atbp.) na piniling magpadala ng kanilang mga kape sa mga ospital sa kasagsagan ng epidemya. Ang Domino’s Philippines din ay nagdeliber ng kanilang mga pizza sa mga OFWs na naka-quarantine sa mga barko ng 2Go – bukod sa pagpapadala ng kanilang mga pizza sa mga piling ospital na malapit sa mga bukas na branches nila sa Quezon City.

Ang pagiging matulungin lalu na sa iyong komunidad ay di makakalimutan ng mga taong lubos na tumatangkilik sa iyong produkto o serbisyo. Walang halagang maitutubas dito. Tandaan mo na ang pangunahing dahilan ng pagnenegosyo ay di magkamal ng salapi kundi magkaroon ng tuloy-tuloy na kita para makatulong sa kapwa.

Sa huli, ang tulong na naibigay mo ay babalik din sa iyo sa kahit na anumang paraan.

#5 Pagsalang sa digital transformation

Di magiging ganap ang pag-pivot mo kung di ka papasok sa isang tunay na digital transformation, o ang pagsasaayos ng iyong negosyo ayon sa makabagong teknolohiya.

Ang Zoom ay naging pangunahing kagamitang pang-komunikasyon ng mga kumpanya at organisasyon sa paggamit ng pasilidad na ito sa mga meeting at online seminars. Ngayong panahon ng pandemya lang ito nauso talaga.

Ang aming negosyo ay online at may kinalaman sa digital. Biglang lumaki ang inquiries naming sa mga serbisyo naming sa pamamagitan ng mga dati na naming mga pasilidad na website, blogs at iba’t ibang social media outlets.

Di na ito kataka-taka dahil home-based na ang mga tao. Paano ka ngayon makaka-adjust dito? Kung meron kang negosyong pagkain, paano mo magagamit ang online ordering system? Yan ngayon ang dapat mong isipin.

Paano mo magagamit ang mga digital tools na madalas ay libre pa nga. Pag-isipan mo na ito ngayon at magsaliksik ng aayon sa sitwasyon mo.

Konklusyon

Maramim pang dapat ikonsidera sa mga panahon na ito at ikaw ay magpipivot sa negosyo, gaya ng cash flow at tauhan na puwedeng maging flexible ang oras of maging work-from-home.

Mas mahalagang mag-pokus sa makabagong pamamaraan ng pagnenegosyo ngayon at ang kakaibang pakikipagsalamuha sa mga tao sa panahon ng “new normal.”

Maging positibo lang at tanggapin na ito na ngayon ang panahon para mas umarangkada ka pa. Hanapin ang “Slingshot Strategies” na aking nalathala sa ilang nakaraang pitak ko. Makakatulong ito sa pananaw mo.

Tandaan, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negostro.com kung may mga katanungan.