Maging Mas Epektibo ang pag Work from Home Mo

10 Tips Para Maging Mas Epektibo ang pag Work from Home Mo

ni Homer Nievera, CDE, CVM | 10 Tips Para Maging Mas Epektibo ang pag Work from Home Mo | Kumusta ka-negosyo? Sa panahon ng pandemya, mas pinili ng mga tao at ng mga negosyante ang mag work-from-home. Kaya naman sinaliksik namin ang iba’t-ibang mga payo ng mga matagumpay na entrepreneur at mga nagtatrabaho sa kanilang tahanan. Tiningnan natin ang kanilang mga gawain at kagamitan para maibahagi sa inyo.

Tara na at matuto!

#1 Pagbabago ng Mindset

Ito marahil ang pinaka-karaniwan sa lahat nang nabasa ko at napanood, gayundin sa mga nakausap kong mga entrepreneur. Ang pagkakaroon ng panibagong perspektibo ang unang kailangan mong magkaroon upang maka-adjust ka sa panibagong setup.

Narito ka na sa New Normal na tinatawag. Matagal-tagal ang panahong lilipas bago bumalik tayo sa dati hangga’t walang bakuna sa Covid 19 virus. Maraming mababago, gaya nang kawalang ng mga ka-opisina o kaya’y ang naghahalong kapaligiran ng trabaho at bahay. Bago na ang lahat. Tanggapin mo ito.

#2 Permanenteng lugar

Ang unang gagawin mo ay ang maghanap nga isang maayos na lugar na tatawagin mong opisina mo. Maaring isang lamesa lang o isang buong kuwarto. Kung saan man o anuman ang puwestong ito, dapat maayos mong maitatawid ang pagtatrabaho mo. Tahimik dapat at di ka magugulo. Kung tutuusin, ang sala ay di tamang lugar ng opisina dahil lahat ng distraction ay nandun.

#3 Pag-invest sa maayos na kagamitan

Ang pangunahing kagamitan mo ay ang PC o laptop. Ito ang pangunahing magiging kasama mo sa pagtatrabaho. Kung ang kumpanya mo naman ay nagpadala ng magagamit mo, mas ok. Basta siguraduhing di pipitsugin kasi wala kang mahihingan kaagad ng tulong para ayusin ito.

Bukod sa kagamitan, nariyan ang wifi connection. Pumili nang naayon sa pangangailangan. Dahil nasa bahay ka at malamang naka-Netflix ka na, baka kailangan mo nang i-upgrade ang serbiso mo. Mas mainam kasi na di bababa sa 10 mbps kas inga may kaagay ka na sa paggamit, lalu na’t may mga naka-online learning kang kasabayan.

#4 Kumportableng upuan, mesa at iba pa

Ilang oras ba ang gugugulin mo sa iyong trabaho? Kung mga walong oras yan, isipin mo ang gagamitin mong mesa, upuan, ilaw at kung anu-anu pa. Dapat kumportable ka. Kung kailangan mo ng tanim sa mesa mo, gawin mo. Tandaan mo na kung ano ang meron ka dati sa opisina mo, may rason yun.

#5 Tamang oras nang pagtatrabaho

Kung walong oras ang dating ginugugol mo sa pagtatrabaho, ganun din lang dapat kung work-from-home ka.

Sa totoo lang, napakahirap gawing simpleng walong oras ka lang magtatrabaho dahil makikita mon a mas relax ka naman, iwas trapik, at mas kumportable ang lugar mo.

Ngunit di rin maganda sa kalusugan ang nakababad sa trabaho.

#6 Focus, focus, focus.

Dahil nga nasa bahay ka, maraming distraction ang makakasalamuha mo. Kailangan mong mag-focus sa gawain at piloting iwasan ang mga baga namagpapalayo sa yong trabaho. Siyempre, ilang hakbang lang kasi ang kuwarto. Puede kang matulog, di ba? O kaya’y ilang click lang, nasa Youtube ka na Netflix. Wala kasing ibang sisilip sa yo.

Magkaroon ka ng focus at mag-commit ka dito kung naisi mong maging produktibo. Sa isang banda, alamin mo ang mga bagay nag magtutulak say o na maging mas produktibo. Ikaw mismo ang makakaalam nito.

#7 Pag-update ng iyong listahan ng mga gagawin

Kung meron kang to-do list na tinatawag, i-update mo ito bawat umaga. Mas magkakaroon ka ng maayos ng pagplano ng mga gawain mo sa buong araw. Dahil dito, mas magiging produktibo ka dahil tila isang checklist lang ito ng mga gagawin mo.

#8 Pagdebelop ng regular na Gawain sa umaga

Kung may karaniwan kang gawain  o routine na tinatawag, mas ok. Isa sa normal na routine ko sa umaga ay ang paggawa ng kape at tutuloy ako sa altar para sa umagang dasal at kape. Tapos nun, bubuksan ko na ang PC at mag-scroll sa cellphone ng iba’t ibang mensahe. Magsisimula na nun ang trabaho ko.

Ikaw, ano ba ang normal na gawain mo na siyang magtutulak na gumanda ang umaga mo at maging maayos ang simula ng pagtatrabaho? Kung ano ang magandang routine na nakukuha mong gawin, sundan at i-improve mo pa. Kaya mo yan.

#9 Ehersisyo

Kung may routine ka na, dapat kasama ang ehersiyo. Ako kasi, may kaunting stretching ako at ilang gawaing pang-ehersisyo. Pati ng yung “Walk with Leslie” at pagbibisikleta, nagagawa ko. Ang paborito ko ay ang mga gawaing bahay na kasama sa mga routine ko.

Basta, ang mahalaga ay ang oras upang maging mas maayos ang kalusugan mo. Ngayon, dapat mas may panahon ka para dito.

#10 Masustansiyang pagkain

Kung merong ehersisyo, merong masustansyang pagkain ka din dapat. Sa totoo lang, mas may pagkakataon ka na para dito dahil puedeng ikaw na mismo ang maghanda at maluto nito. Di gaya nung nasa opisina ka na puro fastfood ang kinakain mo, di ba? Alam mo ba na ang pinalakabago kong blood exam ay lumabas na mas malusog ako ngayon? Yun na siguro ang epekto ng masusutansiyang pagkain ang “healthy lifestyle” na bunga ng pag work-from-home ko.

Pagtatapos

Noong nagsulat ako noong Enero sa aking pitak na ito, naisulat ko na ang 2020 ay maraming tinatawag na plot-twist. Dumating ang pandemya. Eton a ang plot-twist na yun. Ngunit kung mahuhulma mo sa tamang mindset at kasanayan ang iyong sarili, mapaghahandaan mo ang kahit na ano’ng pagsubok sa buhay at pagnenegosyo – gaya ng pag work-from-home, di ba?

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang mahirap ngunit exciting. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng bagay. Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

5 Tips Para Umpisahan ang Negosyong Gustong-gusto Mo

5 Tips Para Umpisahan ang Negosyong Gustong-gusto Mo

ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | 5 Tips Para Umpisahan ang Negosyong Gustong-gusto MoMagandang araw, ka-negosyo! Handang-handa ka na bang sumubok magtayo ng online negosyo mo? Gigil ka na bang tumulak sa bagong mundo ng mga entrepreneur?

Kung nagtatrabaho ka ngayon at tila duda sa kakayahan mong mag Negosyo, tamang tama ang edisyon ng pitak na ito.

Tuloy tuloy pa rin ang ating pagbibigay ng mga tips ukol sa pagnenegosyo. Ngunit sa pitak na ito ngayon, aatras muna tayo nang kaunti upang makahabol ang mga bagong salta. Bubuksan natin ang isipan ng mga nais magsimula.

O ano, tara na at matuto kung paano magsimulang i-negosyo ang bagay na gustong-gusto mo.

#1 Huwag ka munang mag-resign sa trabaho mo

Kung akala mo ay sasabihin kong mag-resign ka na agad sa trabaho mo ngayon, hindi po!

Sa halip, sasabihin kong maging praktikal ka. Tandaan mon a may mga taong umaasa sa yo ngayon at di mo sila maaaring biguin dahil lamang sa pagnanais na makipagsapalaran sa pagnenegosyo.

Marami na akong kilala na tumulak sa pagnenegosyo sap ag-alis sa kanilang tranaho nang hindi pa talaga handa sa pagiging entrepreneur. Ayun, nabigo sila, sumama ang loob, at tuluyan nang di bumalik sa pagsubok sa pagnenegosyo.

Ano ang dapat gawin? Gawin ang tinatawag na extra mile para sa pagsisimula mo.

Noong ako’y nagsiumulang magtrabaho, napunta ako sa pagbebenta ng mga magazine subscription at mga libro. Yun ang una kong naging trabaho – sa sales!

Kahit noong mga panahonmg iyon, nais ko nang magnegosyo. Ngunit, alam ko din na di pa sapat ang kaalaman at ekspiryensya ko. Ang pinakamalapit sa pagnenegosyong nagawa ko ay ang pagtayo ng maliit na canteen sa isang kumpanya ng bus sa Pasay. Kasama ko noon ang girlfriend ko (na asawa ko na ngayon). Tuwing tanghali, pupunta ako sa canteen naming upang tumulong. Pagkatapos nun, babalik ako sa pagbebenta. Natuto tuloy ako kung paano makipagsalamuha sa iba’t ibang tao at sa paggawa ng lahat ng bagay sa pagka-canteen. Mula sa pagsandok ng kanin, pagluluto, pagkakahera, at pati na din pagliligpit, paghuhugas at paglilinis. Lahat yun ginawa ko.

#2 Gawing ang mga bagay ng “Baby Steps”

Noong nagka-canteen kami, naging tila sideline ko yun. Yung mga nakuha kong komisyon ay ginamit kong dagdag puhunan sa canteen namin.

Habang ginagawa ko yun, naisip kong gawing tila isang negosyo na din ang pagbebenta ko ng mga magazine subscription at mga libro sa iba’t ibang opisina. Naisip ko na maaari ko din sigurong gawing negosyo ang ginagawa kong trabaho. Sa totoo lang, may mga naging kasamahan ako noon na ganun nga ang ginawa.

Dahil dun, nagsimula akong magplano at saliksikin ang industriya ng pagbebenta ng magasin. Yun tila ang naging “baby steps” ko. Unti-unting lakad lang tungo san ais marating na Negosyo. Kasi nga, kahit nung high school pa lang ako, yung pagbebenta ng magasin ang ginagawa ko. Naging full-time na trabaho ko noong mga panahong iyon, at naisip na baka yun din ang maging negosyo ko.

Nagsubok akong maghanap ng mga supplier ng mga magazine at libro. Nalaman kong galling pala sa abroad ang halos lahat ng mga babasahin, at malaking kapital din pala ang ilalabas ko upang makapag negosyo nun.

#3 Alamin ang puede mong i-offer

Dahil na din sa alam ko sa puso ko na media ang magiging negosyo ko, nagsaliksik pa din ako sa mas malaking mundo na ginagalawan ko noon. Mula magasin, inalam ko ang mundo ng telebisyon, radio at diyaryo.

Nalaman kong ang puede ko pa lang mai-offer ay mas malawak pa kesa sa mga subscription lamang ng mga magasin. Puede din palang kumita nang mas malaki mula sa pagbenta ng patalastas o advertising.

Ano’ng ginawa ko? Ayun, nag resign ako sa kumpanya na nagbebenta ng subscriptions, iyun ay kahit pa naging sliver medalist ako sa pagkakaroon ng ikalawa sa pinakamalaking benta sa unang taon ko palang sa sales.

Saan naman ako pumunta? Nag apply ako sa pinakasikat at pinakamalaking ad agency noon sa Pilipinas. Nag desisyon akong pumasok sa media department upang matutunan ko ang lahat nang patungkol sa larangang napili kong i-offer.

#4 Matuto ka sa ibang tao

Ang posisyong ibinibigay sa akin noon ay bilang Account Manager. Tinangihan ko iyon at sa halip ay sinabi kong sa media ang gusto kong departamento. Kahit pa mas mababa ang posisyong bukas noong panahong iyon, kinuha ko pa rin. Sabi ko, nais kong matutunan ang lahat ng maaaring matutunan ukol dun.

Ganun na nga ang nangyari. Ang pinakamagagaling na mga tao sa industroiya at departamentong iyon ang mga naging boss at mentor ko. Sa totoo lang, hanggang ngayon, ang isa sa mga naging boss ko noon ay naging ninong ng panganay ko at sa isang banda ng career ko, naging isa sa mga manager ko pa nga siya sa Amerika. Ngunit ang taong ito, ay tinuturing kong naging mentor ko sa larangan ng industriya ng media.

#5 Mag-pitch, mag-hustle, magbenta!

Fast-forward tayo ng isang dekada simula nang ako’y na-empleyo sa ad agency at sa media department, nabalik ako sa mundo ng magasin. Naging Country Sales manager na ako noon ng isa sa pinakamalaking magasin sa buong Asia. Ang hawak ko na noon ay ang pagbebenta ng advertising at subscriptions para sa magasin na tinutukoy ko. Naging boss na ako noon, ngunit pinapangarap ko pa ring magkanegosyo ukol sa larangan ng media.

Di ako tumigil. Na-master ko ang sales – o pagbebenta. Kasama na dito ang pag-pitch o pag-prisinta ng mga nilalako ng aming kumpanya.

Ang bonus dito ay nanggaling sa boss kong Briton. Inoferan niya ako ng isang deal kung saan na sa halip na sweldo at komisyon, binigyan nya ako ng pagkakataong mag Negosyo sa loob ng sariling kumpanya.

Paano?

Sabi niya, bibigyan niya ako ng tripling halaga ng komisyon kung sa halip na tumanggap ako ng sweldo, tatangap lang ako ng tinmatawag na “advance on commissions.” Ibig sabihin, kahit magkano ang puede kong tanggapin buwan buwan basta naayon sa kikitain kong komisyon sa isang taon, at hahatiin ko sa labindalawang buwan.

Ang nigari, sobrang laki ng kinita ko noon! Ngakaroon ako ng motibasyong magbenta ng magbenta na ang ginagawa ko na pala noon ay tila negosyo ko na at di ordinaryong pagtatrabaho!

Pagtatapos

Ngayon, sa laranag ng online publishing ang negosyo ko. Nakabase ang aking mga blogs sa iba’t ibang bansa dahil taga iba’t-ibang bans ana din ang aking mga mambabasa. Sa Amerika ang mga pangunahing blogs ko at ang iba ay nasa Europe, Australia, Middle East at India. Gayundin ang lokasyon ng mga nagsusulat para sa akin. Nakamit ko din ang naiplano ko nang mahabang panahon.

Mahirap maging entrepreneur. Marami kang kinakaharap sa araw-araw. Ngunit, kung kaya mong i-organisa ang iyong pag-issip at mga desisyon ukol sa iisang layunin, magtatagumpay ka rin.

Tandaan na sa lahat ng bagay, sipag, tiyaga at pagdarasal ang mahalaga.

Hanggang sa muli mga ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com