Maayos na Komunikasyon sa Opisina

4 na Tips Para Panatilihin ang Maayos na Komunikasyon sa Opisina

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Ang isang malaks na negosyo ay nakatayo sa maayos na komunikasyon sa loob mismo ng opisina. Kung mahina ang komunikasyon, watak-watak ang organisasyon, bagsak ang negosyo. Kaya kung nasa tama ang pagsasaayos ng komunikasyon ng mga tauhan at boss, siguradong mabilis ang pag-angat ng negosyo mo. Narito ang ilang tips:

#1 Ayusin ang mga panuntunan sa pagiging bukas sa komunikasyon

Kung di mo mapanatiling bukas ang linya ng komunikasyon dahil na din sa mga maling panuntunan sa opisina at negosyo mo, sa una pa lang, di na magiging maayos ang nais mong ipatupad. Ang kasabihang “bukas ang aking pintuan” na madalas wika ng mga boss, ay di na masyadong ipinatutupad. Kaya kung ang pakiramdam ng mga empleyado ay di na sila pakikinggan sa unang pagkakataon pa lang, di na sila tuluyang magsasalita. Kung anuman ang mga ideya na sana ay kanilang maimumungkahi, di na ito masasabi pa. Sayang naman.

Ang pagkakaroon din “reward system” sa mga idea na iminumungkahi ay maari mo ding ipatupad. Madalas, ginagawa ito ng mga malalaking kumpanya. Bakit di mo kaya subukan naman sa negosyo mo?

#2 Madalas na miting

Kahit gaano ka-busy ang mga tao, ang pagkakaroon ng madalas na miting ay importante. Ang simpleng isang beses kada lingo na miting ay malaki ang naidudulot sa organisasyon.

Sa katunyan, nangyari na ito sa akin nang iniwan ko sa isang head ko ang pakikipag-miting sa mga tao. Di na niya pala nai-miting ang sales team kaya ayun, isang buwan pa lang, bumaba na agad ang benta.

Tandaan na ang madalas nap ag-miting ay pagkakataon ding maibaba o maiakyat ang anumang mga mungkahi ng mga tao.

#3 Gumamit ng teknolihiya sa pag-miting

Alam ko namang mahirap ngayon makakuha ng 100 porsyento ng dadalo sa mga miting sa maraming dahilan. Ngunit may mga apps na ngayon na nagagamit namin lalu pa’t may organisasyon akong lahat ay “work-from-home” na.

Ang paggamit naming ng Zoom, Skype, WhatsUp, Viber at Messenger ay malaking bagay sa aming komunikasyon at sa larangan ng pagmimiting.

Wala nang dahilan na di makipag-miting, saan ka man naroroon.

#4 Bonding time

Ang pagkakaroon ng mga Team Building, Retreat, Outing, at iba pa ay di lamang pagkakaroon ng pahinga kundi ang pagkakaroon ng pagkakataong magsama-sama at mag-usap-usap sa mas maluwag na pamamaraan. Di naman kailangang magingmamahalin ang lugar. Ang mahalaga ay sa labas ito ng regular na opisina.

Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng pagkakataong makilala ang isa’t isa sa labas ng opisina at magkaroon ng pag-uusap sa interes ng iba maliban sa negosyong ginagalawan.

Ang sandigan ng isang matatag na negosyo ay komunikasyon sa loob at labas ng organisasyon. Bilang boss o manager, dapat isaisip ang halaga ng komunikasyon habang maaga pa.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

5 Aral sa Pagtatayo ng Negosyo Mula sa Kitchen Hub

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Noong Biyernes, habang nagbabalak na sanang umuwi mula sa SM City Sucat, napadaan kami ng anak ko sa gitna ng mall kung saan may mga kiosk ng iba’t-ibang uri ng pagkaing gawa ng malikhaing mga Pinoy. Nakita ko ang Kitchen Hub, na tindahan ng mga nakaboteng Gourmet Tuyo na paborito naming mag-asawa. Nagbabakasakali akong meron silang Gourmet Daing na nasa bote at ang tumambad sa akin ay ang iba’t-ibang klase ng Gourmet Tuyo, Daing at iba pa na iba’t-ibang mantika ang ginamit.

Habang bumibili ako, tinanong ko na din ang mga binatang nagtitinda na sila pala’y mga anak ng may-ari na si Joy Dabu. Iniwan ko ang tarheta ko dahil naisip ko silang maisulat sa isa kong online publication.

Nang kami ay magkausap noong Sabado nang gabi, marami akong natutunan kay Gng. Dabu, na isang dating empleyado at napunta sa pagnenegosyo nang di daw sinasadya. Eto ang kuwento niya na nakalubid sa mga aral na kanyang ibinahagi:

gourmet tuyo kitchen hub

Pinaka-paborito ko ang Gourmet Tinapa at Gourmet tuyo

#1 Walang aksidente sa pagpasok sa negosyo

Si Gng. Dabu ay may anak na nagkasakit, at eto ang dahilan kung bakit tumigil siya sa pagtrabaho upang matutukan ang pag-aalaga dito. Ang asawa niya ay OFW noong mga panahong iyon. Naikuwento ni Gng. Dabu na sa paghahangad na kumita upang matustusan ang kanilang pangangailangan sa araw-araw, kung anu-anong negosyo ang kanyang naisip. Dahil matagal siyang empleyado at walang ibang alam kundi ito, di na muna siya nagpumilit makipagsapalaran. Ngunit nagsimula siyang magkaroon ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanyang mga panaginip tungkol sa negosyong Gourmet Tuyo. Di lang isang beses ito raw nangyari. Kaya naman naisipan niyang magsaliksik ukol sa ganitong produkto.

Ang aral dito ay ang di pagbale-wala sa inspirasyon. Ayon kay Gng. Dabu, nagbunga ang kanyang pagdarasal at dito niya iniugnay ang pagsimula ng Kitchen Hub.

#2 Magsaliksik nang husto

Dahil na din sa wala siyang kaalaman sa pagnenegosyo, lalu pa’t kaugnay sa papasukan niyang Gourmet Tuyo, nagsaliksik si Gng. Dabu nang husto. Mula ito sa pagluluto, pagtimpla at paggamit ng mga organic na sahog para sa panlasa at pagpapatagal sa bote, nagsaliksik siya. Pumunta pa nga si Gng. Dabu sa DOST para tulungan siya sa pormulasyon ng kanyang produkto.

Ang aral dito ay ang walang katapusang pag-aaral para sa ikaaangat ng negosyo.

#3 Sipag at Tiyaga

Ang dalawang salitang ito ang agad na naibulalas ni Gng. Dabu nang siya’y aking tanungin kung ano ang higit niyang ginawa bukod sa pagdarasal. Wala naman talagang tatalo sa sipag at tiyaga para umangat ang negosyo, di ba? Naikuwento kasi ni Gng. Dabu na nagsimula siya sa paglalako sa mga kaibigan at kapitbahay. Ang patuloy na paghahanap ng tamang sahog, bote, packaging at labels ang kanyang naging higit na puhunan sa negosyo. Nagbunga naman ito, at dahil sa aral na – sipag at tiyaga – di ba?

#4 Mahalaga ang papel ng kapamilya

Noong nagsisimula pa lang si Gng. Dabu sa Kitchen Hub, ang kanyang pamilya ang naging haligi, sandigan at katulong sa pagbuo ng konsepto ng produkto. Mula sa pagtikim at pagbenta, hanggang sa pagdamay sa kanilang mga pinagdadaanan ang mga mahahalagang bagay kung bakit nagtagumpay sila sa kanilang negosyo.

Ang mahalagang aral dito ay ang di pagbale-wala sa halaga ng pamilya sa iyong pagnenegosyo. Para sa kanila rin yan, di ba?

#5 Tuloy-tuloy lang para sa mas malaki pang tagumpay

Sa aking panayam kay Gng. Dabu, nabanggit niya na nais niyang makarating sa iba’t-ibang bansa ang Kitchen Hub na Gourmet Tuyo at iba pang produkto. Di kasi siya tumigil sa paglalako at ngayon naman ay ang pagbukas ng kiosk sa SM City Sucat. Nang matanong ko siya kung meron na siyang online delivery, di naman niya naikaila na di daw siya techy. Kaya naman sinabi ko sa kanya na tutulungan ko siya sa aspetong yun. Ganyan kasi dapat ang negosyante, na patuloy ang paglawak at paglaki ng kanyang nasasaisip na tagumpay.

Wag kang titigil, ka-negosyo. Anuman ang tagumpay (o dagok) na iyong pinagdadaanan at kinakaharap, tuloy lang sa pag-angat at pagbangon. Para kay Gng. Joy Dabu at sa kanyang Kitchen Hub, gogogo lang po! Sumainyo ang Diyos!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com