Maka-target ng Tamang Kostumer

3 Paraan Para Maka-target ng Tamang Kostumer

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Ano man ang iyong negosyo, tiyak na may iba’t ibang uri ng kostumer ang yong nakakasalamuha. Ngunit may ilang uri lamang ng kostumer ang nakakapagdala ng malaking benta sa negosyo mo. Itong mga klaseng kostumer na ‘to ang dapat na tutukan at pagtuunan ng pansin.

Sa tinatawag na Pareto’s Principle, sinasabi na 20% ng iyong mga kostumer ang nagdadala ng 80% ng benta mo. Maaari din sabihing ang 20% ng isang uri ng mga kostumer mo ang nag-aakyat ng 80% ng kita mo. Kung gayun, paano mo malalaman kung sino ang mga ito?

Narito ang ilang tips…

#1 Saliksikin ang datos ng mga benta at kostumer

Ang unang gawain sa masinsin na pagpili ng kostumer na tatargetin ay ang pagsaliksik ng mga datos ng mga benta mo kung saan makikita ang uri ng kostumer na bumili sa yo. Kung online ang bentahan, mas madali itong makikita.  Ngunit kung wala ka pang datos, mas maiigi na yung magsimula kang mangalap ng datos na ito mula ngayon. Kung meron kang “feedback form,”mas ok. Ang mahalaga ay makuha mo ang pangunahing datos gaya ng gender, edad, lokasyon (tahanan), at kung ano ang binili o binibili sa yo. Kapag nakuha mo na ang mga datos na ito, mas madali mong mailagay sa kanya-kanyang kategorya ang mga mamimili mo.

Mula sa mga datos na ito malalaman mo ang porsyento ng mga klase ng bumibili sa yo at kung ano ang binibili at sa gaano kalaking halaga. Ang mga datos gaya ng edad, lokasyon at iba pa ay makakatulong ng malaki upang mapagpare-pareha ang uri ng kostumer sa uri ng mga binibili ng mga ito. Ang lahat ng datos na ito ang magbibigay sa yo ng kaalaman kung paanong promo o marketing ang gagamitin para pabalik-balik sila sa negosyo mo.

#2 Imaginary na Kapihan kasama ang isang imaginary na kostumer

Ang kunwaring pakikipag-kape sa isang kostumer (na imahinasyon mo din!) ang isa sa mga epektibong pamamaraan ng pag target sa isang kostumer mo. Ang tawag ko dito ay ang “Scarcity Thinking” kung saan nais mong sumentro sa iisang kostumer lamang dahil alam mong marami pang tulad ng kostumer na ito. Sa pagtutok sa iisang kostumer na ito mo malalaman ang maraming bagay sa sa kanya mula gender, edad, lokasyon, mga hilig (hobbies), ayaw, hanggang sa mga kasalukuyang pinagdadaanan niya. Maaari mo ding gawing makatotoohanan ang pakikipag-kape sa isang tunay na kostumer na sa tingin mo ay representate ng malaking bilang pa ng mga kostumer mo. Ang paraan ng pagsasaliksik na ito ay epektibo dahil mas ramdam mo ang kanyang sitwasyon, at naiintindihan ang mga rason kung bakit siya bumibili sa yo ng ilang bagay (o serbisyo), at bakit din hindi.

#3 Gamitin ang social media gaya ng Facebook

Ang social media gaya ng Facebook Page ay may mga datos na ang tawag ay “Insights.” Bukod sa “Shop”ng FB kung saan may ilang datos na makikita sa mga kostumer, ang mga FB Ads at FB Posts mo ay may mga katapat na datos kung saan makikita ang pinahahalagahan nila para sila ay mag-like, share o comment. Lalu na kung may link (papuntang website mo) ang mga posts, mas mabilis mapag-aralan ang galaw ng mga kostumer mo at makita ang porsyento ng “conversion”o pagbili nila sa yo.

Isang halimbawa ang pagbilang ng mga nabebentahan mo na nag-pm (personal message) sa FB Messenger. Makikita mo ang “conversion rate”o porsyento ng mga bumili sa yo mula nang nag pm sila. Kunin lang ang datos nila gaya ng bagay na binili at sap ag silip sa kanilang FB ccount, malalaman mon a din ang maraming bagay ukol sa mga kostumer na ito.

Sa dulo, ang mahalagang gawin ay pag-aralang mabuti ang mga kostumer mo na masasabing may halaga sa negosyo mo. Hindi po tsamba-tsamba ang bentahan. May datos po dapat para di masayang ang pera at pagod sa marketing mo.


Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa chief@negosentro.com.

Branding sa Negosyo

4 na Rason Bakit Mahalaga ang Branding sa Negosyo

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Madalas mong naririnig ang salitang “brand.” Madalas din napapagkamalang magkapareho ang salitang brand sa salitang “product”(o produkto).

Ang brand ng isang produkto mo ay siyang nakikilala sa merkado, maliban na lang kung ang prdukto mo ang pinaka-una sa kategorya o industriya nito. Gaya ng Colgate na naging katapat na ng salitang Toothpaste. Gayundin ang Gasul na naging katapat ng LPG. Sila kasi ang ilang lang na nauna sa ganung klase ng mga produkto noon. Kaya naman sa madaling salita, ang isang brand ang siyang  nakalagay sa label ng produkto.

Bakit nga ba mahalaga ang branding? Tara, talakayin natin.

#1 Kailangan ng mapagkikilanlan ang produkto o serbisyo mo

Higit pa sa logo mo ang branding sa negosyo mo. Ang akala kasi ng karamihang negosyante, kung may kakaiba at natatanging disenyo ang logo mo, ok ka na. Hindi po ganun iyon. Sa kabilang banda, ang “katauhan”ng iyong logo ang mas mahalaga sa mga kostumer.

Tanungin mo ang iyong sarili kung ano katauhan na pumapalibot sa brand mo. Ito kasi pagkikilanlan ng negosyo mo. Pag-isipan ang katauhan ng brand na Jollibee sa pamamagitan ng mascot at logo nito. Ano ba ang sinisimbolo ng mga ito?

#2 Simbolo ba ng tiwala ang iyong brand?

Ang mga malalaking pribado na ospital sa Pilipinas at madalas na may mga simbolo na may kasamang krus at kulay na puti. Bakit nga ba? Dahil ang mga sinisimbolo nito ay tiwala.

Mahalaga kasi sa mga kostumer ang mga brand na sumisimbolo sa kanilang pagtitiwala na maayos o magaling o mabisa ang produktong binebenta mo. Pinaghirapan kasi nila ang perang ipapambayad sa yo kaya importante ang pagkumbinse sa kanila na maayos at katiwa-tiwala ang produkto mo.

Kaya naman sa lahat ng bagay na sisimbolo sa brand mo, saliksiking mabuti kung lalabas ang pagtitiwala ng mga kostumer mo.

#3 Sino o ano ang maaalala ng mga kostumer mo?

Natanong mo na ba sarili mo kung bakit may mga kinukuhang mabibigat na endorser ang mga produkto ng mga malalaking kumpanya? Bakit ang daming ine-endorso ang mga tulad ni Sen. Manny Pacquiao?

Bukod sa tiwala na maaaring dala nila, ang kredibilidad nilang “mailako” ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng “brand recall.” Ang “brand recall” ay nangangahulugang naididikit nila ang brand mo sa endorser kaya mas mabilis maalala ang brand mo ng mga kostumer.

Di naman ganun kasimple lang yun ha. May kasamang pagsasaliksik din ang pagkuha ng mga endorser. Di kasi lahat ng endorser na sikat ay naaayon sa personalidad ng brand mo. Maging masinop sa bagay na ito.

#4 Motibasyon sa mga empleyado ang dala ng tamang branding

Ang maaaring dala na motibasyon sa mga empleyado mo ay isa ding rason kung bakit mahalaga ang branding. Bakit ba ang daming nais magtrabaho sa mga tulad ng San Miguel, BPI, Google at Facebook? Bukod sa maaaring magandang sweldo o benepisyo, ang “bragging rights”ay mahalaga, lalu na sa mga milenyal. Ang pagtrabaho din sa mga katulad nitong mga kumpanya ay makakatulong sa mga susunod pang trabaho nila.

Ganyan kahalaga ang branding sa motibasyon ng mga empleyado. Kung nagsisimula ka pa lang na negosyo, isama mo ang iilang empleyado mo sa pagsasalarawan ng iyong branding. Sila din kasi ang unang tuulong upang mapalaganap ito na ibebenipisyo ng buong kumpanya.

Ikaw, ano ang branding mo sa sarili mo?


Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa chief@negosentro.com.

Tama ang Pagbebenta

4 na Kaalaman Paano Simulan nang Tama ang Pagbebenta

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kahit na ano’ng negosyo pa ang pasukin mo kung di ka marunong magbenta, walang papasok na pera at magsasara ang negosyo mo. Kaya naman naisip ko na sa loob ng dalawang taon, di ko pa naisulat ang tungkol sa paksang ito. Kaya eto na.

#1 Kaalaman ukol sa iyong produkto o serbisyo

Di makakapagsimulang magbenta kung di mo kabisado ang produkto o serbisyo na iying ibebenta. Kaya naman sa umpisa pa lang ay dapat nakahanda na ang mga ilalahad ukol sa negosyo mo. Bukod sa mga pulyetos, dapat may website ka kung saan pupunta ang mga meron pang katanungan. Ngunit ang mahalaga any handa kang sagutin ang lahat ng patungkol sa binebenta mo. Gayundin dapat sa mga nakaharap mismo sa iyong kostumer.

#2 Depinisyon ng iyong merkado

Kung di mo kilala ang tatargetin mong kostumer o merkado, para kang hilong-talilong na paikot-ikot sa pagbebenta mo. Ibig sabihin ay mahihirapan kang makapagbenta dahil mali ang pinagbebentahan mo o di ka sigurado kung sila nga mismo ang bibili sa yo. Kaya sa umpisa ay ayusin ang depinisyon ng merkado mo para di masayang ang oras. Ilista ang mga maaaring solusyon na magagawa ng binebenta mo at i-match ang kostumer. Pag nagawa mo na ito, mas madali na ang pagbebenta.

#3 Ayusin ang script

At dahil alam mo na sino ang pagbebentahan mo, ayusin mo na ang script kung paano mo ilalatag ang offering mo. Lalu na ku g di ikaw lang ang haharap sa kostumer, mas mainam ang paggawa ng script. Isipin ang lahat ng maaaring tanungin para siguradong masasagot ang mga ito. Tandaan na maaaring di lang ikaw ang gagamit ng script kundi mga tauhan mo din kaya mainam ang magpraktis. Ayusin ang script kada may bagong kaalaman para updated ito.

#4 Gumamit ng social media at iba pang digital na uri ng oagbebenta

Kung naayos mo na ang unang tatlong inilahad ko dito sa pagbebenta, puwede mo nang subukan sa mga digital na channels gaya ng social media, email at pati sa mga mobile messeging apps. Sigurado naman may mga aayusin ka pa sa script na ginawa mo para umakma sa digital channels.

Sa lahat ng klaseng negosyo, di maiiwasan ang sales o pagbebenta. Kaya magpakabihasa ka dito kahit di ka sigurado. Ang mahalaga ay kaya mo tong gawin para kung umalis man ang mga salesman mo, kaya mong saluhin ang trabaho.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com