Paano Siguraduhing Magtatagumpay ang Startup Negosyo Mo

Paano Siguraduhing Magtatagumpay ang Startup Negosyo Mo – 6 na Tips

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Paano Siguraduhing Magtatagumpay ang Startup Negosyo Mo – 6 na Tips | Kumusta ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan. Kung kasama ka sa mga nawalang ng trabaho, sana naman ay nakapaghanap ka na ng ibang pagkakakitaan. Sa buhay, ang mga ganitong sitwasyon ay maaaring maging paraan upang makahanap ng mga oportunidad na magpapabago ng kinabukasan mo.

Sa pagkakataong ito, baka naman patungo ka sa isang matagumpay na startup negosyo.

Narito ang ilang tips upang masigurong di ka babagsak.

O siya, tara na at matuto!

#1 Alamin ang tunay na layunin mo sa buhay at sa negosyo

Maraming nag-uumpisa ng Negosyo na iisa lang ang layunin nila – ang kumita ng pera. Kung yan ang mismong malalim na layunin mo sa pagnenegosyo, di ka magtatagumpay.

Bakit? Kasi lahat ng tao ay yan ang hinahanap nila hanggang sad ulo ng buhay nila – ang tunay na layunin nila sa mundo.

Noong araw, yan din ang naisip ko bilang isang layunin – ang yumaman. Ngunit noong nandun na ako sa rurok ng tagumpay, nalaman ko na wala rin palang tunay na saya o kaligayahan o kapayapaan sa taas. May kulang pa pala.

Noong makita ko na ang layunin ko sa buhay ay tulungan ang mga SME at MSME na magtagumpay, umungos pa ang aking mga negosyo at alam kong natagpuan ko na talaga ang layunin ko.

Hanapin mo yan sap ag-mumuni-muni mo. Magdasal ka at hanapin ang tamang direksyon. Bale wala ang mga susunod na ilalahad ko dito kung sa layunin (purpose) mo pa lang wala ka nang malinaw na sagot.

#2 Itayo ang negosyo nang naaayon sa nais mo sa buhay

Kadikit nito ang layunin o hangarin mo na nailahad ko sa taas. Ang pag-alam mo sa mga nais mong gawin na nagpapasaya sa yo ay mahalaga.

Bata pa ako noon, mahilig ako magbasa at magsulat. Tila ba nasa ibang mundo ako lalu na kung may mga problema aong kinakaharap. Doon ko ibinabaling ang lahat.

Nang lumaon, napadpad ako sa larangan ng paglalathala ng mga libro at magasin. Naharap ako sa iba’t ibang aspeto ng paglilimbag ng mga babasahin. Napunta rin ako sa larangan ng advertising kung saan naitagni-tagni ko ang negosyong pumapaloob sa industriyang ito. Noong mapasok ako sa mundo ng digital, dito ko nakita na maaari kong maisakatuparan ko ang ginagawa kong trabaho at mga mahal kong gawain sa iisang negosyo. Nag-umpisa ako sa blogging. Ito na ngayon ang pumapaloob sa negosyo ko ngayon.

#3 Manalig ka

Ang pananalig sa sarili mong kakayahan at sa kakayahan ng iba ay kritikal sa tagumpay mo sa iyong startup. Kung nawalan ka ng tiwala sa sarili, talo ka na sa umpisa pa lang.

Kahit pa walang naniniwala sa yo, pero naniniwala ka sa sarili mo, panalo ka na.

Noong 2014, bumagsak ang isang negosyo kung saan ako ang pinuno. Bumalik agada ko sa pag-blog. Tinantanong ako ng asawa ko noon kung ano ang ginagawa ko. Sabi ko, matapos kong magdasal, tila ang sabi ng Diyos sa akin, na gawin ko lang ito. Makalipas ang ilang buwan, ma bumili ng mga blogs ko. Nakabuo pa ako ng iba sa ibang bansa at nabuo ang network ko ng mga blog na namamayagpag ngayon sa iba’t ibang bansa.

Nagtiwala ako sa Diyos at sa sarili kong kakayahan, na kakayanin kong magtagumpay.

#4 Bumuo ng matibay na team

Ang isang kabuhayan namin ngayon ay nakasalalay sa matibay na team na nabuo ko noong isang taon bago tumama ang pandemya. Hinamon ko ang tatlong kabataang nagtatrabaho sa akin noon na makipag-partner sa akin sa isang negosyo. Sumama sila sa akin at ngayon, sila ang pinaka-core ng team. May mga nadagdag na din ngunit ang core team ang siyang nakakatulong nang malaki sa negosyong nabuo namin.

Ngayon, lumalaki na ang negosyo dahil na din sa pagiging makaugnay ng mga gawain. May maayos na sistema at alam na naming paano palakihin ang Negosyo. Sa gitna ng lahat ng ito ang pananalig sa isa’t-isa na kakayanin ang pag-ungos ng negosyo.

#5 Ipagpatuloy ang pag-aaral

Eto na siguro ang isa sa pinakamahalagang aspeto upang magkaroon matagumpay na Negosyo at mahihirapang pabagsakin.

Lalu na ngayong panahon ng krisis at pandemya, ang daming bagay na maaaring naiba sa pagnenegosyo kaya kailangang mag-levelup sa pamamagitan ng pag-aaral. Ako mismo at nagkaroon ng certiofication sa content marketing nitong nakaraang ilang buwan sa loob ng ECQ. Gayundin ang mga tauhan o kasamahan ko sa negosyo.

Di ka aangat at titibay kung kulang ang kaalaman mo. Knowledge is Power. Tandaan mo yan.

#6 Mahalaga ang kostumer

Sa lahat ng Negosyo, ang kostumer mo ang pinaka-sentro ng lahat ng gagawin mo. Pagtuunan ng pansin ang lahat ng aspeto nang naayon sa kagustuhan ng kostumer na pinagsisilbihan mo. Huwag kang hihinto sa pagkakaalam ng mga ito dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ng negosyo mo.

Konklusyon

Ang pagnenegosyo ay may halong hirap at saya. ‘Wag kang tututok lang sa hirap kundi sa saya na dulot nito.

Sa pagkakataong ito, may mga inaalagaan kang mga tauhan na sana ay maging matagumpay din silang kasama mo. Bukod dito, nasa sentro ng lahat ang kostumer mo. Alamin ang gusto nila at pagsilbihan sila.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negosentro.com kung may mga katanungan.

5 Bagay na Maituturo sa mga Empleyado Para Magtagumpay Sila sa Trabaho at Buhay

5 Bagay na Maituturo sa mga Empleyado Para Magtagumpay Sila sa Trabaho at Buhay

ni Homer Nievera, CDE, CVM | 5 Bagay na Maituturo sa mga Empleyado Para Magtagumpay Sila sa Trabaho at Buhay | Kumusta ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan. Unti-unti nang binubuksang muli ang ekonomiya sa harap ng banta ng Covid 19. Kaya naman kahit may agam-agam ang karamihan, nagbabakasakali pa rin ang mga negosyante na makabawi-bawi habang gtuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.

Sa pitak na ito ngayon, ang pagtuturo sa mga empleyado para sa personal na tagumpay nila ang ating tatalakayin. Ano nga ba ito?

Tandaan na anag masayang empleyado ay Malaki ang pakinabang ng kumpanya. Kaya naman dapat mong isakatuparan ang iba’t ibang paraan upang magtrabaho ng masaya at matiwasay ang mga tauhan mo, di ba?

Sa isang banda, nais mo din makitang nagtatagumpay sila sa larangan (at kumpanya!) na kanilang napili. Kaya narito ang ilan sa mga tips.

O siya, tara na at matuto!

#1 Mahabaang istratehiya and gawaing ito

Alam ng mga negosyante lalu na ang mga nasa HR na hindi ganun kabilis matuto ang mga bagong na-hire mon a mga empleyado. Maraming panahon ang gugugulin para sa training, coaching at mentoring para lumabas ang tunay na potensiyal nila.

Bukod dito, ang kasanayan nila o skills ay madedebelop sa pamamagitan ng ilang buwang praktis.

Tingnan mo rin ang mga mas nakatatandang empleyado. Dapat mag levelup na din ang skills nila.

#2 Alam mo dapat paano maiparating ang mensahe

Karamihan ng mga empleyado, matagal man o bago pa lang, ay nakakaramdam na sila ay walang boses sa kumpanya. Nasa kultura din kasi ang pagpapalawig ng maayos at bukas na komunikasyon. At ang maayos na komunikasyon sa isang kumpanya ay mahalaga sa lahat ng tao na nagtatrabaho dito.

Tandaan na ang paggalaw bilang isang team ng kumpanya ay nakasalalay sa maayos na komunikasyon. Kung hndi, magkakawatak-watak ang mga tauhan at lider.

Kaya naman dapat ituro sa mga tauhan na maging bukas sa pakikipag-usap sa mga tao, lalu na sa mga boss. Ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon ay lagging nanggagaling mula sa itaas.

#3 Resolbahin ang mga hidwaan at di-pagkakaunawaan

Wala naman sigurong perpektong organisasyon na walang mga partidong di nagkakaunawaan. Marami kasing mga kumpanya ang di basta nireresolba ang mga hidwaan kaya madalas lumalaki ito o kaya’y pinanggagalingan ng pag-resign ng mga tao. Kaya may tama ito sa pagiging produktibo.

Unang-una, may mga tamang proseso sa pag resolba ng mga hidwaan at di-pagkakaunawaan sa mga organisasyon. Kailangang maging propesyunal ang paghawak sa mga ganitong sitwason.

Ang mga tauhan din ay dapat nakakaalam ng halaga ng pagkakaroon ng boses sa mga miting patungkol sa pagresolba ng hidwaan. Di man ito basta-basta mapayapa, ang mahalaga ay alam ng mga tao na may lugar para ito pag-usapan nang propesyunal.

#4 Magkaroon ng pagbabalanse sa trabaho at buhay

Ano man ang trabaho ng bawat isa sa mga tauhan mo, Karapatan nila ang pagkakaroon ng pagbabalanse ng oras sa pagtatrabaho at sa buhay nila.

Mas mainam na wag papayagang mag-uwi ng trabaho ang mga tauhan. Lalu na ngayong may mga naka-work from home, dapat, nasa tamang oras lang ang pagtatrabaho.

Gayundin kapag Sabado at Linggo (kung hanggang Biernes lang ang trabaho), bigyang halaga ang pahinga ng mga empleyado.

Magkaroon din ng sapat na programa ang kumpanya kung saan magkakaroon ng bonding ang mga empleyado at di trabaho ang pag-uusapan. Kung virtual man ito dahil sa pandemya, basta maglagak ka ng oras.

Sa huli, respetuhin ang oras nila.

#5 Matutunan ang pangangasiwa sa oras

Eto na siguro ang isa sa pinakamahalagang aspeto upang magkaroon ng balance ang buhay at pagtatrabaho ng lahat ng tauhan at lider man sa iyong negosyo – oras!

Lalu na ngayong panahon ng krisis at pandemya, ang daming bagay na maaaring makasira ng oras ng lahat ng tao. Lalu pa’t work from home, ang daming bagay na makakasagabal sa tamang oras ng trabaho at ibang bagay na makakagulo sa oras.

Ang ganang akin, mas mahalaga ang target at resulta sa bawat gawain.Kung paano ito magagawa at sa ano’ng paraan, gawin lang.

Ang mahalaga, may oras para sa lahat. Yan ang itatak mo sa isipan ng mga tauhan mo.

Konklusyon

Ang pagnenegosyo ay may halong hirap at saya. ‘Wag kang tututok lang sa hirap kundi sa saya na dulot nito.

Sa pagkakataong ito, may mga inaalagaan kang mga tauhan na sana ay maging matagumpay din sila sa larangan na kanilang napili. Matulungan mo sana silang abuting ang rurok ng tagumpay.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negosentro.com kung may mga katanungan.

Conversions sa eCommerce Site Mo

Limang Hakbang Para Ma-Track ang mga Conversions sa eCommerce Site Mo

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Limang Hakbang Para Ma-Track ang mga Conversions sa eCommerce Site Mo | Kumusta ka-negosyo? Medyo mag levelup lang tayo nang kaunti sa usapang ecommerce sa pitak natin ngayon. Kasi naisip ko, na baka may mga mambabasa tayong nag levelup na din mula sa Lazada at Shopee.

Kung may sarili kang website na pang-ecommerce, may mga CRM tools kang dapat gamitin para mas mabilis mo ma-track ang “conversions” o ang pagkakaroon ng transaksyon sa site mo. Ang mga klase ng transaksyon ay mula sa pag add-to-cart hanggang sa pag-checkout.

Kaya sa pitak na ‘to ngayon, pag-usapan natin kung paano mo ma-track ang mga conversions sa ecommerce site mo.

Tara na at matuto!

#1 Alamin muna ang target mong merkado

Kilala mo na ba talaga kung sino ang kostumer mo? Kung may mga tools ka nang nakakabit sa website mo, malamang may ideya ka na.

Bakit mahalaga ang kaalaman ukol sa target mong merkado? Kasi nga, dito lahat nagmumula ang impormasyon na kakailanganin mo upang mas lumakas ang pagpasok ng trapik sa site mo, at sad ulo nito ay ang pagpasok ng benta.

Tandaan na ang lahat ng gagawin mo sa marketing ay nakasalalay sa target mong merkado at ang kaalaman ukol sa mga kostumer mo.

#2 Kabigan mo ang mga datos sa ecommerce site mo

Paano mo malalaman ang iba’t ibang aspeto ng ecommerce site mo hanggang sa benta mo kung takot ka sa numero o sa math?

Ang mindset ko dati ay ayaw ko sa math kaya ako nag aral ng masscom nung kolehiyo. Ang nakakatuwa, ang kurso ko sa kolehiyo at Communication Research (sa UP Diliman) na tadtad naman pala ng numero din, haha!

Nung nagtrabaho na ako sa isang ad agency, ang assignment ko at departamento ay ang sa Media Planning at Buying kung saan numeron na naman ang kaharap ko. Kaya ayun, inamin ko na sa sarili ko na di ko pala maiiwasan ang numero, hanggang sa naging bihasa na din ako.

Ang sabi nila, ang datos daw ang bagong langis. Kung mas marami kang alam tungkol sa mga bagay-bagay, lalu na’t sa ecommerce site mo, mas magtatagumpay ka.

Sa isang website, mas madalas gamitin ang tulad ng Google Analytics at Google Search Console. Dahil sa mga ito, malalaman mo ang mga pahinang popular at mga keywords na hinahanap ng mga taong nagpupunta sa site mo. Kung alam mo na ang mga datos na ito, mabilis mong mai-aadjust ang mga pahina mo upang nbumili ang mga napupunta dito.

Ang isang website ko, halimbawa, ay may 100 na pahina. Malaman ko kung saan madalas mapunta o magbabad ang mga bumibisita dito. Kaya aayusin ko ang mga pahinag matindi ang trapik at aayusin ko ang content upang mas bumili sila.

#3 Magbigay ng pabuya sa mga kostumer mo

Tuwing nagbibigay ako ng mga Talk o bilang speaker, madalas akong magbigay ng libreng ebooks patungkol sa usaping aking tinatalakay bilang guest speaker.

Paano ko ito pinamimigay? Simple – pinapapunta ko sila sa website ko kung saan nila mada-download ang ebooks. Para sa akin, mahalaga ang unang hakbang na gagawin ng mga kostumer ko, na makapunta muna sila sa website ko. Pagka-download kasi nila ng ebooks, mga 50 porsyento ay lilibot pa sa website ko. Dahil ako’y isa ding consultant, maaari nilang ikonsidera ang mga serbisyo ko.

Para naman sa yo, bilang isang may ecommerce site, magbigay ka ng mga pabuya mula sa mga dikuwento hanggang sa Free Shipping.

Ang mga ganitong gawain ay ginagawa na rin naman sa mga gaya ng Lazada at Shopee. Kaya mas mainam, pag-aralan ang galaw ng kostumer mo bago ka maglabas ng libreng ipamimigay.

Ang sikreto dito ay tila simple lamang. Magbibigay ka ng pabuya sa bawat pagbili ng mga kostumer, ayon sa napag-isipang minimum na halaga.

Tiyak yan, babalik sila sa site mo!

#4 Laging mag-followup

Malaking bagay ang pag followup sa isang kostumer. Madalas kasi, may naiiwan silang mga bagay sa checkout. Di na nila ito nababalikan. Sayang di ba?

Kaya ang mabilis na solusyon dito ay ang pagkakaroon ng email or text sa iba’t-ibang kostumer. Kung may nabili sila at pagkatapos ng bayad nila, maaari kang magpadala ng “Thank you!”

Maaari ka ding magpadala ng email o SMS sa mga kostumer mo upang mag-update ng mga bagong produkto na maari nilang bilhin.

Bigayang importansya ang kostumer sa pamamagitan ng mga followup mo sa kanila. Maaari ka na ding mag-upsell o cross-sell sa pagsama nito sa mga followup mo.

Huwag kang tatamarin sa paggawa nito, ok?

#5 Koneksyon sa Social Media mo

Sa simpleng paglagay ng URL o address ng website mo, kaya nang ma-track kung nanggaling sa social media mo ang trapik. Paano? Gumamit ka ng “link shortener” gaya halimbawa ng bit.ly kung saan mabibilang nito kung ilan ang nag-click mula sa post mo. Malaking bagay na din ito dahil mai-kukumpara mo naman mula sa Google Analytics kung ilan ang nag-landing sa site mo mula sa social media post mo.

Meron din kaming ginagamit na UTM codes na siyang may mas malalim na uri ng tracking.

Ang mahalaga ay magsaliksik at gumamit ng mga tools na magagamit mo upang ma-track o kaya’y malaman mismo ilang tao at ano’ng uri sila na potensiyal na kostumer mo. Datos pa rin ang mahalaga, di ba?

Pagtatapos

Sa panahon ng pandemya man o hindi, di mo maikakaila ang halaga ng mga datos, lalu pa’t ang paggamit ng mga ito ay may kinalaman sa benta ng website mo.

Ang salitang “conversion rates” ay makakasalamuha mon ang madalas kung nakababad ka na sa ecommerce website mo. Konting saliksik pa para mas maintindihan mo ang mga naisulat ko sa pitak na ito sa ngayon, ok?

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang mahirap ngunit exciting. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng bagay.

Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com