Paano Magtagumpay sa Negosyo sa Panahon ng Pandemya | ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM |Kumusta ka na ka-negosyo? Malapit na ang mga pagsisimula ng pagbabakuna sa bansa, at maraming natutuwa, at marami naman ang nababahala. Depende sa katayuan mo ngayon at depende sa mga mithiin mo, isa dyan ang reaksyon mo.

Ngunit sa mga nagnenegosyo, ang pagbabakuna ay isang paraan upang manumbalik ang sigla ng ekonomiya sa pagbabawas ng malaking takot sa Covid19. Mauuna man ang mga frontliners at iba pa na nasa listahan ng priyoridad, ang mahalaga ay magsisimula na ito.

Ngunit sa mga maraming ring tao na di nais na mauna sa pila sa pagbabakuna, lalu na yung mga may tinatawag na co-morbities, o sadyang takot lang, nagbabakasakaling masama sa herd immunity na lang.

Anuman ang iniisip mo ngayon, kung negosyante ka, hangga’t di lubos na natatapos ang pandemya, kailangan mo pa ring gumawa ng mga tamang hakbang upang maitagumpay ang pagnenegosyo. Narito ang ilang paalala sa mga nararapat gawin ngayon.

Tara na at matuto!

#1 Maging maliksi

Ang pagigigng maliksi sa pagnenegosyo ay ating nakita noong kasagsagan ng mga lockdown kung saan ang mga nasa digital nabago man ang Covid19 ay nakagalaw nang mas mabilis at natugunan agad ang tawag ng panahon na maging digital na.

Sa kasalukuyang panahon, di na natin mababaliakn pa ang pre-Covid na panahon kung saan di pa kailangang magkaroon ng ecommerce na tindahan. Sa ngayon at sa darating pang panahon, mahalagang nasa Internet ka na sa komersiyo. Kung wala ka at di ka pa rin natututo, di ka magtatagumpay. Kasi nga naman, nasanay na ang mga tao sa kalakarang ito. Ganun kasimple.

Ang pagiging maliksi sa pagnenegosyo ay nangangahulugang magaan lang ang operasyon mo at kayang bumaling sa anumang pamamaraan. Ito ang pagplanuhan mon a ngayon, kung paano ito maisasakatuparan.

#2 Balik-tanawan ang mga plano

Nabanggit ko na ito nang ilang ulit sa mga nakaraan pitak ko. Kailangan mong balikang muli ang iyong mga plano sa pagnenegosyo kung naaayon pa rin bai to sa kasalukuyang panahon. Mabilis an magbabago pa ito dahil nga magkakaroon na ng pagbabakuna. Handa ba ang negosyo mo sa pagpapalit na naman ng pakikisalamuha ng mga tao?

Sa tingin ko kasi, kahot nabakunahan na ang mga tao, di na halos magbabago ang mga health protocols natin. Bakit? Ang mga virus na tulad ng Covid 19, ayon sa mga eksperto sa ganitong larangan, ay maaaring maging tulad ng trangkaso na pabalik-balik dahil nga sa sobrang kalat na ito sa buong mundo. Dumarami at maaari pang dumami ang mga tinatawag na variant o pagsanga ng virus na ito na di pa naisama sa kasalukuyang bakuna. Gaya ito ng South African variant na sinasabing di epektibo ang ibang bakuna diumano para dito.

Huwag kang pakakasiguro sa mga nailatag mo nang mga plano, ok?

#3 Maghanap ng mga bagong oportunidad

Dahil na nga sa pandemya, maka-ilang ulit na akong sumubok ng mga bagong produkto o serbisyo sa aking mga kasalukuyang negosyo. Sa tatlo kong subok na na negosyo, nais ko ding dagdagan ito.

Kaya naman sa taong ito, maglulunsad ako ng dalawang uri pa ng negosyo na may kinalaman pa rin sa digital. Kasaluyan kasi akong namimili ng mga iba’t ibang digital tools na magagamit sa pagnenegosyo na ago man o sa kasalukuyan. May mga produkto akong nabili na palpak din siyempre, at may mga panalo.

Ang mahalaga, patuloy pa rin akong naghahanap ng mga bagong oportunidad. Sa panahong ito, kung masinop ka at malayo ang iyong pananaw, mananalo ka pag-arangkada na uli ng ekonomiya.

Handa ka na ba?

#4 Kumunekta sa mga kostumer

Ang patuloy na pagkonekta sa mga mamimili mo ay mahalaga sa panahong kasalukuyan. Maaaring gawin ito sa maraming bagay tulad ng social media, email, text at sa website mo.

Sa panahong ito, mas mahalagang kumustahin ang mga kostumer mo dahil una, baka meron silang mga pangangailangan na matutugunan mo.  Maaari din na sa pagtugon sa kanila ay may mapulot kang kaalaman o kaya’y oportunidad.

Isa pa, maaaring may pinagdaraanan ang mga ilang kostumer mo na minsan, nais lang nila ng may karamay. Ang mga ganitong pagkakataon ay may impak sa negosyo mo dahil di nila malilimutan ang mga ganitong pagkakataon. Ito ang nagbubuo ng loyalty.

Konklusyon

Ano man ang kalagayan ng iyong negosyo sa ngayon, di maipagkakailang dapat kang kumilos – may pandemya man o wala. Tanggapin mo din na nag-iba na ang mundo. Nag-iba na ang pananaw ng mga mamimili na dapat mong pagtuunan ng pansin.

Kung ano man ang naiplano mon a nung isang taon para sa taong ito, malamang magbabago pa ito.

Ngunit tandaan mo na di na maiaalis ang papel ng digital media at teknolohiya sa pagnenegosyo ngayon. Magkaroon man ng pagbabakuna, nandyan pa rin ang pangamba sa maraming tao.

Sa lahat ng bagay, magpasalamat sa Diyos at magsipag, magtiyaga at maging positibo sa buhay at negosyo.

God bless po!


Si Homer ay isang serial techpreneur at makokontak sa chief@negosentro.com na email.

(Visited 202 times, 1 visits today)