Paano I-Boost ang Digital Sales sa Panahon Ngayon | ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Kumusta ka-negosyo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Maraming nagtatanong sa akin sa mga nakaraang buwan kung paano nga ba talagang mai-boost ang sales sa negosyo?

Sa pitak ko ngayon, silipin natin ang ilang mga simpleng pamamaraan upang mas umarangkada ang benta mo sa panahon man ng krisis o sa normal na panahon.

O, ano, tara na at matuto!

#1 Presensya ng negosyo at ng brand

Ang unang tanong ko sa mga kliyente ko ay kung may nakakakilala bas a brand niya? Kasi ang unang hakbang upang makapagbenta ka ay ang magpakilala. Para makilala ka, dapat siyempre, may presensya ka di ba?

Kaya naman sa panahong ito, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na pagpapakilala ng brand mo sa mga kostumer mo. Maaaring ito ay magsisimula sa social media dahil nasa ekonomiyang digital na tayo. Lalu na sa pagpasok ng pandemya, kung saan mas pinapahalagahan ang presensa mo sa iba’t ibang uri ng digital na plataporma.

Ang social media account sa mga tulad ng Facebook at Instagram ay ang pagkakaroon ng ibayong presensya dito, lalu na kung nandito ang mga mamimili mo. Sa Facebook, mahalaga ang pagkakaroon ng business account para mai-boost ang mga posts mo. Sa halagang 50 pesos bawat boost na aabot sa halos 2,000 katao ang maabot, sulit na di ba?

Gawin mo lang na propesyunal ang pagkakagawa ng page o business account para sa imahe ng iyong negosyo. Marami din nakakalimot na merong LinkedIn na social media para sa mga propesyunal. Mas pangnegosyo ang site na ito at di basta-bastang makakakonekta sa mga narito. Iba ang mga rules na ginagamit kaya alamin mo ang mga ito.

Ang pangunahing social media platform na dapat gamitin sa Pilipinas ay ang Facebook. Ang mahigit 60 milyong katao na puwedeng maging kostumer mo, ay di biro. Kaya dapat maayos ang pundasyon nito.

Sa Facebook, may sariling 13-point checklist na ipinapakita ang mismong FB. Ilan dito ay ang paglagay ng contact number, email addres at website address ng negosyo.

Ayusin mo ang mga ito upang maging solido ang presensya mo.

#2 Alamin ang kostumer at kumpetisyon mo

Kung di mo pa lubos na kilala ang merkado at industriyang ginagalawan mo, may problema kang kakaharapin. Tandaan mo na ang pagsasaliksik sa kostumer at kumpetisyon ay susi upang makaungos ka sa pagbebenta.

Kung sasaliksikin mo ang bawat aspeto ng mga ginagawa ng kakumpitensiya mo, malalaman mo ang mga dapat iwasan, paghandaan at gagayahin o mas papalawigin, di ba?

Ang pagsaliksik sa kumpetisyon ay simple, ngunit kailangang masinsin at may konting analysis. Search mo ang at Facebook bilang pangunahing paraan kung saan makikita ang tungkol sa kanila.  Kapag nakakita ka ng kapareho mong negosyo, malamang makikita mo sa baba o gilid ng search results ang iba pang kakumpitensya mo. Tandaan mo na maaaring direkta o di direkta ang kompetisyon ha?

Ang mga dapat naming tingnan sa mga kostumer mo ay ang kanilang mga piling produkto na kanilang binibili at ang mga katulad nito. Gayundin ang pag-analisa sa mga trends upang mapaghandaan ito. Merong simpleng analytics ang FB Page na tawag ay Insights. Dito nakikita ang mga trends, likes at kung anu-ano pa ukol sa page mo.

Meron ding mga libreng social analytics tools na makukuha online upang magawan ng forensics ang page mo at ang total na reputasyon mo online.

Ang pag-aanalisa ng kostumer at kakumpitensya mo ay isa sa pinakamahalagang aspeto ng paggawa ng istratehiya sa marketing mo.

#3 Pagbebenta sa social media at sa website

Di na kaila sa atin na mahalaga ang social media upang maabot ang mamimili at dito na din makapagbenta. Maaaring di ko na kailangan pang pahabain ang ideyang ito dahil malamang alam mo na ito.

Idagdag ko na lang ang paggamit ng iba’t ibang tools upang mas maging mabenta ang mga produkto mo sa social media.

Una dito ay ang pagsasaayos ng itsura ng mga produkto mo. Dapat ay maganda ang pagkakauha sa litrato man o video. Ikalawa, ay ang masinop na paglagay ng presyo at lahat ng detalye upang mabawasan ang pagtatanong ng mga kostumer. Siguraduhing malinaw ang pagkakalathala ng mga nasabing detalye lalu na ang paraan ng pag-order, pag-bayad at pag-deliber. Lagyan din ng mga hashtags ang iyong mga posts upang mas mabilis itong makita sa search.

Tandaan lang na halos 80 porsyento ng milenyal at GenZ na merkado ay sa video nahuhumaling. Ito kasi ang pinaka-epektibong paraan upang mahuli ang kostumer sa social media. Kaya namamayagpag ang live selling sa Facebook dahil sa aspetong ito.

Maraming uri ng video ang puwede mong gamitin. Nariyan ang gumagalaw na poster na video ang format. Merong mga online events o seminars kung saan mahabang diskusyon ang puwedeng gawin. At siyempre, may online video ads na maaaring gawin.

Kung hirap kang mag-isip ng gagawin, manood muna ng mga videos na nag-eendorso ng mga brands. Marami yan, kasama na ang mga pagsingit ng brands sa mga influencers.

Dun naman sa pagbebenta sa sariling website, medyo maiiba lang ang dynamics nito. Dahil bukod sa social media na magpapadala ng trapik sa website sa mga search engines tulad ng Google sila pupunta. Kaya naman kung searchable ka at ang mga brand mo, mas madaling makaka-ungos ka sa iba. Ang sikreto sa larangang ito ay ang SEO – o search engine optimization. Kung gamay mo ang sistemang ito, madali na ang susunod na Google Ads.

#4 Halaga ng digital na paraan ng customer service

Alam mo na naman siguro ang halaga ng serbisyong para sa mamimili gaya ng simpleng pagsagot sa kanilang mga tanong. Ang gamit ng social media sa larangang ito ay malaki sa pamamagitan ng pagpapasimple ng proseso kung saan ang pag-pm (personal message) sa FB page ay madaling gawin. Umiiksi na tuloy ang proseso nito.

Tandaan mo na maraming paraan ang pagpapalawig ng relasyon sa mga kostumer at nais makuhang kostumer sa pamamagitan ng social media. Sa Facebook, ang maayos na setup ng chat o messenger ay mahalaga. Eto kasi ang gagamitin mong awtomatikong taga-sagot sa mga mag-me-message sa page mo. Puwede na kasing automated na ito. I-setup mo ito.

Sa mga posts mo naman, siguraduhing may link sa messenger o sa website o anumang contact details sa captions ng mga post. Para matapos nilang makita ang mga posts mo, alam nila saan pupunta.

Sa mga comments naman, i-manage mo ito ng mabuti. Huwag kang mag-engage sa mga negatibong comments. Sa halip, sagutin ng maayos at ituro sa messenger para pribado na ang pagsagot.

Tandaan na ang gagawin mo sa page mo ay siyang magbubuo ng reputasyon mo. Kaya maging masinop sa istratehiya.

Bukod sa customer service sa social media, ang website mo ay meron ding chat na magagamit. Malaking bagay ito sa pagsalo ng mga inquiries sa website mo.

Konklusyon

Ang pagtuon mo ng pansin sa digital sales ay kaakibat ng presensya mo sa mga digital na plataporma.

Ang pagpapakabihasa mo sa digital marketing para sa negosyo o startup mo sa 2021 ay mahalaga. Dahil na din sa pag-shift ng kostumer online ngayong pandemya, ayusin mo ang istratehiya dito.

Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makakaranas ng pagsubok. Tuloy lang!

Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa chief@negosentro.com.

(Visited 3,346 times, 1 visits today)