Paano Magsimula ng Tamang Sideline o Raket sa Panahon ng Pandemya | ni Homer Nievera,CDE,CVM,CCM | Kumusta naman kayo mga ka-negosyo? Nawa’y nasa maayos kayong kalagayan. Kamakailan lamang ay nailagay ang NCR Plus sa MECQ status. Medyo nagkaroon ng kaluwagan sa quarantine status at umiksi ang oras ng curfew. Pero siyempre, may mga lockdown pa rin at mataas pa rin ang apektado ng Covid 19. Ibig sabihin ay ang tinaguriang ikalawang bugso ng pandeya sa kalakhang Maynila at karatig lugar ay mataas pa rin.

Ang tanong ng maraming kababayang nais magnegosyo ay kung maaari pa bang gawin ito sa kabila ng sitwasyon? Ang madaling sagot ko ay – siyempre!

Sa totoo lang, ngayong mga panahong ito ang dapat na makapag-umpisa kang isang kabuhayang makakatulong bilang karagdagang kita.

Kung meron kang trabaho o naghahanap pa lang at kailangan ng dagdag na pagkakakitaan, paano bang mag-umpisa ng tama?

O, siya, tara na at matuto!

#1 Ano ba ang sitwasyon mo?

Unang-una, dapat alam mo ang kinatatayuan mo at ng pamilya mo. May naka-depende ba sa iyo ngayon o solo ka lang? Malaking bagay kasi na naiintindihan mo ang ginagalawan mo para alam mo kung paano ka mag-uumpisa.

Kung may trabaho ka at kailangan mo lang ng dagdag n akita, ang kukunin mong sideline ay yung katya ng oras mo (labas sa orasng trabaho). Siyempre, mahalaga ang trabahong nag-uuwi ng kita mo buwan-buwan.

Ayusin mo ang kapaligiran mo at gawing positibo bago magsimula sa sideline. Kung positibo ang kapaligiran mo at positibo ang iyong mga kasama sa buhay at negosyo, lahat ay aayon lahat ng sitwasyon ay aayon sa yo.

Ang inspirasyon at idea na nagkakaroon ang mga super entrepreneur ay di dahil sa magugulong sitwasyon. Ang utak ng tao ay kusang gumagana kapag inspirado siya, di ba? Kaya kung ang kapaligiran mo ay di pinanggagalingan nang motibasyon para sa isang negosyo, baguhin mo na ito.

Sa akin, ang mga inspirasyon ko at mga ideya ay nabubuo kapag nag-shower ako o kaya’y nagdadasal. Kapag napapaligiran ako ng tubig, gaya ng sa swimming pool o dagat, nabubuo ang sanga-sangang ideya na aking binubuo sa isip ko.

Kanya-kanyang kapaligiran yan, ayon sa iyong karanasan at nakasanayan. Hanapin mo ito. Basta, wag mong kalimutang ayusin ang mga taong nakapaligid din sa yo. Kasama yan sa dapat ausin o baguhin.

Ang madalas kong ipayo sa mga nag uupisang entrepreneur, ay umiwas sa mga negatibong tao at sitwasyon. Gayundin ang pagsama sa mga taong mas magagaling sa yo. Bukod sa positibo ito, may matututunan ka din.

Tandaan lang na di dahil magaling, maayos na kasama. Puwede din kasing puro iligal naman ang gawain ng mga ito. Nega na yun.

#2 Alamin ang mga pagkukunan ng pangangailangan

Ang solusyon sa isang problema ay madalas na nagtatagumpay kung maayos mong nasaliksik ang pangangailan ng mga tao.  Dito ka magsimula. Isulat ang mga ito sa isang kuwaderno o sa telepono mo. Balik-balikan ito hanggang sa mabuo ang tunay na pangangailangan.

Tanugin ang mga Kostumer. Sino pa ba ang bibili ng bago mong produkto kundi ang mga kostumer mo, di ba? Para medaling malaman ang mismong kailangan nila, sila mismo ang tanugin. Mag-survey ka muna. Kahit nga sa Facebook ay may “Polls” na magagamit. Puwede din ang Survey Monkey or Google Docs. Gawin mo na muna ito bago ang mga susunod na hakbang.

Ang materyales ay siyang isa sa mga pinakamhalagang aspeto ng isang produkto lalu na sa larangan ng halaga nito at kalidad. Magsaliksik ng husto. Huwag lang aasa sa Internet. Magtanung-tanong sa maraming suplayer.

Kung di maayos ang pagpopondo sa bagong produkto, magkakaproblema ka. Kaya sa umpisa pa lang, siguraduhing may panggagalingan ka ng pondo para sa “product development.” Maraming nagpapahiram ng pera bilang investment o loan. Alamin kung ano ang mas mainam.

Kung nabuo mo na ang bagong produkto, isalang sa testing. Kung ilang testing ang kailangan, sige lang. Hanggang sa makuntento ka bago ito ilabas sa merkado.

Mabuti na ang handing-handa kesa sa minamadali ang paglabas ng bagong produkto. Tandaan, pangalan mo ang nakataya dito.

#3 Mag-aral ka muna

Hanapin ang “bakit?” sa paggawa mo ng negosyong gagawin. Kung ang rason mo sa nais na maging matagumpay na entrepreneur ay upang yumaman lamang, mabibigo ka lang. Ayon sa kilalang guru na si Simon Sinek, kailangan mong magsimula sa tanong na “bakit?” para malaman mo ang layunin mo sa buhay at pagnenegosyo.

Nung nagsimula ako sa pagsusulat sa blogs ko, nais ko lang maibahagi ang mga nababasa ko na alam kong makakatulong sa mga kapwa ko entrepreneur. Mabilis kasi akong makaintindi nang mga nababasa ko at naiaayon ko sa iba’t-ibang sitwasyon. Nang lumaon, dumami ang mga blogs ko hanggang naging negosyo ko na ito. Dahil nasa Ingles ang mga salita, at naitaguyod ko ito sa labas ng Pilipinas, nasa 183 na bansa ang aking mambabasa. Sa pitak na ito ko lamang naibabahagi sa salitang Tagalog ang aking mga kaalaman sa pagnenegosyo.

Sa halimbawang ito, makikita na ang ninais ko lamang ay makapagbahagi ng kaalaman. Nang lumaon, naging negosyo na ito. Ikaw, ka-negosyo, ano ang layunin mo sa pagnenegosyo at sa buhay?

Ang daming mga online courses – libre man o may kaunting bayad – ang naglipana dyan sa Internet. Tingnan mo ang mga babagay sa iyong gagawing munting negosyo o sideline. Bakit ito mahalaga?

Ang pag-aaral ay mahalaga bago ka magsimula sa isang negosyo dahil tila shortcut na ito sa maaari mong mga pagkakamali at kumpirmasyon ng tamang gawain . Isipin mo na din na ito ay pagpapatunay sa kakayahang meron ka ngayon.

#4 Magkaroon na kasanayan sa sales o pagbebenta

Lahat ng may-ari ng isang negosyo ay marunong magbenta. Di puwedeng aasa lang sa ibang tao para gawin ito. Sa konseptong 1-4-3, ang 1 ay nangangahulugang dapat ay makabenta ka sa isang tao bago sabihing entrepreneur ka. Ang 4 ay nangangahulugang ma-deliver mo ang iyong naibenta sa loob ng apat na araw o apat na linggo. Ang 3 ay uulitin mo ang proseso nang tatlong beses.

Kaya di mo puwedeng sabihing di ka mag-se-sales. Mahalaga itong skill na ito bilang super entrepreneur. Marami namang mapapanood sa Youtube at mababasa sa Internet ukol sa tamang pamamaraan nang pagbebenta. Ang importante, pahalagahan mo ito at maging eksperto sa iyong produkto o serbisyo.

Kung di mo kayang ibenta ang produkto o serbisyo mo, paano ka kukuha nang taga-benta mo?

Tandaan din na sa pagbebenta kakambal nito ang epektibong komunikasyon. Kung di mo kayang mailarawan ang iyong ideya sa ibang tao, talo ka na sa umoisa pa lang. Ang malinaw at epektibong komunikasyon ay isang kasanayan o skill na dapat mong matutunan.

Nabubuhay tayo sa isang komunidad na kailangan ng palagiang komunikason sa isa’t-isa. Kahit na online ang iyong negosyo, may komunikasyon pa ding nagaganap sa pamamagitan ng chat, text, email, video at iba pang pamamaraan.  Ang mahalaga ay matutunan mo ang tamang pamamaraan upang makapag-ugnayan ka nang epektibo sa kostumer at partners mo.

#5 Panatilihin ang pokus sa sideline mo

Kahit ano’ng galing mo sa maraming bagay, kung wala lang focus, sasabog lang ang negosyo mo.

Madalas, marami taong ideya sa maglago nang ating negosyo. Kailangan mol ang linangin ito at alamin ang dapat unahin at mag-focus sa pamamaraan na iyong napili. Parang yung maraming nakabukas na pinto ng oportunidad sa harapan mo at nais mong buksan at pasukin ang lahat. Di puwede talaga iyon. Walang kang matatapos. Puro ka umpisa. Sayang ang panahon.

Sa kabilang banda naman, dapat alam mo din ang iyong hangganan. Huwag kang magpapakasira sa isang bagay na paulit-ulit ka na pero di pa rin tumutuloy ang negosyo o ideya. Dapat, mabilis ka ding mag-pivot o lumiko upang subukan naman ang ibang pamamaraan.

Maraming bese na sumubok si Michael Jordan ng ibang isports pagkatapos ng kanyang karera sa basketball. Naglaro siya sa baseball at golf. Di siya lubusang nagtagumpay dito gaya ng sa basketball. Ang ginawa niya ay nag focus siya sa pagnenegosyo. Ito na ngayon ang kanyang sumunod na karera na siyang lalung nagpa-tagumpay sa kanya.

Magkaroon ka ng focus at mag-commit ka dito.

Konklusyon

Halos lahat ng kilalang super entrepreneur ay nagkakaroon ng panahon para sa replekson sa kanilang ginagawa sa bawat araw.  Mahalaga ito dahil kailangan mong magkaroon ng tamang direksyon sa pamamagitan ng pagbalik-tanaw sa araw na nagdaan.

Ako kasi, ang oras ng repleksyon ay sa umaga kung kelan ako nagdadasal. Kanya-kanya naman ang paraan at oras na gugugulin sa repleksyon. Ang mahalaga, gagawin mo ito.

Paano ka nga naman maghahanda sa susunod na araw kung di mo man lang nabalik-tanawan at nahimay ang araw na dumaan. Baka kasi ulitin mol ang ang mga pagkakamali o di kaya’y di mapag-isipan ang solusyon sa problema.

Ang sa ganang akin, mahalagang magkaroon ng ispiritwalidad sa repleksyon. Di kasi lahat ng solusyon ay kaya mong maresolba. Kailangan din ng panalangin at pananampalataya.

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang mahirap ngunit exciting. Di man ito para sa lahat, kaya ka nagsisimula sa isang sideline para masubukan ang kakayahan mo.

Tandaang di ito para sa mahina ang loob at kulang ang tiwala sa sarili. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng bagay.

Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

(Visited 3,349 times, 1 visits today)