6 na Tips Para Umarangkada ang Negosyo sa Pagsimula ng 2021 |ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Happy New Year, Ka-negosyo! Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoong Diyos ng lubos na biyaya lalu na’t sa pamilya sa pagpasok ng Bagong Taon. Ilang araw na lang at matatapos na ang 2020. Sana marami kang natutunan sa buhay at pagnenegpsyo. At sana din ay may napulot ka sa pitak ko kahit paano.

Dahil lahat naman ng nagnenegosyo ay nais umungos at umarangkada sa unang araw pa lang ng 2021, naghanda ako ng ilang tips na maaaring makatulong dito.

Kaya narito ang ilang paraan para makapagsimula ka ng maayos sa 2021.

O, ano, tara na at matuto!

#1 Pokus sa pangunahng layunin ng negosyo

Ang pangunahing layunin ng negosyo ay nakasalalay sa mission at vision nito. Ito ang ang magdadala sa iyo ng tamang direksyon.

Ngunit alam na natin ang istorya ng 2020 kung saan pumasok ang pandemya at lahat ng naunang plano ay nabago. Ang tanong, nagbago din ba ang iyong mga pangunahing layunin? Kumusta naman ang mission at vision mo? Ganun pa rin ba?

Kung sa tingin ay may pagbabago na sa mga ito, kailangang baguhin mon a din ang pokus mo at isunod ang mga nararapat na istratehiya upang maisaayos ang mga susunod na hakbang.

 

#2 Iayon ang mga istratehiya sa New Normal

Siguro naman di na ito kailangan pang habaan ang pag-esplika.

Siyempre, nag-iba na ang pakikitungo sa mga kostumer mo. Nagbago ang lalim (o babaw) ng bulsa nito kaya naman tama lang na iayon mo ang mga istratehiya sa kasalukuyang panahon.

Mas mainam na tingnang muli ang sitwasyon ng Negosyo moa yon sa kalagayan ng kostumer mo. Dito mo maisasaayon ang istratehiya mo.

Di lang marketing at sales ang pinag-uusapan natin ha? Gayundin ang operasyon at digital na istratehiya.

#3 Pagtibayin ang mga partnership

Lahat ng sector ng lipunan ay dumadaan sa pandemya. Lahat ay apektado. Kaya naman mas mainam na pagtibayin ang mga partnerships mo sa iba’t ibang tao man o kumpanya.

Isang halimbawa ay ang pagkakaroon ng mas matibay na relasyon sa banko mo. Lalu na kung may utang ka dito na nagpaparolyo ng kapital mo. Kung natali ang kapital mo sa mga imbentaryong di gumalaw nitong pandemya, makipag-negosasyon ka sa mga ito.

Ang reason mo sa iba’t ibang suplayer ay nararapat lang na pagtibayin din lalu na kung may mga terms o palugit ka sa mga serbisyo o produkto o raw materials.

Marami pang bagay ang may kinalaman sa mga partnerships. Bisitahin ito at pagtibayin.

#4 I-upgrade ang kasanayan ng mga tauhan

Kung mahina sa larangan ng digital ang marketing team mo, panahon nang i-upgrade sila, di ba? Lalu na kung mahina sila sa e-commerce. Ito na kasi ang pangunahing plataporma na gagamitin sa new normal. Dahil sa social distancing, ang paggamit ng iba’t ibang teknolohiya sa negosyo ay dapat meron ka.

Kung di handa ang teams mo, gawin mo na ang pagsasanay sa kanila ASAP!

#5 Paigtingin ang pagiging malikhain

Ang magiging angat mo sa iba sa 2021 ay ang pagiging mas malikhain kesa kalaban mo. Maaari kasing pantay-pantay na sa iba’t ibang antas ang mga Negosyo sa suusnod na taon. Kaya naman dapat may isang bagay na ika-uungos mo at ito marahil ay ang pagiging mas malikhain.

Sikapin mong paigtingin ang disenyo at iba pa ng iyong produkto o serbisyo. Kung ano ang sa tingin mo na makakalamang sa pagtingin ng kostumer, gawin mo.

Tandaan mo na ang branding ay isa sa pinakamahalagang aspeto ng pagnenegosyo. Dito nakadikit ang pagiging malikhain.

#6 Pagkakaroon ng maayos na suporta sa kostumer

Bukod sa pagkakaroon ng mas angat na branding, ang suporta sa kostumer (o customer support) ay siyang nagbibigay nga mas angat na pagtingin ng kostumer sa isang produkto o negosyo sa kabuuan.

Ang pagiging loyal ng isang kostumer ay naaayon sa ekspirensya na kanyang natamo mula sa isang kumpanya – lalu na sa mga taong kanyang nakakasalamuha sa negosyo mo. Kung masama ang kanyang ekspiryensiya, di na ito babalik at malamang, naikalat pa sa iba ang natamo nito.

Kung maganda ang ekspiriensiya nito, panalo ka na sa pagkalat ng magagandang feedback ukol sa ‘yo.

Konklusyon

Maraming bagay ang puwedeng gawin upang mas umangat ka kesa iba at umarangkada ang negosyo sa 2021. Ang mahalaga, pangalagaan ang kostumer at ang ekspiriyensiya niya upang bumalik-balik ito.

Sa dulo, iisipin mo ang nais mong maranasan bilang isang kostumer din at yan ang mga bagay na gawin sa mamimili mo.

Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makakaranas ng pagsubok. Tuloy lang!

Happy New Year po!

 

Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa chief@negosentro.com.

(Visited 4,514 times, 1 visits today)