ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Kumusta na ka-negosyo? Nasa ikalawang yugto na tayo ng pandemya kung saan unti-unting binubuksan ng gobyerno ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng pagpayag sa mga bagay na ipinagbawal noong ECQ.

Yun nga lang, natural sa mga tao ang matakot pa rin dahil na rin sa biglang paglobo ng mga may kaso ng Covid 19. Sa huling nabasa ko, nasa ikalawang puwesto na tayo sa ASEAN sa mga aktibong kaso ng virus sa likod ng Indonesia.

Sa ganitong panahon at sitwasyon, dahil na din sa disiplina ng nakakaraming Pilipino, nananatiling nasa bahay ang maraming tao. Dahil din ditto, lumalawak ang paggamit ng komersyo online. Ito ang psgtutuunan natin ng ating pitak – ang ecommerce shop mo.

Di man kaya ng isahang pagsasalarawan dito, sana ay may matutunan pa rin kayo kung paano papalaguin ang inyong ecommerce na Negosyo.

O siya, tara na at matuto!

#1 Saliksikin ang merkadong gagalawan mo

Noong simula ng pandemya, may mga kilala akong negosyante na nag-pivot patungong online shop mula sa kanilang pinagsimulang negosyo. Isa dito ay ang GrocerGenie PH na pinamumunuan ni Abby Victorino. Naging kaklase ko sa AIM-Dado Banatao program si Abby at ilan niyang kasama sa negosyong StyleGenie na may kinalaman sa mga kasuotan para sa mga milenyal.

Bandang Abril, sa kasagsagan ng ECQ, binuo nina Victorino ang GrocerGenie PH nang makita nila ang pangangailangan sa grocery items ng mga taga NCR at hirap na gawin nga ito dahil sa ECQ at mahigpit ang lockdown.

Ang mabilis na desisiyon na gawin ito ay bunga ng eksperiyensiya niya sa larangan ng ecommerce at sa mga datos ukol sa merkadong sakop niya.

Ngayon, ilang buwan pa lang ang nakakaraan mula nang sila ay magsimula sa GrocerGenie PH, isa na sila sa pinakamahusay sa larangan ng ecommerce ng grocery items.

Tandaan na ang pagsasaliksik sa merkadong nais mong pasukan ay mahalaga kung nais mong palaguin ang negosyong ecommerce mo.

#2 Ayusin ang operasyon

Ang larangan ng ecommerce ay naiiba ng bahagya sa tradisyunal na tindahan. Dahil na din sa teknolohiya, ang pag-market at ang pag-track sa iyong mga benta ay napapadali na. Lalu na sa larangan ng delivery, kayang-kaya na din ito dahil sa mga delivery apps.

Pagtuunan mo una ng pansin ang pagplano sa operasyon lalu na patungkol sa imbentaryo at platform na gagamitin mo.

Ang desisyon sa paggamit ng Lazada o Shopee, Shopify, o sariling platform ay pinapaplanuhan ayon sa operasyong alam mo na dati o ikaw ay magsisimula pa lang.

Kung dati ka nang nakasubok ng iba’t paraan ng online negosyo, baka naman dapat ka nang gumawa ng sarili mong ecommerce website.

Meron akong kilalang isang malagong ecommerce shop na tatlo lang sila dito. Bakit? Dahil nalaman nil ana ang kolaborasyon at pakikipag-partner sa mga meron nang teknikal na platform at meron nang network ay makakagaan ng kanilang trabaho.

Huwag mo lang kalimutang irehistro nang maayos ang lahat patungkol sa shop mo para gawin legal lahat.

#3 Paggamit ng Digital Marketing

Kung nagsimula kang magbenta sa Facebook o Instagram (o pareho), alam mon a ang larangang tinutukoy ko. Subalit bukod sa social media pages o accounts, meron pang mga gawaing ginagamit ng mga matagumpay na ecommerce shops. Ito ang email.

Kung nakakatanggap ka ng mga email ng offers, isa ito sa ginagamit hanggang ngayon. Kaya mainam na lagging itabi ang email ng mga taong umoorder say o. Isang simpleng hack ay ang pagexport ng lahat ng emails mo na nasa Gmail. Hanapin sa google paano gawin ito, dahil ang paraang ito ang panimula ng iyong email database. Ang mga tools gaya ng MailChimp ay maayos na platform para mag-send ng maraming emails sa isang pindot lang.

Isa pang paraan ay ang paggamit ng mga social media schedulers gaya ng Hoostsuite. Ako, ginagamit ko ang Content Pilot kung saan nakuha ko lang sa isang one-time lifetime payment na $39. Kaya naikabit ko ang 40 social media accounts ko mula sa Facebook at Twitter para maipadala ang mga links sa aking mga blogs.

Ang digital marketing ay mahalaga sa ecommerce shop mo. Lalu na’t marami kang makakalaban. Heto ang tatlong bagay na dapat gamitin kung nais umangat:

  • Blog/Vlog
  • SEO
  • Social Media Scheduler
  • Sariling Ecommerce Website

#4 Pangalagaan ang Customer Service

Kung pumapasok na ang mga kostumer mo sa iyong ecommerce shop, pangalagaan mo ang customer service. Ang simpleng pagpapasalamat ay malaki ang patutunguhan.

Tandaan mo na ang pangangalaga sa mga kostumer mo ay upang sila ay bumalik ng bumalik. Loyalty ng mga kostumer ang susi sa tagumpay ng mga online shops.

Paano ba gagawin ang simpleng customer service?

Ang pagkakaroon ng auto-reply na “Thank You!” ay super-simpleng Gawain, di ba? Gayundin sa mga mga auto-reply sa Facebook Messenger at iba pang apps.

Ang pagiging bukas sa comments mabuti man o maanghang ay paraan din ng customer service kung saan bukas ka sa kahit na anong feedback.

Ang pagkakaroon din ng return-item o exchange-item o 30-day money-back guarantee ay excellent na paraan ng customer service.

Ang buod nito ay ang pagiging maasikaso sa kostumer online gay ana din ng Gawain offline. Tandaan na maraming tools ngayon na nagpapasimple ng customer service. Gawin mo ito.

#5 Di pag-intindi sa sitwasyon ng mga tauhan

Ang mga tauhan mo mismo ay mahalagang aspeto ng iyong negosyo. Ilagay mo kaya ang sarili mo sa lugar ng mga tauhan at malalaman mo ang ibig kong sabihin. Maging sensitibo sa kanilang kalagayan at kung kayang work-from-home, mas ok. Kung di naman, ayusin ang bawat aspeto ng kanilang buhay dahil kung wala sila, mahihirapan ka din naman.

Sa panahon ng krisis, lahat tayo ay iisa ang pinagdadaanan, at iisa alng dapat ang layunin – ang mai-angat ang Negosyo at makapagpatuloy na kumita upang matitaguyod ang pamilya. Tandaan mo yan, ka-negosyo.

Konklusyon

Ang pagiging produktibo ng bawat isa ay mahalaga. Yan ang magsisiguro ng pag-angat ng online negosyo.

Sa panahon ngayon at kailan pa man, ang mahalaga ay laging kang magdasal at magtiwala sa Diyos na Siyang may tunay na hawak ng magagandang plano para sa iyong buhay. Sipag at tiyaga at ang maayos na relasyon sa kapwa ay pangalagaan lagi – anuman ang marating mo sa buhay.

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang chief@negosentro.com

(Visited 2,299 times, 1 visits today)