5 Paraan Para Bumili ng Franchise Business | ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Happy New Year, ka-negosyo! Kumusta ang pagpasok ng bagong taon sa iyo? Maaring challenging ang 2020 pero sana, ang 2021, ay maging mas matagumpay para sa iyo. Sa unang salya ng ating pitak ngayong taon, naisip ko na lagyan ng bagong topic na pag-uusapan. Ito ang pagbili ng isang Franchise o prangkisa ng isang negosyo. Malamang kasi, pinag-iisipan mo din ito sa panahong ito.

Ang prangkisa ng isang negosyo ay maaari mong mabili kung nakikita mong maayos ang operasyon at mga sistema nito. Kung matagumpay na silang nakakapag-operasyon ng negosyo – mga tatlong taon pataas – mas merong kumpiyansa ka dito.

Kung bibili ka ng prangkisa, narito ang limang paraan bago mo ito desisyunan.

Tara na at matuto!

#1 Kilalanin mo muna ang sarili mo

Ang isang prangkisa ay isang tunay na negosyo na ikaw din mismo ang dapat matutong mag-operate. Di mo basta-basta ito ipapaubaya sa iba. Kaya nga kailangan mong kilalanin ang iyong pagkatao bilang isang negosyante bago ka sumabak dito.

Lalu na kung matagal kang naging empleyado sa isang kumpanyang malayo sa gagalawan mo bilang isang franchise owner. Halimbawa, kumuha ka ng isang franchise ng isang kilalang hamburger stand. Kung ang 24/7 ang operasyon nito sa isang mataong lugar, kaya mo bang hawakan ang kabuuan nito? Kumusta ang pagkilatis mo sa mga taong magbabantay? Kumusta ang kaalalaman mo sa accounting?

Ang ilang bagay na ito ay malaki ang impact sa iyong hahawakang prangkisa. Pag-isipan mom una ang bagay na ito upang mapunan ng ibang tao ang mga kakulangan mo.

#2 Gumawa ng buong pag-aaral at pagsusuri sa papasukang prangkisa

Matapos mong kilalanin ang sariling kakayahan sa pagnenegosyo, kilalanin mo naman ang negosyong nais mong bilhin.

Ang kabuuan ng isang prangkisa ay di lang basta nasusukat sa dami ng mga taong bumibili dito. Ang kalidad ng kanilang produkto (o serbisyo) at sistema ang magsasabi kung magtatagal bai to.

Sa totoo lang, merong ilang nagbebenta ng franchise dyan na hinahayaan ang mga bumili ng prangkisa nila sa kani-knilang diskarte. Di dapat ganoon. Kung tunay na tagumpay ang sistema nila, dapat yun mismo ang susundan.

Sa larangan naman ng kanilang operasyon, dapat may systems manual na silang ginagamit. Ito kasi ang basehan ng kanilang maayos na operasyon na dapat mo lang sundin. May mga kasamang alituntunin na din ito na susndang ng mga nasa frontlines at management. Hanapin mo ito.

#3 Alamin ang lahat ng numero

Bago mag-desisyon, alamin mo ang lahat ng mahahalagang numero mula sa halaga ng mismong franchise fee, ang kapital na kakailanganin at ang anumang natatagong halaga (hidden costs) na maaaring ipapataw. Kasama na dito yung mga royalties at iba na na aapekto sa kikitain mo.

Tingnan mo din ang numerong may kinalaman sa kostumer at tinatawag na traffic count. Kailangan mong alamin ang dami ng kostumer at dami ng kita sa bawat benta upang makalkula mo ang kikitain. Ang profit-and-loss na numero ay mahalaga.

Tandaan mo na ang pagiging masinop sa gastusin at kikitain ang magsasabi kung magtatagumpay ka o hindi.

#4 Gamitin ang utak sa lahat ng bagay

Tandaan mo na di dahil isang prangkisa ang binibili mo ay tiwala ka na sa lahat ng bagay. Lalu na sa usaping legal, kailangan ay aalamin mo ang lahat-lahat.

Sa panahon ng operasyon ng prangkisa, kailangan mong alamin ang mga kasamang bagay tulad ng coaching o mentoring na kadalasan ay kasama sa usapan.

Sa pagsilip sa lahat sa kabuuan ng kontrata, mas mainam na may titingin na abogado na may alam sa mga kontrata. Maraming mga salitang legal ang di agad naiintindihan ng ordinaryong tao. Kahit matagal ka na sa larangan ng pagnenegosyo, marami pa ring usapain ang di mo basta alam.

Sa pagnegosasyon ng isang prangkisa, maraming bagay ka ding makukuha na di ibinibigay sa iba kung di mo hihingin. Halimbawa, ang terms ng pagbabayad o kung may diskuwento kang makukuha. Malaking bahagi ng pagnenegosyo kasi ang negosayson.

#5 Humingi ng payo sa mga eksperto

Sa anumang negosyo, ang payo ng mga eksperto ay mahalaga. Lalu na kung ito ay may kinalaman din sa mga prangkisa ng negosyo. Di man pare-pareho ang uri ng mga negosyong nag-franchise, ang prinsipyo sa likod nito ay iisa lang naman.

Sa dulo kasi, ang naibibigay na payo ng mga eksperto ay nagpapaiksi ng panahon upang matutuo at makapagdesisyon ng maayos.

Bukod sa mga eksperto sap ag-prangkisa, ang mga eksperto sa laranagn ng accounting, marketing at operations ay mahalaga. Gayundin ang mga taong may kinaloaman sa pagsasaayos ng kapital na kailangan mo at pati na din ang pangungutang sa banko kung kinakailangan.

Konklusyon

Sa panahon ng pandemya o anumang krisis, ang pagkuha ng mga prangkisa ng negosyo ay mas ligtas kesa ikaw na mismo ay mag-uumpisa ng sarili mo. Dahil nga subok na ang sistema ng pagnenegosyo.

Mas matagal na ang negosyong nais mong i-prangkisa, mas ok. Basta, ‘wag agad magdesisyon hangga’t napag-aralan mon a ang maraming aspeto ng negosyong papasukan. Siguraduhin din ang personal na kahandaan sa larangang papasukan.

Sa lahat ng bagay, ‘wag mong kakalimutang magdasal, magtiyaga at maging masinop.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur at nasa board of directors ng iba’t ibang kumpanya. Kung nais makipag-ugnayan, magmensahe lang sa email niyang chief@negosentro.com.

(Visited 4,453 times, 1 visits today)