ni Homerun Nievera | Lahat ng negosyo ay nais makilala upang maisakatuparan ang paglago nito. Kung di ka kilala o wala kang tinaguriang “brand awareness” – di ka makakabenta at makauungos sa iyong kakumpitensiya.

Mahalaga ang pagpapakilala ng iyong brand o tatak – maging pangalan man ito ng negosyo o ng isang produkto  serbisyo. Ang reputasyon ng iyong negosyo ay nakasalalay sa isang malakas na tatak.

Narito ang limang simpleng Gawain para mapalawig ang iyong tatak:

#1 Balik tayo sa simpleng pamamaraan

Kapag eleksyon, nagkalat ang iba’t-ibang paraan ng gimik para maalala ang isang kandidato. Ang mga mukha at pangalan nila sa mga t-shirt, bag, bayong, baller, at maging sa mga billboard ay laganap. Ito ang simpleng pamamaraan ng pagpapalaganap ng iyong tatak. Sa katunayan, ang karatula mo sa iyong tindahan ay importante. Maging ang disenyo ng iyong logo at sulat sa tarheta (callning card) ay mahalaga upang maging sikat ang iyong marka.

#2 Pakikipag-partner sa ibang brand

Kung di ka pa kilala, makipag-partner sa ibang brand na mas kilala. Siguraduhin lang na may kaugnayan ang iyong tatak sa kanila at di kayo magkakumpitensiya. Katulad na lamang ng pagkuha ng mga artista bilang endorser. O kaya’y isang medyas at sapatos na brand na magsama sa isang Gawain o promo.

#3 Pagsali sa mga pasinaya o event

Ito ang madalas na gawin ng mga kumpanya dahil naroon na ang mga taong nais nilang abutin para makilala. Ang pagsali sa mga trade show, tiyangge o school fair na may mga taong naayon sa iyong negosyo ay mabilis na paraan ng pagpapakilala ng iyong brand.

#4 Huwag kalimutan ang social media

Mahalaga ang papel ng social media dahil bukod sa libre ito, malaki ang naaabot nito. Siguruhing nakaayos ng naaayon sa iyong tatak ang lahat ng social media pages at accounts niyo. Huwag ipaubaya kung kani-kanino lamang. Maging konsistent sa lahat ng mensahe na ilalagay dito.

#5 Organisahin ang iyong mga empleyado

Ang pinakauna mong mga tagapagsalita para sa iyong negosyo at brand ay ang iyong mga empleyado. Siguraduhing alam nila ang mga basikong impormasyon ukol sa iyong brand para sila na mismo ang makakasagot kung may magtatanong sa kanila. Kung may iba pang di nila dapat sagutin, ipaalam sa iyo (kung ikaw ang boss) o sa taong kuwalipikado.

 

homer-nieveraSi Homer Nievera ay isang digital evangelist at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook sa @thepositivevibespage. Ang mga kopya ng nailathala nang pitak ay nasa @gonegosentro sa Facebook at sa HomerNievera.com.

(Visited 257 times, 1 visits today)