ni Homer Nievera, CDE | Kung meron kang Facebook, Twitter, LinkedIn at Instagram, malamang nagagamit mo na ang mga ito para sa negosyo mo. Paano mo nga ba ito ginagamit? Balikan natin ang mga ginawa mo na at malamang, di mo pa nagagawa.

#1 Iba ang Page sa Account

Hanggang ngayon, may mga natatagpuan pa din akong mga negosyo at organisasyon sa Facebook na “account” ang ginagamit at di ang Page. May pagkakaiba ba ito? Malaki! Ang account sa FB ay hanggang 5,000 friends lamang at ang Page ay hanggang ilan ang kayang mag-follow o mag-like dito. Kaya sa negosyo, FB Page ang dapat i-setup. Siyempre, dahil may FB (personal) account ka na, ito ang gagamiting pang-setup ng page. Gayundin sa Instagram, at LinkedIn. May business pages or business accounts na puedeng i-setup. Kasi, kung gusto mong mag-boost ng content, dito sa pages or business accounts, puedeng gawin.

Ok ba ang FB Groups sa negosyo? Oo – depende sa klase ng paggamit mo. Kasi ang FB Group ay para sa mga organisasyon at grupong may particular na pinag-uusapan, gaya ng sa kalusugan, negosyo at iba pa na malayang nakakadiskusyon at maaari pang mag attach ng files. Sa mga may negosyong organic na produkto o nutraceuticals na tinatawag, ok ang FB Group para ang sasali lang dito ay ang mga taong may nais dito. Kaya mismo ang FB, di mahigpit sa nilalaman nito. Ang FB Group naman ay karaniwang idinidikit na din sa FB Page, gaya ng Instagram na naididikit na din sa FB Page para madaling mag-boost (at kikita dito ang mismong Facebook na kumpanya!).

#2 Bigyan Importansiya ang Content

Ano ba ang nilalaman ng mga post mo? Yan ang unang tinatanong at pinaghahandaan sa social media. Ang pagbebenta sa pamamagitan ng social media ay ikalawa lamang sa dahilan kung bakit ka nandun sa espasyong iyon. Bale-wala ang dami ng followers ng page mo kung bagsak ka naman sa laman ng mga post o mensahe mo. Paghandaan ang bawat isang ilalathala mo. Wag basta banat lang ng banat. Tandaan na brand mo ang inilalabas mo kaya dapat consistent ka sa objectives mo.

#3 Magsaliksik tungkol sa ginagawa ng iba

Di naman kailangang mag-eksperimento kung may mga kampanya ang ibang brand (o ka-kumpitensiya) na puede mong gawing basehan ng sarili mong kampanya. Silipin ang mga ginagamit nilang paraan. Madalas, video ang mas angat sa mga taga-subaybay sa ngayon. Kung postings ng mga photo, siguraduhing maayos ang captions mo. Wag kalimutan ang contact details mo. Kung wala ka pang website, dyan ka mag-invest (bukod sa may libre naman gaya ng Wix). Kasi kung online ang target mong merkado, sa online din sila pupunta. Tip: kung may pera ang target mo, ang mga naka “free-FB” ay di mo merkado.

#4 Basahin at i-analisa ang Metrics

Bukod sa pagsasaliksik, basahin mo ang mga numero ng performance ng mga kampanya mo. Huwag iasa lang sa nakikita mong engagements (likes, comments, shares). Sa FB, puntahan mo ang “Insights” kung saan mo makikita kung gaano ka umaangat o bumababa sa mga klase ng postings mo. Malalaman mo kung ano ang mas epektibo at kung ano ang dapat ayusin pa. May nagagawa ang boosting ng FB pero kung di mo binabantayan ang numero, sayang ang pera.

Kung maraming ka pang tanong ukol sa pitak na ito, puede naming mag email lang sa akin o kontakin ako sa FB page ko na nakasulat sa ibaba. Mag-aral at mag-tiyaga para lumago ang buhay. Gabayan ka nawa ng Diyos.

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

(Visited 138 times, 1 visits today)