ni Homer Nievera, CDE | Napag-usapan na natin ang branding sa mga nakaraang ilang pitak at linggong nakaraan. Sa paggawa ng iyong brand, ang unang nasa isipan mo ay ang logo. Kasi, ang logo ay siyang unang nagpapaalal sa mga kostumer mo kung sino ka at ano ang pinahahalagahan mo bilang isang negosyo. Narito ang ilang tips kung paano ka magdedevelop ng iyong logo.

#1 Simple lang

Tingnan mo ang logo ng pitak na ito sa itaas. Ang brand na Negosentro ay hango sa sa dalawang pinagdugtong na salita – ang Negosyo at Sentro. Dahil ito sa kagustuhan kong maging pagnenegosyo ang sentro ng aking mga usapin sa aking blog (negosentro.com) na aking unang inilathala halos 8 taon na ang nakakaraan. Kaya nung aking ginawa ang logo, nadiskubre kong tatlo pala ang maaaring salita na nilalaman ng Negosentro. Ang salitang “Go!” ay naroon pala sa gitna. Kaya nung ginawa ko ang simpleng logo (Oo, ako mismo ang gumawa nito), ginawa kong berde ang bilog ng salitang “GO” na ang ibig sabihin ay umusad – o dapat, go ka lang ng go! Ganun kasimple. Kaya sa mata ng marami, gets kaagad nila ang logo ko at ano ang pinatutungkulan nito. Silipin ang mga logo ng Coke, Apple, Google at Facebook. Ikaw, paano mo mapapasimple ang logo mo at maisasakatuparan ang nais sa imahe mo?

#2 Consistency sa Branding

Huwag pabago-bago ng logo. Yan ang pinaka-mahalagang tip kung nais mong matandaan ka. Ok lang naman na minsan sa sampung taon o higit pa, medyo binabago ang logo para sa makahabol sa panahon. Ang San Miguel Beer ay mahigit nang 100 na taon na brand. Hanggang ngayon, pareho pa din ang logo nito. Ang Apple, dati rainbow ang kulay ng mansanas na may kagat na logo nito. Pinalitan lang ang kulay pero alam mong mansanas – o Apple – pa din ito.

#3 Madaling Maalala o Memorable

Ang logo ng Max’s ba ay alam mong tungkol ito sa Fried Chicken? Ang logo ba ng McDo ay madalas nag awing palatandaan ng isang lugar (kung malayo o malapit na dito)? Ilan lang yan sa mga klasikong halimbawa na memorable dapat ang isang logo. Sa mga nakatatanda na lumaki sa Kodak, di ba mga memories alaala ng nakalipas ang naaalala kung nakikita ito? Kasi, litrato ang ipinahihiwatig ng Kodak. Madali kayang maaalala ang logo mo?

#4 May Dating ba?

Maaala ka nga nila, pero sa di magandang, paraan, sayang lang, di ba? Kaya mas mainam na sa propesyunal mo ikonsulta ang paggawa ng logo mo. Ang mga nag-aral ng multimedia sa kolehiyo o mga graphic artist ay eksperto dito sa larangang ito. Ang mahalaga, ay kaya mong i-express ang damdamin mo para ka nila maintindihan. Magsimula kang magsaliksik ng mga logo na katulad ng sa iyong larangan o negosyo o industriya na iyong kinabibilangan. Itaas mo ang standards mo. Dapat, may dating ito sa mga nais mong maging kostumer.

Kung maraming ka pang tanong ukol sa pitak na ito, puede naming mag email lang sa akin o kontakin ako sa FB page ko na nakasulat sa ibaba. Mag-aral at mag-tiyaga para lumago ang buhay. Gabayan ka nawa ng Diyos.

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

(Visited 223 times, 1 visits today)