Homer Nievera, CDE | Ang sarap makitang lumalaki ang negosyo. Kakaibang pakiramdam ito. Ngunit alam naman natin na di madaling magpalaki ng negosyo nang higit pa sa una mong naiplano.

Kaya ‘tong gawin. Kailangan mo lang magsimula sa limang paraan na ito:

#1 Paglawak ng Merkado

Kung sa akala mo ay madali lang ‘tong gawin, nagkakamali ka. Hindi dahil nasa social media ka ay kaya na nitong palakihin ang iyong negosyo. Maraming paraan pa sa larangan ng advertising at marketing upang mapag-usapan at maikalat ang mensahe ng iyong produkto o serbisyo. Dahil nais mong lumawak ang iyong merkado, gumamit ka ng mga di-tradisyonal na taktika gaya ng pagsali sa mga trade events at networking events. Ang mga bagong kostumer at partner ay makikilala mo dito. Gumamit ka din ng mga social influencers na puwede mong maging boses sa merkado. Higit sa lahat, makipag-partner ka sa pamamagitan ng cross-promotions sa iba’t-ibang brands na may kinalaman sa negosyo mo.

#2 Maayos at Epektibong Branding

Ang pagkakaroon ng matibay na brand sa merkado ay madalas makaligtaan ng mga negosyante. Mahalaga ang aspetong ito dahil ang halaga ng iyong brand ay maaaring maging mas malaki pa sa mismong halaga ng iyong buong negosyo o benta.  Kung wala kang brand manager, kumuha ka ng marketing or branding consultant na makakatulong sa mga estratehiya mo dito. Magsimula sa masinsinang usapan sa logo mo at ano ang mensahe ng iyong brand.

#3 Pangalagaan ang Loyalty ng Kostumer

Sampung beses na halaga ng trabaho ang gugugulin mo para maibalik ang umalis na kostumer. Yan ang halaga ng isang loyal na kostumer. Pangalagaan ang bawat kostumer sa pamamagitan ng maayos na plano para sa costumer service. Ayusin ang pakikipag-usap sa kanila sa lahat ng touchpoints  o sa mga lugar na nakakaugnayan mo sila – mula sa social media hanggang sa after-sales (matapos silang bumili sa ‘yo).

#4 Siguruhin ang Cash Flow

Kung di maayos ang cash flow mo, wala kang pondo para palakihin ang negosyo mo. Bantayan mo ang bagay na ito at makialam sa bawat yugto ng pinasyal na aspeto ng negosyo – mula sa pag-badyet, sales at koleksyon.

#5 Level-up sa Serbisyo

Huwag kang maging kampante sa kung ano’ng lebel ng serbisyo meron ka ngayon. Mahalaga sa paglago ng negosyo ang pag-levelup ng serbisyo dahil nararamdaman ng kostumer na nagsisipag ka at di nagpapakampante. Kumakalat ang ganitong usap-usapan kaya’t mas lumalaki ang merkado mo. Simple.

Ang paglago ng negosyo ay masarap na mahirap na gawain. Pero saan ka pa ba pupunta kundi pataas, di ba?

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage. Si Homer ay co-author at co-admin sa HeSaidSheSaidPH.com at Facebook Page na He Said She Said Philippines.

(Visited 172 times, 1 visits today)