ni Homer Nievera, CDE, CVM | Paano Siguraduhing Magtatagumpay ang Startup Negosyo Mo – 6 na Tips | Kumusta ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan. Kung kasama ka sa mga nawalang ng trabaho, sana naman ay nakapaghanap ka na ng ibang pagkakakitaan. Sa buhay, ang mga ganitong sitwasyon ay maaaring maging paraan upang makahanap ng mga oportunidad na magpapabago ng kinabukasan mo.

Sa pagkakataong ito, baka naman patungo ka sa isang matagumpay na startup negosyo.

Narito ang ilang tips upang masigurong di ka babagsak.

O siya, tara na at matuto!

#1 Alamin ang tunay na layunin mo sa buhay at sa negosyo

Maraming nag-uumpisa ng Negosyo na iisa lang ang layunin nila – ang kumita ng pera. Kung yan ang mismong malalim na layunin mo sa pagnenegosyo, di ka magtatagumpay.

Bakit? Kasi lahat ng tao ay yan ang hinahanap nila hanggang sad ulo ng buhay nila – ang tunay na layunin nila sa mundo.

Noong araw, yan din ang naisip ko bilang isang layunin – ang yumaman. Ngunit noong nandun na ako sa rurok ng tagumpay, nalaman ko na wala rin palang tunay na saya o kaligayahan o kapayapaan sa taas. May kulang pa pala.

Noong makita ko na ang layunin ko sa buhay ay tulungan ang mga SME at MSME na magtagumpay, umungos pa ang aking mga negosyo at alam kong natagpuan ko na talaga ang layunin ko.

Hanapin mo yan sap ag-mumuni-muni mo. Magdasal ka at hanapin ang tamang direksyon. Bale wala ang mga susunod na ilalahad ko dito kung sa layunin (purpose) mo pa lang wala ka nang malinaw na sagot.

#2 Itayo ang negosyo nang naaayon sa nais mo sa buhay

Kadikit nito ang layunin o hangarin mo na nailahad ko sa taas. Ang pag-alam mo sa mga nais mong gawin na nagpapasaya sa yo ay mahalaga.

Bata pa ako noon, mahilig ako magbasa at magsulat. Tila ba nasa ibang mundo ako lalu na kung may mga problema aong kinakaharap. Doon ko ibinabaling ang lahat.

Nang lumaon, napadpad ako sa larangan ng paglalathala ng mga libro at magasin. Naharap ako sa iba’t ibang aspeto ng paglilimbag ng mga babasahin. Napunta rin ako sa larangan ng advertising kung saan naitagni-tagni ko ang negosyong pumapaloob sa industriyang ito. Noong mapasok ako sa mundo ng digital, dito ko nakita na maaari kong maisakatuparan ko ang ginagawa kong trabaho at mga mahal kong gawain sa iisang negosyo. Nag-umpisa ako sa blogging. Ito na ngayon ang pumapaloob sa negosyo ko ngayon.

#3 Manalig ka

Ang pananalig sa sarili mong kakayahan at sa kakayahan ng iba ay kritikal sa tagumpay mo sa iyong startup. Kung nawalan ka ng tiwala sa sarili, talo ka na sa umpisa pa lang.

Kahit pa walang naniniwala sa yo, pero naniniwala ka sa sarili mo, panalo ka na.

Noong 2014, bumagsak ang isang negosyo kung saan ako ang pinuno. Bumalik agada ko sa pag-blog. Tinantanong ako ng asawa ko noon kung ano ang ginagawa ko. Sabi ko, matapos kong magdasal, tila ang sabi ng Diyos sa akin, na gawin ko lang ito. Makalipas ang ilang buwan, ma bumili ng mga blogs ko. Nakabuo pa ako ng iba sa ibang bansa at nabuo ang network ko ng mga blog na namamayagpag ngayon sa iba’t ibang bansa.

Nagtiwala ako sa Diyos at sa sarili kong kakayahan, na kakayanin kong magtagumpay.

#4 Bumuo ng matibay na team

Ang isang kabuhayan namin ngayon ay nakasalalay sa matibay na team na nabuo ko noong isang taon bago tumama ang pandemya. Hinamon ko ang tatlong kabataang nagtatrabaho sa akin noon na makipag-partner sa akin sa isang negosyo. Sumama sila sa akin at ngayon, sila ang pinaka-core ng team. May mga nadagdag na din ngunit ang core team ang siyang nakakatulong nang malaki sa negosyong nabuo namin.

Ngayon, lumalaki na ang negosyo dahil na din sa pagiging makaugnay ng mga gawain. May maayos na sistema at alam na naming paano palakihin ang Negosyo. Sa gitna ng lahat ng ito ang pananalig sa isa’t-isa na kakayanin ang pag-ungos ng negosyo.

#5 Ipagpatuloy ang pag-aaral

Eto na siguro ang isa sa pinakamahalagang aspeto upang magkaroon matagumpay na Negosyo at mahihirapang pabagsakin.

Lalu na ngayong panahon ng krisis at pandemya, ang daming bagay na maaaring naiba sa pagnenegosyo kaya kailangang mag-levelup sa pamamagitan ng pag-aaral. Ako mismo at nagkaroon ng certiofication sa content marketing nitong nakaraang ilang buwan sa loob ng ECQ. Gayundin ang mga tauhan o kasamahan ko sa negosyo.

Di ka aangat at titibay kung kulang ang kaalaman mo. Knowledge is Power. Tandaan mo yan.

#6 Mahalaga ang kostumer

Sa lahat ng Negosyo, ang kostumer mo ang pinaka-sentro ng lahat ng gagawin mo. Pagtuunan ng pansin ang lahat ng aspeto nang naayon sa kagustuhan ng kostumer na pinagsisilbihan mo. Huwag kang hihinto sa pagkakaalam ng mga ito dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ng negosyo mo.

Konklusyon

Ang pagnenegosyo ay may halong hirap at saya. ‘Wag kang tututok lang sa hirap kundi sa saya na dulot nito.

Sa pagkakataong ito, may mga inaalagaan kang mga tauhan na sana ay maging matagumpay din silang kasama mo. Bukod dito, nasa sentro ng lahat ang kostumer mo. Alamin ang gusto nila at pagsilbihan sila.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negosentro.com kung may mga katanungan.

(Visited 3,561 times, 1 visits today)