Paano Patakbuhin nang Maayos ang Online Negosyo Mo sa Panahon ng Pandemya | ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Kumusta ka-negosyo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Habang sinusulat ko itong pitak na ito, tumaas nang husto ang bilang ng mga naitalang nahawa ng Covid 19 sa Pilipinas. Sabi ng iba, maaari daw na dala ito ng excitement sa pag-aakalang di na sila mahahawa kasi may dumating na panimulang bakuna.

At dahil nga sa pangyayaring ito, mas matatagalan pa lalo ang pamamayani ng pandemya sa bansa, at apektado na naman ang pagnenegosyo na pangkalahatan. Ano ang sagot natin dito?

Sa paglaganap ng pandemya noong 2020, agad na lumipat sa digital ang mga negosyo. Di man ito perpekto dahil marami pa din ang nangangapa sa mga dapat gawing sistema, ang mahalaga, may ginagawang aksyon.

Kaya naman naisip kong tutukan muna ang online business sa pitak na ito upang ipahiwatig na talagang ito ang paraan ng pagnenegosyo na dapat nating simulan at kasanayan. Matapos man o hindi ang pandemya sa madaling panahon, ang mahalaga ay masagot muna ang kahilingan ng mga kostumer at ng negosyo sa pangkalahatan.

O, ano, tara na at matuto!

Ang kinakaharap sa Online Business ngayon

Ang katotohanan ay nagiging mas mahalaga ang remote work o work from home sa kasalukuyang panahon. At di malayong eto na din ang maging kalakaran sa mahabang panahon. Dahil na din ito sa ilang mga magagandang nakukuha ng mga nagnenegosyo.

Una, ito ang pinaka ligtas na paraan dahil sa pananatili sa kanya-kanyang bahay ng mga empleyadong nag-oopisina dati. Isa pa, mas nakakatipid sa bayad ng renta, kuryente at iba, bukod sa natitipid din ng mga empleyado sa pera at panahon na nasa kalsada sila.

Pero meron pa ding kinakaharap ang mga remote workers. Kasama dito ang ilang isyu sa mental health, motibasyon, at iba’t ibang distraksyon na maaari nilang nakakasalamuha araw-araw bilang work from home. Itong mga isyung ito ang dapat mong isaalang-alang muna.

Sa harap naman ng mga kostumer, ang pakikipagsalamuha sa kanila ay pumipihit na papuntang online at mobile lahat. Yan naman ang dapat mong pagtuunan ng panahon at pansin.

Narito naman ang mga dapat mong gawin ngayon bilang online negosyante.

#1 I-update ang Website

Nabanggit ko na ang halaga ng isang website nang ilang ulit na sa mga nakaraang pitak ko. Ang pinakamahalagang dapat na tandaan ay ang website ang bagay na tunay mong pag-aari online. Di mo pag-aari ang Facebook at iba pang social media na plataporma, di ba? Di ikaw ang nag mamay-ari ng Google. Kaya naman mahalagang lang updated ang website mo.

Ang bagong update na gagawin ng Google nitong Mayo 2021 ay may kinalaman sa pag-update mo ng website na siyang magiging mas madali ang mag search dito.

Una, dapat mas madali itong mag-load sa screen. Kung mabibigat kasi ang mga nakalagay sa home page mo pa lang, tiyak na di na ito i-rerekomenda ni Google. Siguraduhin mo ding mas akma na ito sa parehong mobile at PC.

#2 Pokus sa Online Security

Lalu na kung merong transaksyong magaganap sa website mo, dapat maayos ang seguridad dito. Alamin ang lahat ng tungkol dito dahil isang pagkakamali mo lang, malaki ang mawawala sayo.

Kung wordpress ang gamit mo sa website, may mga Security Plugins na tinatawag nag ginagamit para di ka mapasok ng mga hackers. Kung iba naman ang gait mong CMS o content management system, may mga akma din ditong seguridad.

Silipin mo din ang seguridad ng mga data bases mo. Ito kasi ang lagging inaatake ng mga hackers.

#3 Gawing priyoridad ang Marketing

Mahalagang makilala ka sa larangang digital, di ba? Dito kasi nagkikita-kita ang mga kostumer o potensiyal mong mga kostumer. Kaya kung papahalagahan mo ang digital marketing ng kabuuan, makaka-ungos ka.

Maaaring magsimula ka sa branding o searchability ng site mo. Depende yan sa istratehiya mo. Sa totoo lang, kung nasa merkado na ang mga produkto mo, unahin mo na agad na searchable ka. Ibig sabihin kasi, nagawa mo na ang branding mo bago ka nag-launch, di ba? Pero kung nag-rebranding ka naman, kailangan pa din na di ka mawawala sa paningin ng mga kostumer.

Tamang balance lang ang gagawin at huwag puro social media ang gagawin mo.

Sa larangan ng digital marketing, maraming bagay ang puwede mong gamitin upang makasalamuha ang kostumer at makabenta sa kanila. Kakayanin mo ding ma-track ang customer journey nila, ayusin ang content, at makuha silang bibili na mismo sa website mo o sa marketplace gaya ng Lazada at Shopee.

Basta’t huwag mo ding kakalimutan ang pagtuon sa customer service dahil pagkatapos mong mahuli ang kostumer, dapat mo naman silang alagaang mabuti, ok?

#4 Pangangailangan ng Coaching at Personal na Koordinasyon

Sa mga panahong ito na sari-sari ang mga kinakaharap na isyu ng mga tauhan, mas kailangan ngayon ang one-one-one coaching o kaya’ mentoring.

Ayon sa mga pag-aaral, malaki ang maitutulong ng coaching at mentoring sa mga taong tila pakiramdam nila ay isolated sila parang nakakulong. Dati kasi, nakikita nila ang reaksyon ng iba, lalu na ng kanilang mga boss. Ngayon, nawawala na ang koneksyon na ito.

Tandaan mo na malaking bagay ang makakuha ng feedback mula sa mga boss na siya naming nagiging motibasyon ng mga tauhan. Paano mo ng aba gagawin ang mga ito?

Sa aking munting negosyo na remote ang sitwasyon naming, at nasa iba’t ibang bansa pa ang karamihang manunulat ko, ang simpleng email feedback at mga chat sa messenger a malayo ang nararating.

Ngayon, may ginagamit din kaming sistema na Slack ang tawag kung saan mas ma koordinasyon sa mga nangyayari. Kung ano man ang gagamitin niyong sistema o plataporma ng koordinasyon, ang mahalaga ay meron kayong patuloy na komunikasyon.

Ngunit mas mahalaga pa rin ang face-to-face gamit ang gaya ng Zoom o Google Meet at iba pa kung saan nakikita ang reaksyon ng mga tao, di ba?

Konklusyon

Malaki pa ang dapat nating talakayin ukol dito ngunit mauubos naman ang espasyo natin. Kaya naman sa mga susunod na pitak ko na lang uli bibistahin ang mga tatalakain natin.

Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makakaranas ng pagsubok. Tuloy lang!

Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa chief@negosentro.com.

(Visited 3,484 times, 1 visits today)