5 Bagay na Mahalagang Kaalaman at Kalakaran sa SEO para sa Negosyo Mo | ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Kumusta ka-negosyo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Ang pagpasok ng mga paunang bakuna sa Pilipinas ay nagdudulot ngayon ng panibagong pag-asa upang makabangon ang mga nalugmok na negosyo. Kung kasama ka rito, siguradong excited ka na rin sa balitang ito.

Sa panahong ito rin, kung ang balak mo naman ay makaungos habang tila tulog ang ibang negosyo, ang paggamit ng digital marketing ang siya mong maaasahan, di ba?

Sa pitak ko ngayon, ang paggamit ng SEO – o search engine optimization – ang siyang pagtutuunan natin ng konting pansin. May mga trend kasi ngayong 2021 na siyang dapat silipin.

Pauna ko na din na ang aking negosyong Top Rank SEO Philippines, na isa sa mga nangunguna ngayon sa larangang ito, ay pinanggagalingan ko ng mga impormasyon.

O, ano, tara na at matuto!

#1 Featured Snippet

Ang Google ngayon ay di na lang basta search engine. Dahil sa mga produkto nitong Google Assistant o Google Home, talagang patungo na ito sa tinatawag na IoT o tinatawag na Internet of Things. At dahil dito, nagiging tila Virtual Assistant na ito na kung ano ang iyong naid ipagawa ay gagawin nito.

Ang bagong ginawa ng Google sa larangang ito ay ang pagpapadali ng search sa mga keywords at naka-highlight na ito sa pamamagitan ng mga Featured Snippet. Subukan mong hanapin at i-type ang keywords na “digital transformation specialist Philippines” at makikita mo ang  Featured Snippet ng taong ito. Ikaw na ang humusga.

Ang halaga ng trend na ito ay kung ikaw ang napunta sa Featured Snippet na ito, ikaw ay nasa tinatawag na “Position Zero” kung saan ikaw ang makakauha ng pinakamaraming traffic, leads at benta.

#2 Predictive Search

Sa dalawang salitang ito mo makukuha ang pinatutungkulan ko – Hulaang Paghahanap. Ito man ay literal kong hinanap ang pagsalin sa Google, swak naman ang ibig sabihin nito.

Dahil magiging kalakaran na kasi ito, kailangan mong maintindihan na ang ibig sabihin nito ay nahuhulaan na ng Google kung ano ang mga kaparehong keywords na i-ta-type mo sana. Kaya ito na mismo ay kanyang iminumungkahi bilang suggested keywords.

Dahil dito, kung ikaw ay nasa larangan ng paggawa ng SEO ng iyong brand o produkto, kailangan mo na ding pag-isipan kung paano mo makukuha ang mga iminungkahing keywords ni Google.

Halimbawa, kung nahihirapan kang makuha ang keywords na “best pasta delivery in Makati,” at nakita mo ang mga suggested na keywords na “best pasta delivery in Mandaluyong,” yan marahil ang kasunod na dapat mong puntiryahin. Kasi nga naman, magkatabi lang ang mga siyudad na ito, di ba?

#3 Voice Search

Alam mo ba na noong 2019, mahigit 146.9 milyong Smart Speakers ang mabenta sa buong mundo? Sa totoo lang, sa halos lahat ng mahahalagang silid sa aking tahanan, ay may Google Home kami? Kasi madali lang humanap ng kanta sa pamamagitan nito. Bale ang gagawin lang ay ang pagwika na “Hey Google, play me this song…” at siya na mismo ang maghahanap at magpapatugtog nito. Pati na rin ang paghahanap ng mga bagay-bagay na dapat mo pang i-type sana, ay boses lang ay ok na.

Pati nga yung pagpapatugtog ng magpapatulog sa amin ay ginagawa na ng Voice Search ng Google. Ang Amazon at Apple ay may mga produkto ding tulad nito. Kaya naman, paghandaan mo na ang trend na ‘to.

#4 Local Search

Di man ito ganun kabago sa Google, ang trend na ito ay mas lalong magiging mahalga sa 2021 at sa mga susunod pang taon. Ano ba ang local search? Ito ay ang pag-suggest ni Google ng mga bagay na makukuha, mabibili o mapupuntahan na malapit sa lokasyon mo.

Sa totoo lang, mas may saysay ang mga search na ito kas inga di mo naman talaga kailangan ang mga bagay na malayo sa ‘yo di ba? Siyempre iba din kung magpupunta ka sa ibang bansa.

Halimbawa, ang Chinese restaurant mo ay nasa Makati. Di ba dapat kung mag search sila ng Chinese food o Chinese restaurant sa Makati, lalabas yung sa ‘yo? Ganun kasimple dapat.

Pero sa katotohanan, may mga bagay kang dapat gawin para mas mapadali na ikaw ang mauna sa search nila. Ganun lang naman talaga dapat.

Saliksikin mo ang Google My Business kung saan dapat mailista mo ang address ng iyong negosyo upang mas madali ka nilang makita.

Kaya sa taong ito at sa mga susunod, pagtuunan mo ito ng pansin, ok?

#5 Page Experience Update

Laging may ginagawang pagbabago ang Google sa pagpapaganda ng ekspiriyensya ng gumagamit ng serbisyo nila. Sa dulo kasi, kung maayos ang ekspiriyensya ng isang searcher sa Google, mas dadami ang gagamit nito – at mas makakauha ng mga ads ang Google. Ganun lang kasimple.

Kaya naman nagdagdag ang Google ng isang tampok na pagtatak sa top search results nito na “Page Experience Update.” Ibig sabihin nito, isasama na ng Google ang bilis nap ag-load ng website mo, ang pagsasaayos nitong makita sa mobile devices, ang pagkakaroon ng seguridad gaya ng HTTPS, pag-alis ng mga pop-up ads, at iba pa.

Ito ang pinakabagong update na gagawin ng Google sa kanyang algorithm nitong Mayo 2021 na pinaghahandaan ng mga SEO experts.

Konklusyon

So ayun, handa ka na sa mga pagbabagong ito sa laranagn ng SEO? Kung di pa, maaari kang magsangguni ng libre sa akin upang makilatis natin ang kalidad ng website mo at kahandaan nito sa pagbabago ng Google.

Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makakaranas ng pagsubok. Tuloy lang!

Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa chief@negosentro.com.

(Visited 3,532 times, 1 visits today)