Paano Mas Palawigin pa ang Presensya mo sa Digital na Pagnenegosyoni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Kumusta ka-negosyo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Alam naman nating ang kasalukuyang kalagayan kung saan malaking epekto ang panunubalik ng NCR at karatig na probinsiya sa mas mahigpit na lockdown na dala ng ECQ. Sa pagpapatuloy ng aking pitak na to, naipalawig pa ang ECQ na aabutin na ng Abril 30. Isang buwan na bale ito. Kaya pa? Dapat kayanin!

Kukumustahin ko lang sana ang aspeto ng marketing na isa sa pinaka mahalagang parte ng istratehiya sa pagnenegosyo sa panahong ito – ang digital marketing. Kung pagtutuunan mo pa ito ng extrang pansin, marahil ay makikita mo na meron pang ikagaganda ang pagnenegosyo mo ngayong taon kahit pa nag ECQ na naman.

At dahil nasa pandemya pa din tayo, alam mo naman na ang digital marketing ang pangunahing instrumento sa pag-abot sa iyong merkado.

Dahil sa malaking usapin ang digital marketing, pagtuunan natin ang iba’t ibang aspeto ito at di lang social media. Ito kasi ang ating mas magagamit. dahil maraming maaabot na mamimili sa panahon ng pandemya at lockdown.

Narito ang ilang paraan para mas pasiglahin ang digital marketing ng negosyo.

O, ano, tara na at matuto!

#1 Siguraduhing naka-setup ng maayos ang website mo

Nasabi ko na ito ng ilang beses na ang pinakamahalagang pag-aari mo sa mundo ng digital ay ang website mo. Kaya dapata, lahat ng aspeto nito ay iyong pagtuunan ng pansin. Palawigin ang merkdaong pupunta dito at ayusin ang ekspriyensiya ng mamimili na titingin dito.

Una, tiyakin na mabilis ang pag-load ng website mo. Madalas, ang mabagal na pag-load ng website ang dahilan kung bakit umaalis na lang ang kostumer. Kaya naman lahat ng paraan para tila pagaangin ito, gawin mo. Una, mas mainam na huwag tadtarin ng mga imahe at photos ang home page mo na siyang pangunahing nilalandingan ng mga kostumer.

Ikalawa, ayusin ang nilalaman o content nito. Kung di maayos o kaaya-aya sa target mong merkado, di na sila babalik. Baka kumalat pa ang pangit na imahe di ba? Siyempre, sigaruduhing maayos din ang loading nito sa mga mobile devices.

Ikatlo, lagyan mo na ng ecommerce ang website mo. Tutal, andun na sila, pabilihin mo na din, di ba?

At panghuli, protektahan ang mamimili at iyong negosyo sa pamamagitan ng cybersecurity ang website mo.

Siguro naman naka setup na social media page o business account mo? Kasi kung personal na account lang ang ginawa mo at ginagamit sa kasalukuyan, gawa ka na agad ng propesyunal na page o business account.

#2 I-setup mo ang SEO mo ng ayon sa nais ng Google

Ngayong Mayo 2021, balitang-balita ang pagbabagong muli ng algoritmo ng Google kung saan mahihirapan na naman ang mga website na umangat sa search kung di nila i-upgrade ang kanilang SEO.

Yan na ngayong ang dapat mong pagtuunan ng pansin matapos ang pagsasaayos ng website.

Simple lang naman ang gawain ng SEO. Isa itong malaking paraan upan madaling ma-search ang website mo sa Google. Marami mang gawain ang dapat mong ayusin sa larangan ng SEO, kailangan mo pa rin itong ayusin. Kasama dito ang mga angkop na keywords na siyang hahanapin o i-type ng mga mamimili mo.

Ang pangunahing social media platform na dapat gamitin sa Pilipinas ay ang Facebook. Ang mahigit 50 milyong katao na puwedeng maging kostumer mo, ay di biro. Kaya dapat maayos ang pundasyon nito.

Sa Facebook, may sariling 13-point checklist na ipinapakita ang mismong FB. Ilan dito ay ang paglagay ng contact number, email addres at website address ng negosyo.

Ayusin mo muna ang mga ito bago ka sumabak sa 2021 social media marketing mo.

#3 Saliksikin ang kumpetisyon

Lahat ng negosyo ay may kakumpitensiya kahit papaano. Madalas, may nauna na sa ideya mo. Kaya naman kung magsasaliksik ka ng mabuti, may shortcut ka na sa digital marketing ng negosyo mo. Sa paanong paraan?

Kung sasaliksikin mo ang bawat aspeto ng mga ginagawa ng kakumpitensiya mo sa website nila, social media, at Google at Facebook advertising — malalaman mo ang mga dapat iwasan, paghandaan at gagayahin o mas papalawigin, di ba?

Ang pagsaliksik sa kumpetisyon ay simple, ngunit kailangang masinsin at may konting analysis. Search mo ang Google at Facebook bilang pangunahing paraan kung saan makikita ang tungkol sa kanila.  Kapag nakakita ka ng kapareho mong negosyo, malamang makikita mo sa baba o gilid ng search results ang iba pang kakumpitensya mo. Tandaan mo na maaaring direkta o di direkta ang kompetisyon ha?

Ang mga dapat tingnan ay ang mga piling produkto na kanilang mina-market at ano ang mga ginagawa nilang paraan sa pag-market sa social media, lalu na sa Google at Facebook. Dito mo malalaman kung ano ang istratehiya nila sa kabuuan ng negosyo nila dito.  Pag-aralan mo din ang branding at pagpapalawig ng kanilang reputasyon.

#4 Alamin ang mismong pinaka-kostumer mo

Kung di mo pa lubos na kilala ang merkado mo sa larangan ng social media, alamin mo ito. Alamin ang kung ano ang binabasa o pinapanood nila at kung ano ang mahahalagang bagay na kanilang pinagtutuunan ng pansin, pinag-uusapan at sinusundang mga isyu o bagay-bagay.

Merong simpleng analytics ang FB Page na tawag ay Insights. Dito nakikita ang mga trends, likes at kung anu-ano pa ukol sa page mo.

Meron ding mga libreng social analytics tools na makukuha online upang magawan ng forensics ang page mo at ang total na reputasyon mo online.

Ang pag-aanalisa ng kostumer mo ay isa sa pinakamahalagang aspeto ng paggawa ng istratehiya sa digital marketing mo.

#5 Patatagin ang relasyon sa kostumer sa social media

Maraming paraan ang pagpapalawig ng relasyon sa mga kostumer at nais makuhang kostumer sa pamamagitan ng social media. Sa Facebook, ang maayos na setup ng chat o messenger ay mahalaga. Eto kasi ang gagamitin mong awtomatikong taga-sagot sa mga mag-me-message sa page mo. Puwede na kasing automated na ito. I-setup mo ito.

Sa mga posts mo naman, siguraduhing may link sa messenger o sa website o anumang contact details sa captions ng mga post. Para matapos nilang makita ang mga posts mo, alam nila saan pupunta.

Sa mga comments naman, i-manage mo ito ng mabuti. Huwag kang mag-engage sa mga negatibong comments. Sa halip, sagutin ng maayos at ituro sa messenger para pribado na ang pagsagot.

Tandaan na ang gagawin mo sa page mo ay siyang magbubuo ng reputasyon mo.Kaya maging masinop sa istratehiya.

Konklusyon

Ang pagtuon mo ng mas maigting na pansin sa digital marketing para sa negosyo ay mas mahalaga sa panahon ngayon. Dahil na din sa pag-shift ng kostumer online ngayong pandemya, ayusin mo ang istratehiya dito.

Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makakaranas ng pagsubok. Tuloy lang!

Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa chief@negosentro.com.

(Visited 3,347 times, 1 visits today)