ni Homer Nievera, CDE | Lahat ng mga startup na negosyo ay may kanya-kanyang galing. Madalas, ang mga founder at co-founder ng mga startup ay may kanya-kanyang espesyalidad na magagamit sa pagnenegosyo. Kaya nga lang, madalas makalimutan ang usaping legal na sa huli, pinag-aawayan ng mga co-founder ng negosyo.

Narito ang limang bagay na dapat ayusin habang maaga pa lamang, para di magkaroon ng problemang legal sa darating na panahon. Basahin natin:

#1 Kawalan ng ‘Co-founders o Shareholders Agreement’

Sa tuwing nag-sisimula pa lang ang aming diskusyon sa mga mga co-founders o ka-negosyo sa aming itatayong startup, pinag-uusapan na ang kanya-kanyang kontibusyon, pinansiyal man o kakayahan. Simple lang naman ang mga usapan lalu na kung magkakaibigan. Kaso, kapag lumaki na ang negosyo, nag-iiba na ang ihip ng hangin. Ang napag-usapan, nakakalimutan, o di kaya’y iba ang napag-initindhihan pala. Kaya ang solusyon, sa una pa lang, bago mag SEC o i-rehistro ang negosyo, magkaroon muna ng MOA (memorandum of understanding) o Shareholders o Co-founders Agreement na siyang maglalagay sa kontratang legal ang napag-usapan. Sa gayon, may basehan ang mga pinag-usapan, matagal man itong patutunguhan ng negosyo.

#2 Ano’ng klaseng kumpanya ang itatayo

Sa amin, awtomatiko na korporasyon agad ang aming itinatayo (kung nasa Pilipinas ka) bilang personalidad ng aming negosyo. Di dahil startup ka, DTI na agad ang pupuntahan mo. Mas mainam na sa SEC ka mag-file dahil na din sa dami ng benepisyong makukuha ng negosyo mo, lalu na sa paglaki nito. Isang simpleng basehan ay ang klaseng “exit” na nais mo sa dulo. Kung ang exit na piinili mo ay mag lista sa Stock Exchange (IPO – initial Public Offering), nasa karakter ng pagiging korporasyon ang mainam para dito, dahil rin sa maaaring palawigin ang shares ng kumpanya. Meron ding BMBE (Barangay Micro-Business Enterprise) na maaaring gamitin sa mga micro-business dahil may moratorium ito sa mga buwis. Magsaliksik ay pag-usapan ito ng mabuti. Sa mga susunod na pitak ko ilalahad ang mga ito.

#3 Employment Contract

Bawat empleyado ay dapat na may kontrata, kahit isa lang ito. Naka-detalye dito ang deskripsiyon ng kanyang trabahao, sweldo at iba pa. Madalas kasi, napagsisimulan ito ng hidwaan lalu kung lumalaki na ang negosyo. Sa aming kumpanya, may mga ‘work-from-home’ na empleyado kami na nagsimula na part-time o project. Nung tumagal, kinuha na din naming sila at inilahad sa Employment Contract nila na ok lang sa amin na ituloy pa rin ang work-from-home basta may mga output silang ibibigay. Depende na sa inyong usapan ang mga nakalahad ditto. Kumunsulta din sa mga eksperto tungkol dito dahil mahigpit ang Labor Code.

#4 Intelectual Property (o IP)

Kung kilala na ang brand mo o kaya’y alam mong sisikat ito, o may kalakip na kakaibang teknolohiya ito, ipa-IP mo na agad. Ito ang proteksyon mo sa lahat ng iyong negosyo para di ka basta-basta gagayahin. Magagawa naman ito online. Magkaiba ang copyright at patent kaya saliksiking mabuti ang nararapat o bagay sa negosyo o produkto o serbisyo mo.

#5 Government-mandated Benefits

Mula sa SSS, Philhealth at Pag-ibig, hanggang sa pag-file ng buwis, lahat ito ay kailangang pagtuunan ng pansin sa startup mo. Huwag mo itong ibabale-wala dahil may kasamang malaking multa at kulong ditto. Meron ding Data Privacy Act sa Pilipinas. Basahin ito at siguraduhing magawa. Malaking multa din at kulong ang kasama ditto. Tandaan din na may kanya-kanyang data privacy law ang bawat bansa gaya ng sa EU na GDPR na sakop ang sinumang nag-access sa website mo at nasa iyo ang data ng kostumer.

Mas madali at hassle-free ang pagnenegosyo kung ang limang usaping legal an inilahad ko ay masusunod. Marami pang dapat ayusin sa aspetong eto ngunit ang limang ito ay agad na pagtuunan ng pansin.

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

(Visited 156 times, 1 visits today)