ni Homer Nievera, CDE, CVM | Ikatlong linggo na ng lockdown sa Kalakhang Maynila at sa datos na nakikita natin sa media, di pa rin humuhumpay ang pagtaas ng bilang ng mga nabibilang sa mga tinamaan ng Covid-19. Nakakalungkot at nakakamangha ang ganitong sitwasyon.

Sa kabila ng maraming negatibong nangyayari sa ating kapaligiran, di dapat tayong basta-basta malulugmok dahil di naman ito ang permanenting kalagayan natin. Matatapos din ito.

Ngunit sa ganitong panahon, ano nga ba ang dapat nating gawin para mapanatili natin ang ating positibong pananaw at malabanan ang negatibong vibes?

O siya, tara na at alamin!

#1 Matulog ka at magpahinga

Baka kasi lagi ka namang napupuyat sa kakaisip o sa kakagawa ng ikalilibang mo. Di naman masama ang maglibang, ngunit masama ang kulang sa tulog at pahinga. Kapag lugmok ang katawang lupa mo, ganun din ang ispirito mo.

Ang pagkakaroon ng tamang lakas at enerhiya lalu na sa umaga, ay siyang magdidikta nang magiging pananaw mo sa buong araw. Kung tila pagod ka lagi kahit nakatulog ka na, ibig sabihin kulang ang tamang tulog o pahinga.

#2 Pokus sa Solusyon

Kung palaging ang mga agam-agam mo sa mga nangyayari sa paligid mo ang iyong iniisip, dadalhin mol ang ang negatibong vibes na iyan sa buong maghapon mo. Isipin mo kung tatlong linggo ka nang nag-iisip ng mga problema, aba’y tatlong lingo ka na ding tuliro, di ba?

Palitan mo ang iyong perspektibo! Magpokus ka sa solusyon at wag sa problema.

Halimbawa, noong unang lingo ng lockdown, namroblema ako sa kung paano ko gagawin nang maayos ang pag-miting sa mga kasamahan ko sa negosyo, at gayundin sa mga aktibidad ng aming Katolikong komunidad na Missionary Families of Christ – Singles. Kesa pagpokus sa problemang ito, naghanap at nagsaliksik kami ng paraan kung paano namin ito gagawin.

Sa paggamit namin ng Zoom app, na naging popular na ngayon, naipagpatuloy namin ang aming mga gawain. Sa totoo lang, dahil din sa ganitong pag-pokus sa solusyon, marami kaming nagawang donasyon at pagtulong sa mga taong kapus-palad at sa mga frontliners sa buong Kalakhang Maynila. Maaaring maliliit lang ang aming naitulong, ang pag-ambag ng positibong aksyon sa negatibong sitwasyon ay nagdulot ng sama-samang pagtulong sa mga nangangailangan. Nagpokus kami sa solusyon kesa sa problema. 

#3 Panatilihin ang Kalusugan – mag-ehersiyo

Sa nakaraan kong pitak, naisuhestiyon ko din ito para sa mga empleyado ng kumpanya mon a naka-work from home. Ganun pa din ang pagpapatuloy ng suhestiyon na ito sa pitak na ito.

Di maikakaila na ang pagkakaroon ng magandang sirkulasyon ng dugo ay Mabuti sa katawan. Mabuti din ito sa mag-iisip at pagpapatuloy ng positibong pananaw dahil may ibayong lakas kang nararamdaman.

Kung maganda ang daloy ng enerhiya sa iyong katawan, lumalabas din ito sa iyong buong pananaw sa buhay at nagdudulot ng positibong vibes.

Labanan ang negatibong vibes sa pamamagitan ng ehersiyo araw-araw. Maglaan ng 30 minuto at ok ka na. Maraming paraan naman diyan kahit nasa bahay ka lang. Saliksikin sa Youtube.

#4 Makipag-ugnayan sa mga Taong positibo ang pananaw

Madalas kong ipayo sa mga kaibigan ko nan ais na maging positibo ang pananaw at buhay ay ang makisalamuha sa mga taong positibo din.

Bakit? Parang virus lang din yan. Nakakahawa ang pananaw ng mga tao. Parang may animon’y enerhiyang iyong nakukuha sa pakikipag-ugnayan sa mga tao – positibo man o negatibo. Punahin mo, na kung puro kasiraan ng ibang tao ang pinag-uusapan ng mga kasama mo, di ba parang ang bigat ng araw mo? Pero kung puro kakatawanan o positibo ang pinag-uusapan, maganda at magaan ang araw mo.

Ganun lang yun kasimple. Ang payo ko, umiwas sa mga taong negatibo kung ayaw mong mahawa sa pananaw nila. Kung mahirap ito gawin, lalu pa’t kasama mo sila sa bahay o trabaho, subukan mong baguhin ang kanilang pananaw. Ipagdasal mo din sila.

Sa dulo, ang pagkakaroon ng positibong pananaw ng isang tao ay nakasalalay din sa mga kasama nito sa araw-araw. Subukan mong pansinin ang mga taong nakapaligid sa yo ngayon. Ano ang dulot nilang vibes sa yo?

#5 Magbasa o manood ng mga Istorya ng Tagumpay

Ang motibasyon ng isang tao ay naaayon din sa mga iyong nababasa at napapanood. Sa social media kasi marami kang nasasagap na di naman maganda ang impluwensiyang maibibigay sa yo.

Gamitin mo ang oras ng lockdown sap ag-aaral ukol sa mga tagumpay ng ibang tao at kumpanya. Marami naman diyan na naaayon sa hilig o interes mo. Kung mahilig ka sa Netflix, manood ng mga palabas na may istorya ng tagumpay. Kung mahilig ka sa games, sa mga strategy games ka magbabad. Ang mahalaga ay ibabad ang sarili sa mga sitwasyon ng tagumpay upang maging gayundin ang pananaw mo.

Gawin mo itong motibasyon mo sa araw araw, kahit pa matapos na ang ECQ o lockdown.

Konklusyon

Nasaan ka na ba ngayon sa iyong pananaw? Lugmok ka ba o nakaumang para sa lahat ng hamon? Kung ano man ang kinakaharap mo ngayon, maging handa kang sumabak nang may positibong pananaw. Huwag kang papatalo.

Tandaan na sa lahat ng bagay, magdasal at maging positibo.

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang chief@negosentro.com

(Visited 5,842 times, 1 visits today)