ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kumusta ang buhay-bahay ka-negosyo? Nabuburyong ka ba dahil naka quarantine ka sa bahay?  Baka medyo kinakabahan ka na kung may aabutan ka pang kita kapag natapos na ang lahat nang ito. Relax ka lang. Ang mahalaga, may ginagawa kang tama na ikagaganda at ikalulusog ng mas nakakaraming Pilipino sa pagpirmi sa bahay.

Kung nag-isiip ka naman ng negosyo ang anumang pagkakakitaan habang nasa bahay ka lang, lalu pa’t first-timer ka sa larangang home-based business, ang pitak na ito ay para sa yo.

Tara na at matuto!

#1 Suriin muna sa kung ano’ng meron ka

Di totoong walang-wala kang pagkukunan nang kahit na ano para makapagsimula. Umpisahan mo munang suriin ang iyong sariling kakayahan, kaalaman, pagkahilig at gamit na meron ka na.  Yan ang basehan mo ngayon ng uumpisahan mong pagkakaitaan.

Malamang, kung negosyante ka na ngayon at apektado ang negosyo mo ng Covid19, meron ka nang puwedeng pag-umpisahang muli.

Halimbawa ay ang gamit na cellphone. Isang simple ngunit malaking bagay ang linya ng komunikasyon, anumang uri o hugis nito. Bawat negosyo ay may kailangang paraan ng komunikasyon. Isa ang cellphone dun. Kung may computer o laptop ka, mas ok. Lalu na kung may wi-fi sa bahay, panalo ka na lalo.

Napaka-malaking bagay ang sariling kakayahan, ekspiriyensya, kaalaman at pagkahilig (passion). Kahit na sa ibang larangan ka ngayon, puwede ka pa ding mag-pivot o lumihis ng tatahaking landas ayon sa mga ito. Kung ikaw ay mahilig magsulat, maaari  ka nang mapunta sa larangang ito. Marami na ang nangangailangan ng manunulat sa panahon ng teknolohiya. Ang pagiging online tutor ay nababayaran nang hanggang 40,000 pesos kada buwan na ngayon kahit home-based ka lang. Ang mga volggers ay nagsimula mula sa tahanan nila at kumikita ang mga kakilala ko ng hanggang 300,000 pesos kada buwan habang nag vlog at naglalaro lang ng online games.

Marami pa yan na iyong puwedeng pagsimulan. Linangin lang ang ideya.

#2 Linangin ang mga ideya

Maraming ideya kang makukuha habang nag-iisip ka ng sisimulang home business habang naka self-quarantine. Sa totoo lang, baka lumaki pa nna ito at maging permanente na.

Paano ba maglinang ng mga ideya?

Una, pumili ng kakaibang ideya. Di naman kailangang super iba, kundi maaaring isang pagbubuti ng isang  ideya o serbisyo o produkto. Basta ang mahalaga, pamilyar ang mga mga magiging kostumer mo at di masyadong kakaiba na mahirap intindihin.

Ikalawa, pumili ng ideya na magtatagumpay kahit sa una ay mabibigo. Halimbawa, ang pagsimula ng isang blog ay maaring di magtagumpay sa unang pakay nito pero gumaling ka naman sa larangan ng pagsusulat.

Ikatlo, pumili ng ideya kung saan mas excited ka sa paggawa nito kesa magiging resulta. Halimbawa, noong ako’y magsimulang gumawa ng una kong blog, mas-excited ako sa pagssusulat kesa matamo ang kita dito. Nang lumaon, dumami ang traffic sa blog ko at dito na ako ngayon nagka-hanapbuhay. Natuto din kasi akong ayusin ang pagsusulat nang ayon sa king mambabasa. Nagsaliksik ako at nag-aral ng Viral Marketing sa prestihiyosong graduate school na Wharton Business School. Nagagamit ko ngayon ito nang husto.

Tandaan na sa huli, ang ideyang magtatagumpay ay iyong kaya mong ikuwento sa loob ng isang pangungusap. Ang isang business plan para ditto ay kaya mong i-prisinta sa loob ng tatlong minute. Yan ang ideyang papatok.

#3 Simulan ang pagplano

Bago umaksyon, siguraduhing plantsado ang plano mo. Kung bago ka pa lang sa larangan ng negosyo, pag-aralan ang mga iba’t ibang paraan ng Business Plan na siyang aakma sa ideya mo. Di kasi lahat ng business plan ay swak sa lahat ng klase ng ideya.

Kumonsulta ka sa iba’t ibang eksperto sa larangang gusto mong pasukan. May cellphone ka naman at iba’t ibang pamamaraan para sa video conferencing at iba pa.

Magsaliksik nang husto ukol sa kumpetisyon at industriya na gagalawan mo. Ang sa akin, ang pagsaliksik nang husto sa target mong kostumer ang simulan mo. Madalas kasi, ayos na ang plano pero kulang ang impormasyon ukol sa target mong bibili o tatangkilik sa ideya mong negosyo.

Kahit pa nag-pivot ka ng pamamaraan ng pagnenegosyo, parehong dami ng oras ang gugugulin sa pagsaliksik at paglinang sa mga impormasyon.

Konklusyon

Ayon lamang sa tatlong tips na aking nabanggit, isang buong buwan na agad ang gugugulin mo sa paggawa nang mga ito, tama?

Hindi masasayang ang self-quarantine mo. Magiging produktibo ang utak mo. At habang kumakausap at nakikipag-ugnayan ka sa ibang tao sa prosesong ito, pati sila naidadamay mo sa magandang paggamit ng oras.

Tatlo lamang ito bilang panimula. Sa susunod na pitak, pag usapan natin ang pag-aksyon sa plano mo.

Sa panahon ngayon at kaila pa man, ang mahalaga ay laging kang magdasal at magtiwala sa Diyos na Siyang may tunay na hawak ng magagandang plano para sa iyong buhay. Sipag at tiyaga at ang maayos na relasyon sa kapwa ay pangalagaan lagi – anuman ang marating mo sa buhay.

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang chief@negosentro.com

 

(Visited 514 times, 1 visits today)