ni Homerun Nievera, CDE, CVM, CCM | Kumusta ka-negosyo? Ok ba ang kalagayan mo ngayon? Sana naman nasa maayos kang buhay at kabuhayan, ka-negosyo. Ngayong naibalik na naman tayo sa GCQ, baka nanlulumo ka. Huwag naman sana. Tuloy lang tayo.

Sa pitak na ito, tatalakayin natin ang ilang bagay na may kinalaman sa passion mo. Madalas kasi nakakaligtaan natin ang mga bagay na nagpapasaya sa atin. Iyong kapag ginagawa mo ay parang di ka nagtatrabaho. Maraming bagay na ating ginagawa ngayong panahon ng pandemya dahil naging work-from-home tayo. Isa dito ang pagtatanim. Marami ang naging plantito at plantita, di ba?

Tulad nila, meron ka bang nakahiligan o nadiskubre mong muli ang kahiligan mo? Tawagin natin itong passion project mo. O isang bagay na ninanais mong maging negosyo mo pagdating ng araw.

Tara, talakayain natin ang ilang tips upang gawing negosyo ang passion mo, ok?

#1 Alamin mo kung bakit mo gusto ito

Ang sabi ni Simon Sinek, isang kilalang speaker at awtor, dapat natin alamin ang ating mga “bakit.” Ang simpleng ibig sabihin nito ay pag-alam sa ating layunin sa buhay. Ito kasi ang mismong nagpapagalaw sa atin bilang tao. Ito ang dahilan kung bakit tayo gumigising araw-araw at kahit walang bayad, gagawin natin ito.

Ang passion mo ay siyang magtutulak sa iyo na gawin ang isang bagay na kahit ano’ng mangyayari, tatapusin mo ito.

Kung alam mo na itong mga bagay na ito, ito ang simula ng pagnenegosyo sa isang passion mo.

#2 Gumawa ng isang “passion project”

Kung kasalukuyan kang nagtatrabaho, at nag-iisip na umalis na dito upang gawin ang passion mong negosyo, magdalawang-isip ka muna. Mas mainam kasing gawing sideline o passion project muna ang inisiip mong negosyo.

Simple lang naman ang dahilan natin. Kasi nga, kung di ka magtagumpay sa unang subok, andyan pa din ang trabaho mo. Mahalaga kasi na patuloy ang kita mo lalu na sa panahon ngayon ng pandemya, di ba?

Isa pa, dahil hindi biglaan ang pagpasok mo, meron ka pang panahong ayusin ang mga dapat ayusin dito. Lahat kasi ng negosyo, kahit passion project o sideline pa lang, may kaakibat na pagpaplano at pagsasaliksik. Magagamit mo ang panahong ginugol sa sideline upang pag-aralan ang mga bagay-bagay.

#3 Itrato mo na isang negosyo

Maging sideline man o passion project, dapat itrato mong negosyo pa rin ito. Alam mo naman na maraming gawain ang dapat ikonsidera bago magnegosyo, di ba? Gagawin mo rin yan sa passion project mo.

Mula yan sa pagpaplano, pagsasaliksik sa kumpitensiya, marketing, at lahat ng bagay na maisipan mo kung nagnenegosyo ka.

Sa dulo, ang passion project ay isang maliit na bersyon ng isang malaking negosyo.

#4 Mag-network ka

Anumang negosyo ang papasukin mo, kailangan mong may malawak na network. Mula ito sa mga kasama sa industriyang ginagalawan hanggang sa mundong ginagalawan ng mga kostumer mo.

Tandaan na tao ang pinakamahalaga sa pagnenegosyo. Kaya naman importante ang mga ginagalawan mong lugar ay mapalaki mo ang network mo. Sa dulo, sila ay makakatulong sa paglago mo.

Mas mainam na sa pagnetwork mo, makatagpo ka ng mentor mo at iba pang makakapartner mo.

#5 Huwag kang basta-basta makikinig sa ibang tao

Kung may kinahihiligan kang bagay na alam mo sa puso mo na ito ang dahilan kung bakit ka isinilang, di ba ipaglalaban mo ito? Mahalaga ang ganyang kaisipan.

Bakit? Maraming tao ang pipigil at magsasabi ng di maganda sa passion mo. Lalu na siguro kung sasabihin mo na gagawin mo itong isang negosyo.

Meron akong isang kaibigan na tila ang daming gustong gawin sa buhay. Unang-una, isa siyang rehistradong nars. Pagkatapos, nagtayo siya ng isang kumpanya para sa mga events pati na ang mobile bar. Nang pumasok ang pandemya, nagsimula siyang bumalik sa hilig niyang magpinta. Nagawa pa niyang magturo ng pagpipinta. Siyempre, maraming bumatikos sa kanya dahil di naman niya ito gawain upang kumita.

Ngayon, eto na mismo ang pinagkakakitaan niya. Sa totoo lang, pati ako bumilib sa kanya at bumili ng isang painting niya. Di kasi siya nakinig sa mga pumigil sa kanya.

#7 Magtiwala sa nasa puso mo

Ang passion ay nasa puso. Yan ang mahalagang aspeto ng pagnenegosyo. Kung di dahil dito, di ka magpupursige, di ba? Na kahit ano’ng balakid, susuungin mo magtagumpay ka lamang. At kung nasa puso mo ang pagnenegosyo, di mo iisipin ang halaga at oras.

Ang halaga ng pagsasapuso ng isang negosyo — na isang passion — ay saya na iyong nararamdaman habang ginagawa mo ito. Di mo na alintana ang pera o kayamanang pisikal dahil ang yaman ay nasa saya ng puso mo.

Konklusyon

Sa bawat pagnenegosyo, mahalaga na gusto mo ang ginagawa mo. Dahil kung indi ka masaya dito, di mo ito pagtutuunan ng lubos na oras.

Tandaan mo na anumang negosyo, maging passion project o sideline man ito, magtiyaga, maging masinop at magdasal para gabayan ka ng Diyos.


Si Homer ay isang technpreneur at makokontak sa chief@negosentro.com

 

(Visited 4,575 times, 1 visits today)