5 Tips Para Mapanatili ang Pagiging Positibo sa Harap ng Krisis | ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kumusta ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan. Nitong mga nakalipas na araw, lumabas sa balita ang pagkakarron ng dalawang namatay dahil saDelta variant ng Covid 19. Ang Delta variant ay mabilis makahawa at malubha ang tama nito sa pasyente at mas nakamamatay. Ang pagkalubha ng sitwasyon sa India at Indonesia nitong mga nakaraang buwan at lingo ay lubhang nakakabahala kung ikukumpara sa mga ginagawang pagbabakuna ng pamahalaan. Ang positibo na sanang pakiramdam ay mulinmg nababalot ng nagbabadyang sakuna at negatibong vibes.

Sa ganitong panahon, kung saan ngayon pa lang tayo nagsisimulang umahon, paano ba natin maisasaayos ang ating sarili at kundisyon ng ating pananaw na maging laging positibo sa harap ng mga ito?

O, siya. Tara na at matuto!

#1 Pokus sa magagandang bagay

Sa panahong ito na tila wala ka naming magagawang pisikal talaga, ay kailangang magpokus tayo sa kundisyon ng ating pag-iisip. Dun lang tayo sa mga magagandang bagay ituon ang ating atensyon. Sabi sa isang artikulo sa Healthline, kahit pa maliit na bagay lamang ito, iyong ang ating pagtuunan ng pansin kesa yung problema.

Halimbawa, may nag-kansel ng meeting na nahirapan kang kunin para sa negosyo mo. Kesa ituon ang pansin at enerhiya sa naturang pag-kansel, ibaling ang pag-iisip mo dun sa oras na iyong nailibre para sa ibang bagay. Puwede mo din mas lalong pag-isipan kung paano mo pa mapapaganda ang usapan niyo ng ka-miting mo sana. Gamitin mo ang oras na di natuloy.

#2 Magkaroon ng pananaw ng pagpapasalamat

Marami tayong dapat ipagpasalamat sa buhay. Alam mo yan, di ba? Ang paggising mo sa umaga, ang pagkakaroon ng pagkakataong makausap ang mga mahal mo sa buhay, at ang maraming maliliit na bagay na tila di mo na napapansin.

Ang pagkakaroon ng ganitong pananaw ay nakakatulong din upang maging mapagkumbaba. Dahil dito, mas lumilinaw ang ating pag-iisip at nakaka-pokus tayo sa mas positibong aspeto ng buhay kesa sa mga negatibo.

Kung palaging kang nagpapasalamat sa Diyos at sa iba, mas makikita mo ang malaking pagbabago sa pananaw mo sa buhay. Mas makikita mo ang mga biyaya ng Diyos na dati di mo lang napapansin dahil abala ka sa maraming problema.

#3 Simulan ang araw sa positibong gawain

Malaking bagay ang nagagawa ng pag-umpisa ng tama at positibo upang ang buong araw mo ay mas maging kaaya-aya at nakakabawas ng stress.

Halimbawa, ang una kong ginagawa sa aking paggising ay ang pag-inom ng dalawang basong tubig. Para sa akin, naiisip ko na nakakabuti ito sa katawan. Positbo agad, unang gawain ko pa lang. Susunod naman ang patimpla ng kape at pag-init ng pandesal na lalagyan ko ng mantikilya, o keso, o liver spread. Simpleng bagay, pero nakakasaya ng damdamin, di ba?

Tapos, dadalhin ko ito sa aming maliit na altar at magsisimula na akong magdasal. Mga halos isang oras din yun na ang tawag ko ay “Alamusal kasama ang Diyos.”

Itong mga mumuting bagay na aking ginagawa ay ang panimulang mga gawain ko na alam kong positibo ang naidudulot. Kaya sa buong maghapon, kahit maraming trabahong papasok, mas magaan ang aking pakiramdam.

Ikaw, paano mo ba nais simulan ang araw mo na positibo na agad?

#4 Panatilihin ang Kalusugan – mag-ehersiyo

Sa nakaraan kong pitak, naisuhestiyon ko din ito para sa mga empleyado ng kumpanya mon a naka-work from home. Ganun pa din ang pagpapatuloy ng suhestiyon na ito sa pitak na ito.

Di maikakaila na ang pagkakaroon ng magandang sirkulasyon ng dugo ay Mabuti sa katawan. Mabuti din ito sa mag-iisip at pagpapatuloy ng positibong pananaw dahil may ibayong lakas kang nararamdaman.

Kung maganda ang daloy ng enerhiya sa iyong katawan, lumalabas din ito sa iyong buong pananaw sa buhay at nagdudulot ng positibong vibes.

Labanan ang negatibong vibes sa pamamagitan ng ehersiyo araw-araw. Maglaan ng 30 minuto at ok ka na. Maraming paraan naman diyan kahit nasa bahay ka lang. Saliksikin sa Youtube.

#5 Makipag-ugnayan sa mga Taong positibo ang pananaw

Madalas kong ipayo sa mga kaibigan ko nan ais na maging positibo ang pananaw at buhay ay ang makisalamuha sa mga taong positibo din.

Bakit? Parang virus lang din yan. Nakakahawa ang pananaw ng mga tao. Parang may animon’y enerhiyang iyong nakukuha sa pakikipag-ugnayan sa mga tao – positibo man o negatibo. Punahin mo, na kung puro kasiraan ng ibang tao ang pinag-uusapan ng mga kasama mo, di ba parang ang bigat ng araw mo? Pero kung puro kakatawanan o positibo ang pinag-uusapan, maganda at magaan ang araw mo.

Ganun lang yun kasimple. Ang payo ko, umiwas sa mga taong negatibo kung ayaw mong mahawa sa pananaw nila. Kung mahirap ito gawin, lalu pa’t kasama mo sila sa bahay o trabaho, subukan mong baguhin ang kanilang pananaw. Ipagdasal mo din sila.

Sa dulo, ang pagkakaroon ng positibong pananaw ng isang tao ay nakasalalay din sa mga kasama nito sa araw-araw. Subukan mong pansinin ang mga taong nakapaligid sa yo ngayon. Ano ang dulot nilang vibes sa yo?

Konklusyon

Di mo naman maipipihit sa isang araw o isang linggo ang pagiging positibo lagi. Ang isang pananaw ay dapat panggalingan ng desisyon na talagang gagawin mo ito palagi. Hanggang maging habit na ito para sa yo.

Tandaan na sa lahat ng bagay, magdasal at maging positibo. Maging masipag at masinop at lahat ay babalik din sa yo.

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang chief@negosentro.com

(Visited 96 times, 1 visits today)