business donald trump

10 Tips ni Donald Trump para sa Matagumpay na Negosyo

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Sa pagbungad ng huling sangkapat (quarter) ng taon, marahil maraming negosyante ang nasa panahon ng repleksyon kung paano pa niya palalakasin ang kanyang benta. O marahil, ang mga nagnanais magnegosyo sa susunod na taon nama’y naghahanap ng mga tips upang maging matagumpay sila.

Sa mga susunod na Lunes, ibabahagi ko ang mga tagumpay-tips ng mga kilalang tao sa buong mundo. Marahil, makakatulong ito sa perspektibo ng isang startup na negosyo o sa mga nasa kalagitnaan na ng pagnenegosyo.

Simulan natin kay Donald Trump, na nakilala bilang matagumpay na negosyante bago pa maging president ng USA.

#1 Wag gawin ang bagay-bagay para lang sa pera

Noong nagsisimula si Donald Trump sa kanyang mga negosyo, di kaila sa iba na ang ama niya din ay negosyante. Kaya naman sa totoo lang, di na kailangan pang bumuhos sa pagnenegosyo si Trump, di ba? Ngunit ang tawag ng pagnenegosyo niya ay dahil na din kailangang ipagpatuloy niya ang legasiya ng kanyang ama. Yun nga lang, nahigitan pa niya ito. Kaya ang paghangad sa pagpapatuloy ng legasiya ng kanyang ama ay nagresulta sa pagkakaroon ng mas marami pang pera dahil sa kanyang pokus.

#2 Wag na wag kang bibitaw

Sa dami ng napagdaanang pagkabigo ni Trump, bumangon pa din siya. Itong ganitong saloobin ang naging susi ni Trump para malagpasana ang lahat ng hadlang at nagtagumpay. Alam niya kasing dapat lang niya itong pagdaanan.

#3 Wag kaligtaan ang mga detalye

Paniniwala ni Trump na ang buhay – at pagnenegosyo — ay nangangailangan ng pagtalima sa mga detalye. Para sa kanya, ang pag-iwas sa pagsilip sa mga detalye ay maaring maging multo mo sa mga darating na panahon.

#4 Laging tumutok sa mahahalagang trabaho

Noong mga kalagitnaan ng 1990’s bumagsak ang merkado ng real estate sa Amerika. Kilala si Trump sa larangan ng negosyo dito gaya ng Trump Towers at iba pa. Isang gabi, nais makapanoon ng isang palabas sa Broadway (New York) ni Trump. Noong gabi ding iyon, may isang malaking kontrata na kinaharap ni Trump at ibinilin sa ilang tao niya para tapusin ito, sa halip na siya na mismo ang tumutok. Di nila nagawa ang trabaho. Kinabukasan, bumagsak ang merkado at nalugi siya.

#5 Kumuha ng magagaling na empleyado

Ayon kay Trump, madaling magpaalis ng mga di nagpeperform na empleyado. Pero mahirap maghanap at magpanatili ng magagaling na empleyado. Kaya naman, kapag nakakita ka ng magagaling na empleyado, siguraduhing maalagaan mo sila at maiaangat sa susunod pang mataas na antas.

#6 Magtrabaho ng husto

Kailangan pa bang i-memorize yan? Alam naman na natin na ang taong tamad ay walang maayos na kinabukasan. Kaya wag mag-antay ng bukas kung nasa harapan na ang trabaho. Sani Trump, may kilala siyang nagsabi sa kanya na “The harder I work, the luckier I get.”

Tama nga naman. Magsipag at ikaw ay mabibiyayaan.

#7 Sundan ang iyong pakiramdam o sinasabi ng iyong puso

Sabi ni Trump, di laging utak mo ang gagamitin mo sa pagnenegosyo. Kung minsan, gamitin mo din ang iyong pakiramdam (o instinct). Madalas kasi sinsabi na ng magulang o mga kaibigan mon a wag gawin ang isang bagay, pero sa yo, tila tama nga ito. Sa ganang akin, ipagdasal mo ito. At yun marahil, ang tinatawag na tamang pakiramdam.

#8 Magtiwala sa sarili

Ang kalaban mo ay lagi ang yong sarili. Madalas, ang mismong dahilan ng pagkabigo ay ang di mo pagtiwala sa mga nararamdaman mo at sa mga dapat mong naging desisyon. Sabi ni Trump, sa huli, ikaw lang naman ang magdurusa kung di mo pinaniwalaan ang iyong sarili. May kinalaman din ito sa pag-pokus sa trabaho at sa pagnenegosyo na nnagangailangan ng lubos na tiwala sa iyong kakayahan.

#9 Maging abala

Ayon kay Trump, ang maraming “kalat” sa mesa ay indikasyon na ang tao’y maraming pinagkaka-abalahan. Kapag abala ka nga naman, wala kang panahong gumawa ng kalokohan. Kung di masadong abala, mag-aral o magsaliksik ka man lang. Simple!

#10 Mahalin ang ginagawa mo

Isipin mong ginagawa mo ang isang bagay na asar na asar kang gawin ito. Ano’ng pakiramdam mo? Magagawa mo kaya ito ng tama?

Ayon kay Trump, kapag mahal mong gawin ang isang bagay, lalago ito. Yan ang isang negosyong dapat mong gawin, iyong nagpapasaya say o lagi na tila di ka nagtra-trabaho, di ba?

Masaya kong magsulat at maglathala ng mga makakatulong sa maraming tao. Yan ngayon ang negosyo ko. Mahigit 30 ang aking inilalathalang blogs (o websites) na binabasa ng mahigit na 5M tao sa buong mundo.

Ka-negosyo, wag mong kalimutang pasalamatan ang Diyos sa lahat ng biyayang natatanggap. Lahat yan, kahit tila pagkabigo ay blessings.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

(Visited 144,445 times, 1 visits today)

You may also like