ni Homer Nievera, CDE, CVM | Limang Hakbang Para Ma-Track ang mga Conversions sa eCommerce Site Mo | Kumusta ka-negosyo? Medyo mag levelup lang tayo nang kaunti sa usapang ecommerce sa pitak natin ngayon. Kasi naisip ko, na baka may mga mambabasa tayong nag levelup na din mula sa Lazada at Shopee.

Kung may sarili kang website na pang-ecommerce, may mga CRM tools kang dapat gamitin para mas mabilis mo ma-track ang “conversions” o ang pagkakaroon ng transaksyon sa site mo. Ang mga klase ng transaksyon ay mula sa pag add-to-cart hanggang sa pag-checkout.

Kaya sa pitak na ‘to ngayon, pag-usapan natin kung paano mo ma-track ang mga conversions sa ecommerce site mo.

Tara na at matuto!

#1 Alamin muna ang target mong merkado

Kilala mo na ba talaga kung sino ang kostumer mo? Kung may mga tools ka nang nakakabit sa website mo, malamang may ideya ka na.

Bakit mahalaga ang kaalaman ukol sa target mong merkado? Kasi nga, dito lahat nagmumula ang impormasyon na kakailanganin mo upang mas lumakas ang pagpasok ng trapik sa site mo, at sad ulo nito ay ang pagpasok ng benta.

Tandaan na ang lahat ng gagawin mo sa marketing ay nakasalalay sa target mong merkado at ang kaalaman ukol sa mga kostumer mo.

#2 Kabigan mo ang mga datos sa ecommerce site mo

Paano mo malalaman ang iba’t ibang aspeto ng ecommerce site mo hanggang sa benta mo kung takot ka sa numero o sa math?

Ang mindset ko dati ay ayaw ko sa math kaya ako nag aral ng masscom nung kolehiyo. Ang nakakatuwa, ang kurso ko sa kolehiyo at Communication Research (sa UP Diliman) na tadtad naman pala ng numero din, haha!

Nung nagtrabaho na ako sa isang ad agency, ang assignment ko at departamento ay ang sa Media Planning at Buying kung saan numeron na naman ang kaharap ko. Kaya ayun, inamin ko na sa sarili ko na di ko pala maiiwasan ang numero, hanggang sa naging bihasa na din ako.

Ang sabi nila, ang datos daw ang bagong langis. Kung mas marami kang alam tungkol sa mga bagay-bagay, lalu na’t sa ecommerce site mo, mas magtatagumpay ka.

Sa isang website, mas madalas gamitin ang tulad ng Google Analytics at Google Search Console. Dahil sa mga ito, malalaman mo ang mga pahinang popular at mga keywords na hinahanap ng mga taong nagpupunta sa site mo. Kung alam mo na ang mga datos na ito, mabilis mong mai-aadjust ang mga pahina mo upang nbumili ang mga napupunta dito.

Ang isang website ko, halimbawa, ay may 100 na pahina. Malaman ko kung saan madalas mapunta o magbabad ang mga bumibisita dito. Kaya aayusin ko ang mga pahinag matindi ang trapik at aayusin ko ang content upang mas bumili sila.

#3 Magbigay ng pabuya sa mga kostumer mo

Tuwing nagbibigay ako ng mga Talk o bilang speaker, madalas akong magbigay ng libreng ebooks patungkol sa usaping aking tinatalakay bilang guest speaker.

Paano ko ito pinamimigay? Simple – pinapapunta ko sila sa website ko kung saan nila mada-download ang ebooks. Para sa akin, mahalaga ang unang hakbang na gagawin ng mga kostumer ko, na makapunta muna sila sa website ko. Pagka-download kasi nila ng ebooks, mga 50 porsyento ay lilibot pa sa website ko. Dahil ako’y isa ding consultant, maaari nilang ikonsidera ang mga serbisyo ko.

Para naman sa yo, bilang isang may ecommerce site, magbigay ka ng mga pabuya mula sa mga dikuwento hanggang sa Free Shipping.

Ang mga ganitong gawain ay ginagawa na rin naman sa mga gaya ng Lazada at Shopee. Kaya mas mainam, pag-aralan ang galaw ng kostumer mo bago ka maglabas ng libreng ipamimigay.

Ang sikreto dito ay tila simple lamang. Magbibigay ka ng pabuya sa bawat pagbili ng mga kostumer, ayon sa napag-isipang minimum na halaga.

Tiyak yan, babalik sila sa site mo!

#4 Laging mag-followup

Malaking bagay ang pag followup sa isang kostumer. Madalas kasi, may naiiwan silang mga bagay sa checkout. Di na nila ito nababalikan. Sayang di ba?

Kaya ang mabilis na solusyon dito ay ang pagkakaroon ng email or text sa iba’t-ibang kostumer. Kung may nabili sila at pagkatapos ng bayad nila, maaari kang magpadala ng “Thank you!”

Maaari ka ding magpadala ng email o SMS sa mga kostumer mo upang mag-update ng mga bagong produkto na maari nilang bilhin.

Bigayang importansya ang kostumer sa pamamagitan ng mga followup mo sa kanila. Maaari ka na ding mag-upsell o cross-sell sa pagsama nito sa mga followup mo.

Huwag kang tatamarin sa paggawa nito, ok?

#5 Koneksyon sa Social Media mo

Sa simpleng paglagay ng URL o address ng website mo, kaya nang ma-track kung nanggaling sa social media mo ang trapik. Paano? Gumamit ka ng “link shortener” gaya halimbawa ng bit.ly kung saan mabibilang nito kung ilan ang nag-click mula sa post mo. Malaking bagay na din ito dahil mai-kukumpara mo naman mula sa Google Analytics kung ilan ang nag-landing sa site mo mula sa social media post mo.

Meron din kaming ginagamit na UTM codes na siyang may mas malalim na uri ng tracking.

Ang mahalaga ay magsaliksik at gumamit ng mga tools na magagamit mo upang ma-track o kaya’y malaman mismo ilang tao at ano’ng uri sila na potensiyal na kostumer mo. Datos pa rin ang mahalaga, di ba?

Pagtatapos

Sa panahon ng pandemya man o hindi, di mo maikakaila ang halaga ng mga datos, lalu pa’t ang paggamit ng mga ito ay may kinalaman sa benta ng website mo.

Ang salitang “conversion rates” ay makakasalamuha mon ang madalas kung nakababad ka na sa ecommerce website mo. Konting saliksik pa para mas maintindihan mo ang mga naisulat ko sa pitak na ito sa ngayon, ok?

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang mahirap ngunit exciting. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng bagay.

Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

(Visited 3,398 times, 1 visits today)