HomerNievera.com | 10 Bagay Para Magtagumpay sa Negosyo Mula kay Jack Ma | ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Kumusta ka-negosyo? Ikaw ba ay nagdesisyong mag-negosyo kamakailan lamang? Lalu na kung napilitan kang pumasok sa pagnenegosyo dahil na din nawalan ka ng trabaho ngayong panahon pandemya. Di ka nag-iisa, kaibigan. Marami ang tulad mo. Marami ang naghahangad na makaungos sa pandemyang ito at magtagumpay sa kung ano man ang pinasok na negosyo. Walang may alam ng pormula na kinakailangan. Ang meron lang tayo ang mga aral mula sa nakaraan. Kailangan lang naing balikan ang mga ito at matuto. May mga tao ding maaari nating pag-aralan ang kanilang pinagdaanan. Isa dito si jack Ma. Ang bilyonaryong nagtayo ng Alibaba at ng Ant Financial Group.

Dating English teacher si Jack Ma at nagging interpreter sa Amerika noong kabataan niya. Sa isa sa mga pagbisita sa Amerika, nagka-interes siyang magtayo ng isang Negosyo. Kaya pagbalik niya sa Tsina, itinayo niya ang Alibaba na naging pinakamalaking e-commerce na kumpanya sa mundo .Nakalikom ito ng mahigit $25 bilyong dolyar noong nag IPO ito, na isang pagbabalik niya noon sa Amerika – na isang ganap na bilyonaryo na! Nagretiro si Ma noong 2019 mula sa Alibaba at nagpokus sa Ant Financial. Di natuloy noong 2020 ang IPO nito at tila naglaho si Ma sa publiko.

Sabi nila, biglang inalis si Ma ng mga Tsino, diumano. Nawala siya sa paningin ng maraming tao. Ano man ang dahilan, di mapagkakaila ang kanyang mga inihabilin na aral sa mga taong nais sumunod sa yapak niya.

Ang mga susunod na gagawin mo ay siyang magsasabi kung magtatagumpay ka o hindi.

Tara na at matuto mula kay Jack Ma!

#1 Di pa huli na mag-negosyo ano man ang edad mo

Alam niyo bang 40 anyos na si Jack Ma nang maisip niya na kaya niyang mag-negosyo? Sabi niya, marami na siyang nasubukan sa buhay niya ngunit sapagtayo lang negosyo siya nagtagumpay.

Oo nga naman. Nag-apply siya sa mga fastfood chain dati at di natanggap. Nag-apply siya na maging pulis, di din siya natanggap. Marami pa raw siyang ninais gawin ngunit sa pagnenegosyo lang siya nagtagumpay.

Kaya ikaw, ano mana ang edad mo, puwede ka pa!

#2 Kailangang pagkatiwalaan ka ng mga tao

Sa isang interbyu sa kanya, sabi ni Ma na kailangang pagkatiwalaan ka ng mga tao mula sa mga empleyado hanggang sa mga partners mo.

Sabi ni Ma, 18 investors ang nagtiwala sa kanya noong nagsisimula pa lang siya sa Alibaba.  Iyon ang nagging susi niya sa tagumpay. Ang pagtitiwala daw ng mga tao sa kanya ang naging rason upang maging buo sila sa Alibaba.

Ang dati niyang executive assistant at pinagkatiwalaan si Ma na lalaki ang halaga ng shares na kanyang nakuha bilang empleyado. Nagtiwala siya. At noong nag IPO, naging milyonaryo siya agad dahil sa tiwalang ibinahagi niya kay Ma.

#3 Humanap ng mga taong mas magaling sa ‘yo

Sabi ni Ma, dahil alam niya na mahalaga ang magiging papel ng teknolohiya sa pagtayo niya ng Alibaba, kumuha siya ng mga taong magaling sa teknolohiya. Alam niya din kasi na wala siyang alam sa bagay na ito.

Ang resulta ay ang mismong pamamayagpag ng Alibaba dahil na din sa teknolohiyang meron ito.

#4 Maging bukas sa lahat ng oportunidad

Ayon kay Ma, ang pagpatol sa lahat ng oportunidad – Malaki man o maliit – ang naging susi sa galing ng kanyang team na magsuri ng mga tamang oportunidad.

Sabi ni Ma, kailangang ikonsidera ang lahat ng anggulo ng negosyo mo kasama ng lahat ng oportunidad na dumarating. Kahit saan ka man makarating, hanapin mo ang oportunidad na yun.

#5 Laliman ang pang-unawa

Si Jack Ma ay nakapag-establisa ng organisasyon na higit 1,000 ang empleyado sa buong mundo sa loob lamang ng maiksing panahon. Para sa kanya, ang susi ng isang lider ay ang paghugot sa malalim na pang-unawa sa lahat ng klaseng tao, mapa-ehekutibo man o hindi.

Para kay Ma, ang pang-unawa sa iyong Negosyo at produkto ay isang mahalagang bagay na dapat mong pagtuunan ng pansin bilag isang negosyante. Dahil kung malalim ang pang-unawa mo, ibig sabihin ay nakapagsaliksik ka nang mabuti at nag-iisip bago gumalaw ang magsalita.

#6 Gumalaw ng mabilis

Dahil malalim na ang pang-unawa mo at nai-praktis mo na ang kasanayang ito, mas mabilis ka nang makakapag-desisiyon at umaksyon. Ito, ayon kay Ma, ay kasama ang pagbangon kapag may pagkakamali kang nagawa. Huwag mo daw papatagalin ang pagtayo dahil ang oportunidad ay nasa harapan mo lamang. Matuto sa ekspiriyensya at tuloy mo lang ang pokus sa negosyo.

#7 Maging matapang

Noong nagsisimula pa lamang si Ma, marami na siyang kalaban sa larangan ng ecommerce. Marami ang nagsabi sa kanya na di raw niya kayang lampasan ang mga nauna sa kanya at di siya magtatagumpay.

Ayon kay Ma, di mo dapat isasapuso ang mga tutol sa pangarap mo, kundi ay mas lalong maging matapang na suungin ang hamon. Dagdag pa ni Ma, kung lalagyan mo ng tibay ng loob at ang pokus sa pagbangon tuwing nalulugmok, matatagumpay ka.

#8 Huwag pagtuunan ang pagyaman

Sabi ni Jack Ma, huwag kang gagawa ng negosyo dahil nais mo lang yumaman. Oo, kailangang kumita upang umikot ang puhunan at lumago ang negosyo. Ngunit ang pagyaman daw o pag-unlad ng negosyo mo ay matatamo naman kung mas nakatuon ang pansin mo sa lahat ng bagay na magpapaganda ng produkto o serbisyo.

#9 Kumuha ng mga taong mas magaling sa iyo

Ang pagkuha ng mga tao sa negosyo – ehekutibo man o hindi – ay malaki ang halaga sap ag-unlad ng negosyo. Dahil nga English teacher si Ma, marami siyang kakulangan sa larangan ng ecommerce. Kaya naman kumuha siya ng mga taong magagaling.

Para sa kanya, huwag mong isipin na habambuhay ka sa puwesto mo. Kailangan daw kasing maisalin ang pagiging lider  upang humaba ang panahon nitong mabubuhay.

#10 Mabuhay di para sa negosyo

Sa lahat ng mga aral mula kay Jack Ma, ito ang pinakamahalaga. Ang buhay ay maiksi kaya dapat ine-enjoy ang kinita sa negosyo. Para sa kanya, mas mahalagang gamitin ang oras na kasama ang mga mahal mo sa buhay at ang pagtuon sa mga bagay na magpapaunlad ng buhay ng iba.

Konklusyon

Bilang isang entrepreneur, kailangan ang pagiging masinop at matiyaga sa lahat ng bagay. Ipagpatuloy ang pag-hustle at huwag titigil sa pokus mo.

Ang mga teknolohiya at digital tools ay nakahain na. Gamitin lang ang mga ito at patuloy kang mag-aral upang di ka mapag-iwanan.

Sa lahat ng bagay, magtiwala sa Diyos.

Si Homer ay isang technopreneur. Makokontak siya sa pamamagitan ng email na chief@negosentro.com

(Visited 163 times, 1 visits today)