ni Homerun Nievera, CDE, CVM | Magsisimula na naman ang bagong taon at tiyak na kahit paano, nag-iisip ka na namang magnegosyo. Ilang taon ka na bang nagbabalak magsimula? Hirap ka bang magdesisyon o hirap ka lang mamili?

Narito ang ilang tips upang makatulong sa iyong desisyon at sana, makapagsimula na din talaga sa 2020. Tara na!

#1 Saan ka ba nalilinya?

Madalas itanong ko yan sa mga nag-iisip na magnegosyo at di alam kung saan at paano magsisimula. 

May kilala akong dating nagtrabaho sa kumpanya na nagsu-suplay ng kuryente. Kinuha niya ang inihain ng kumpanya na early retirement. Dahil bata pa naman siya at may ilang taon pang puwedeng magtrabaho, sumagi din sa isip niya na pasulin ang pagnenegosyo. Wala siyang kasanayan sa pagnenegosyo dahil isa siyang ganap na inhinyerong pang kuryente at pagtatrabaho lang ang alam niya. 

Ngunit nalaman niyang may mga kontraktor na nag-suplay ng iba’t-ibang uri ng serbisyo. Nagka-interes siya dito at nag-apply. Nakakuha siya ng maliit na kontrata hanggang lumaki na ito. Ngayon ganap na itong negosyo. 

Ang kanyang kasanayan ang naging kuwalipikasyon niya bilang Electrical Engineer na siyang naging lamang niya sa ibang kontraktor. Siyempre, nakatulong ang pagkakilala niya sa mga dating kasamahan sa trabaho. Iba din kasi ang naidudulot ng relasyon sa pagnenehosyo dahil mas magaan ang usapan. 

Kung linya mo lang din naman, bakit di yun ang umpisahan mo? 

#2 Nasaan ba ang puso mo?

Di dahil linya mo ay ok na gawing negosyo. Minsan kasi, nagsasawa ka naman dun kaya naghahanap ka ng isang negosyo na ikatutuwa mo at di yung dating trabaho mo.

Hanapin mo din ang passion mo sa isang bagay.  Kung nasaan kasi anv puso mo, gagawin mo ito nang di iniisip na trabaho ito.

May kilala akong mahilig sa potograpiya at paggawa ng video. Kahit nagtatrabaho siya sa isang call center, makikita mo sa kanyang mga post sa social media na may kakaibang gali g siya sa larangan ng potograpiya at video. 

Isang beses siyang napakiusapang humawak ng potograpiya at paggawa ng video para sa kasal ng kaibigan. Maganda ang naging resulta nito na maraming nag-inquire kung puwede niya ding gawin ito para sa ibang mga events ng mga kakilala at kaibigan ng mga ikinasal. Dumami pa ang mga nag-inquire hanggang sa iniwan na niya ang trabaho sa call center.

Ngayon, ganap na itong negosyo dahil sinunod lang niya ang kanyang puso — o passion.

#3 Baka naman gusto mo munang maging imbestor?

Matagal akong naging salesman sa iba-ibang negosyo at industriya. Ito ang naging susi ko sa pag-uumpisa ng negosyo. Nagamit ko ang skill na ito pati na din ang ilang koneksyon para makapag-umpisa. 

Nang maglaon, naimbitahan na din akong mag-invest sa mga startup. Dito na naiba ang istilo ng aking pagnenegosyo. 

Madalas kasi nasa board of directors ako at nahing adviser sa mga pinag-investan ko. Ito na ang naging isang bahagi ng aking pagnenegosyo.

Kaya naman kung di ka naman magiging aktibo sa pagnenegosyo sa kahit na anong paraan, maaari ka naman maging investor.  Ang kita dito ay sa iba-ibang paraan. Maaaring antayin mo ang exit kung saan tutubo nang ilang beses ang ipinasok mong pera o kaya’y nagpapautang ka lang at sa interes ka kikita.

Kung ganito ang nais mong istilo ng pagnenegosyo, simulan mo nang magsiyasat at maghanap ng mga startup na puwede mong pag-investan. 

#4 Puwede ka ding mag-ahente

Kung nalilinya ka sa sales o mahilig kang magbenta nang kung anu-ano, ang negosyo ng pag-aahente ang para sa yo.

Ilang mga kaibigan ko na ngayon ang matagumpay sa iba-ibang larangan mula insurance at real estate at sa pagaahente ng mga negosyo mismo. Iniwan nila ang kanilang mga tila magagandang trabaho para maging ahente. Kalaunan, gaya na din ng ibang negosyo, lumago ang ang mga ito dahil aa sipag at tiyaga.

#5 Puwede ka ding magsimula sa online

Ang karamihan ng mga milenyal na negosyante ay nagsisimula sa mga online na negosyo. Ito na kasi ang nakakasanayan ng henerasyong ito na uri ng pagbebenta at pamimili. Kaya kung nais mong magsimula ng iyong negosyo, dyan mo gawin.

Mula sa Facebook, Instagram, Lazada at Shoppee pa lang, maaari mo ng subukan ang pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagbebenta online. 

Ang kailangan mo lang para magsimula ay ang mag-isip ng ibebenta. Maghanda diin ng mga pambalot at iba pang pangangailangan na requirements ng mga online marketplace gaya ng Lazada at Shoppee.

Dapat Tandaan

Ang pagnenegosyo ay di birong gawain. Para ka na din magtatrabaho sa isang kumpanya ngunit ikaw na mismo ang may-ari kaya lahat ay kaya mong gawin dapat.

Sa lahat ng bagay, ipagdasal ang iyong mga desisyon sa araw araw.

Si Homer Nievera ay isang serial technopreneur at maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com.

(Visited 4,589 times, 1 visits today)