Entrepreneur

5 Katangian ng Matagumpay na Entrepreneur para sa 2020

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Maraming nais maging entrepreneur o negosyante. Pero iilan lang naman ang nagiging matagumpay. Meron kasing mga natatanging katangian ang mga entrepreneur na nagtatagumpay. Kahit paano, nagbabago din ito ayon sa panahon.

Ang tanong, meron ka kaya ng mga katangiang ito?

Kung nais mong magtagumpay sa 2020 bilang isang bago man o matagal-tagal na entrepreneur, narito ang ilang bagay na dapat ay meron ka. Tara na!

#1 Matinding magplano at maghanda

Maraming entrepreneur ang di nagtatagumpay sa kanilang napiling negosyo dahil na rin sa kakulangan sa preparasyon. Kung akala mo kasi ay ganun-ganun lang ang pagnenegosyo, nagkakamali ka. Kung akala mo din ay dahil naging matagumpay ka sa isang negosyo, magtatagumpay ka na sa susunod mong negosyo. Maling-mali po ito.

Ang mga matagumpay na negosyante ay alam na kailangan ng masusing pag-aaral at paghahanda ang anumang Gawain. Kung palpak kang magplano, palpak ang resulta nito.

Ang entrepreneur na maayos magplano ay madetalye at masinop. Ang pagsiyasat sa mga bagay-bagay gaya ng lokasyon ng tindahan, ang pagbibilang ng trapiko (mga kostumer), ang pag-tsek sa kumpetisyon at ang pagsasaayos ng produkto at serbisyo ay ilan lang sa mga gawain na kasama sa maayos na pagplano.

Ang tip ko ay simple. Kung naisip mo ito na maaaring mangyari, malamang, mangyayari nga ito. Kaya dapat paghandaan. Ilang negosyo na ang aking nakitang bumagsak sa simpleng kakulangan ng pagkuha ng insurance. Meron ding mga negosyong bumagsak nang di napaghandaan ang kamatayan ng isang partner. Isipin mo na ang lahat ng puwedeng mangyari. Paghandaan ang lahat ng ito.

#2 Mahaba ang pasensya

Kung sa tingin mo ay dapat lagging nagmamadali ang isang mahusay na entrepreneur, mali ka dun. Ang konteksto ng pagmamadali ay ang paglabas ng isang produkto o serbisyo nang mas mabilis kesa sa kalaban. O kaya ay ang paghahanda para sa tamang timing, na siya ding may kinalaman sa pagiging mahaba ang pasensiya.

Tandaan mo na ang bawat bagay ay pinag-iisipan nang maigi. Lalu na kung may kinalaman sa pagtuturo sa mga tauhan, sa pagkuha ng kapartner, sa pagiging masinsin sa kalidad at iba pa.

Kung ikaw ay nagpaplano o naghahanda para sa iyong negosyo, katuwang nito ang pagiging mapasensiya.

#3 Matindi ang pokus

Ang karamihan ng mga negosyong di nagtagumpay ay may kinalaman sa sabog-sabog na implementasyon ng mga napagplanuhan at gawain. May kinalaman din ito sa kawalan ng pokus ng lider at ng mga tauhan kung saan paiba-iba ang ginagawa.

Ako ay may tinatawag na ADHD kung saan hirap akong mag-pokus sa iisang gawain. Mabilis kasi akong magambala (ma-distract). Kinailangan kong madisiplina at masanay ang aking sarili sap ag-pokus para magtagumpay ako sa aking negosyo. Kapag binabalikan ko ang mga negosyo kong di nagtagumpay, nakikita ko ang aking sarili na di nakapagpokus sa iisang produkto, serbisyo o hangarin.

Kaya naman ang ginawa ko, kumuha ako ng mga kapartner or tauhan na mas may pokus kesa sa akin. Yun ang naging susi para magtagumpay ako.

#4 May motibasyon at puwersa sa sarili

Kung ikaw mismo na bilang lider sa isang negosyo ay nawawalang ng bilib sa iyong gawain at sa sarili, sigurado na ang pagbagsak mo. Ganyan kahalaga ang pagkakaroon ng motibasyon at sariling puwersa para maisakatuparan ang lahat ng dapat gawin upang magtagumpay.

Paano mo maibabangon ang sarili mo sa araw-araw? Tanugin mo ang sarili mo kung bakit mo ito ginagawa. Hanapin mo ang mga rason kung bakit kailangan mong magtagumpay. Yan mismo ang babangon sa iyong sarili at magiging motibasyon mong lumagay sa tamang pag-iisip.

Madalas kong sabihin sa mga taong mine-mentor ko na ang tunay na kalaban nila ay ang kanilang sarili – wala nang iba. Ang tunay na multo o takot ay yung nasa kanilang pag-iisip lamang.

Kung ikaw ay babagsak, matuto kang bumangon agad. Huwag mong iisipin kung ano ang iisipin nang ibang tao. Ang sarili mo ang iyong dapat itaguyod.

Tandaan mon a lanahat ng entrepreneur ay may kinakaharap na takot at kakulangan sa motibasyon sa araw-araw. Ang tanong, sino ang umuungos dahil sa paghatak niya sa kanyang sarili. Bangon!

#5 May lubos na integridad

Madalas lumabas ang salitang “integridad” sa aking mga pitak. Bakit nga hindi? Ang kahit na sinong entrepreneur na matindi ang integridad ay siyang umuungos at nagtatagumpay. Sa dulo, ang taong pinagkakatiwalaan ay nabibiyayaan.

Maging bukas ang pananaw mo sa pagiging matapat sa lahat ng bagay. Maging ito ay sa iyong tauhan, kostumer, kapartner, at lalu na sa iyong sarili.

Pagtatapos

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang di para sa lahat. Di ito para sa mahina ang loob at kulang ang tiwala sa sarili.

Lagi kang magkaroon ng kompiyansa sa sariling kakayahan at mag-aral pa sa mga kakulangan.  Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng bagay.

Buong tapang mong harapin ang bukas. Ipagpatuloy ang positibong pananaw at kilalanin ang kakayahan mong lumago. Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

(Visited 4,482 times, 1 visits today)

You may also like