super entrepreneur

10 Kasanayan na Dapat Meron Ka Para Maging Super Entrepreneur sa 2020

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Narito na tayo sa 2020. Excited ka na ba ka-negosyo? Sinaliksik natin ang iba’t-ibang mga payo ng mga matagumpay na super entrepreneur. Tiningnan natin ang kanilang mga gawain at paniniwala. Sampung skills o kasanayan ang ating naipon para maibahagi sa inyo. Tara na at matuto!

#1 Bawal maging nega!

Ito marahil ang pinaka-karaniwan sa lahat nang nabasa ko at napanood, gayundin sa mga nakausap kong mga bilyonaryong entrepreneur. Ang pagiging negatibo sa maraming bagay ay tila isang pinto na nagsasara sa mga oportunidad na pumapasok sa yo.

Sa totoo lang, di basta lumalampas ang mga oportunidad. Sa katunayan, lagi mo itong nasasagap. Yun lang, dahil nega ka, di mo ito napapansin. Para sa yo, lahat ay problema. Yan ang dala ng negatibong saloobin at pananaw.

Ang madalas na payo ko dito, bukod sa pagkakaroon ng positibong pananaw, ay iwasan ang negatibong kapaligiran kasama na ang pag-iwas sa mga negatibong tao.

#2 Matuto sa nakaraan

Ayon sa isang artikulo sa New York Times, ang nakaraang ating madalas maalala ay di yung mismong mga nangyari. Kundi, ito ay naaayon sa ating nais maalala.

Kung ang pananaw mo ay negatibo o positibo, ito din ang pagkakaalala mo dito.

Kaya kung positibo ang iyong pananaw sa buhay at negosyo, malamang na ang tingin mo sa bawat pagkabigo sa yong nakaraan ay lekson at di kamalasan.

Ito na ngayon ang dapat mong gawin – ang matuto sa nakaraan. Ang taong di natuto sa kanyang mga tagumpay at pagkabigo sa nakaraan ay parang bulag sa kasalukuyan. Huwag aksayahin ang bawat leksyon. Kasama yan sa paaralan ng buhay. ‘Ika nga, charge to experience.

#3 Laging ayusin ang kapaligiran at kasama

Kung positibo ang kapaligiran mo at positibo ang iyong mga kasama sa buhay at negosyo, lahat ay aayon lahat ng sitwasyon ay aayon sa yo.

Ang inspirasyon at idea na nagkakaroon ang mga super entrepreneur ay di dahil sa magugulong sitwasyon. Ang utak ng tao ay kusang gumagana kapag inspirado siya, di ba? Kaya kung ang kapaligiran mo ay di pinanggagalingan nang motibasyon para sa isang negosyo, baguhin mo na ito.

Sa akin, ang mga inspirasyon ko at mga ideya ay nabubuo kapag nag-shower ako o kaya’y nagdadasal. Kapag napapaligiran ako ng tubig, gaya ng sa swimming pool o dagat, nabubuo ang sanga-sangang ideya na aking binubuo sa isip ko.

Kanya-kanyang kapaligiran yan, ayon sa iyong karanasan at nakasanayan. Hanapin mo ito. Basta, wag mong kalimutang ayusin ang mga taong nakapaligid din sa yo. Kasama yan sa dapat ausin o baguhin.

Ang madalas kong ipayo sa mga batang entrepreneur, ay umiwas sa mga negatibong tao at sitwasyon. Gayundin ang pagsama sa mga taong mas magagaling sa yo. Bukod sa positibo ito, may matututunan ka din.

Tandaan lang na di dahil magaling, maayos na kasama. Puwede din kasing puro iligal naman ang Gawain ng mga ito. Nega na yun.

#4 Hanapin ang “bakit?”

Kung ang rason mo sa nais na maging matagumpay na entrepreneur ay upang yumaman lamang, mabibigo ka lang. Ayon sa kilalang guru na si Simon Sinek, kailangan mong magsimula sa tanong na “bakit?” para malaman mo ang layunin mo sa buhay at pagnenegosyo.

Nung nagsimula ako sa pagsusulat sa blogs ko, nais ko lang maibahagi ang mga nababasa ko na alam kong makakatulong sa mga kapwa ko entrepreneur. Mabilis kasi akong makaintindi nang mga nababasa ko at naiaayon ko sa iba’t-ibang sitwasyon. Nang lumaon, dumami ang mga blogs ko hanggang naging negosyo ko na ito. Dahil nasa Ingles ang mga salita, at naitaguyod ko ito sa labas ng Pilipinas, nasa 183 na bansa ang aking mambabasa. Sa pitak na ito ko lamang naibabahagi sa salitang Tagalog ang aking mga kaalaman sa pagnenegosyo.

Sa halimbawang ito, makikita na ang ninais ko lamang ay makapagbahagi ng kaalaman. Nang lumaon, naging negosyo na ito.

Ikaw, ka-negosyo, ano ang layunin mo sa pagnenegosyo at sa buhay?

#5 Simple lang ang lahat

Sa totoo lang, ang buhay at pagnenegosyo ay simple lang. Di naman komplikado ang mga bagay-bagay, ngunit tayo na mismo ang gumagawang komplikado sa mga ito, di ba?

Sa pagsisimula sa isang negosyo, kailangan sa simpleng paraan ay maibahagi mo ang ideya sa pumapaloob dito. Dapat alam mo kung sino ang kostumer mo at bakit siya bibili sa yo. Dapat alam mo din kung nasaan ang kita dito. Sa loob ng isang minuto, kaya mong sabihin ito sa kahit na sinong makikinig.

Kung komplikado ang iyong mga proseso sa umpisa pa lang, baka mahirapan kang palakihin ito. Si Mark Zuckerberg at mga kasama niya ay sinimulan ang Facebook sa pagnanais na gumawa ng direktoryo ng mga babae sa campus nila. Ganun lang yun talaga. Nang magawa na nila ito, marami nang gumamit nito at lumago ang features dahil na din sa kahilingan ng mga gumamit. Nang lumaon pa, nagkaroon na ito ng pamamaraang kumita. At ayun, the rest is history, ‘ika nga.

Isang simpleng tip, ka-negosyo – kung kaya mong ilarawan sa isang papel na napking ang iyong ideya, alam mong simple lang ito.

#6 Ilarawan sa isip ang iyong tagumpay

Marami akong kilalang nag-uumpisang magnegosyo na di nila kayang i-visualize o ilarawan sa kanilang isip ang kanilang tagumpay. Kung di mo kasi tila nahahawakan ang tagumpay sa iyong kamay sa loob ng iyong pag-iisip, mahihirapan kang makamtan ito.

Ang tawag dito ay visualization, kung saan tila lasap mo ang tagumpay. Nakikita mo sa iyong isip kung paano ka nagtatagumpay at ano ang ginagawa mo sa panahon ng tagumpay na ito.

Noong nagsimula na akong magtrabaho, naitatak ko sa isip ko ang larawan ng sarili ko na nakaupo bilang manager ng isang departamento sa isang malaking kumpanya. Sa edad na 22, naging head ako ng isang departamento.

Tandaan na kung kaya mong i-visualize ang isang ideya, kaya mo itong magawa. Ang pangarap mo ay ang iyong hangganan.

#7 Malinaw at epektibong komunikasyon

Kung di ko kayang mailarawan ang iyong ideya sa ibang tao, talo ka na sa umoisa pa lang. Ang malinaw at epektibong komunikasyon ay isang kasanayan o skill na dapat mong matutunan.

Nabubuhay tayo sa isang komunidad na kailangan ng palagiang komunikason sa isa’t-isa. Kahit na online ang iyong negosyo, may komunikasyon pa ding nagaganap sa pamamagitan ng chat, text, email, video at iba pang pamamaraan.  Ang mahalaga ay matutunan mo ang tamang pamamaraan upang makapag-ugnayan ka nang epektibo sa kostumer at partners mo.

#8 Kasanayan sa sales o pagbebenta

Lahat ng may-ari ng isang negosyo ay marunong magbenta. Di puwedeng aasa lang sa ibang tao para gawin ito. Sa konseptong 1-4-3, ang 1 ay nangangahulugang dapat ay makabenta ka sa isang tao bago sabihing entrepreneur ka. Ang 4 ay nangangahulugang ma-deliver mo ang iyong naibenta sa loob ng apat na araw o apat na linggo. Ang 3 ay uulitin mo ang proseso nang tatlong beses.

Kaya di mo puwedeng sabihing di ka mag-se-sales. Mahalaga itong skill na ito bilang super entrepreneur. Marami namang mapapanood sa Youtube at mababasa sa Internet ukol sa tamang pamamaraan nang pagbebenta. Ang importante, pahalagahan mo ito at maging eksperto sa iyong produkto o serbisyo.

Kung di mo kayang ibenta ang produkto o serbisyo mo, paano ka kukuha nang taga-benta mo?

#9 Focus, focus, focus.

Kahit ano’ng galing mo sa maraming bagay, kung wala lang focus, sasabog lang ang negosyo mo.

Madalas, marami taong ideya sa maglago nang ating negosyo. Kailangan mol ang linangin ito at alamin ang dapat unahin at mag-focus sa pamamaraan na iyong napili. Parang yung maraming nakabukas na pinto ng oportunidad sa harapan mo at nais mong buksan at pasukin ang lahat. Di puwede talaga iyon. Walang kang matatapos. Puro ka umpisa. Sayang ang panahon.

Sa kabilang banda naman, dapat alam mo din ang iyong hangganan. Huwag kang magpapakasira sa isang bagay na paulit-ulit ka na pero di pa rin tumutuloy ang negosyo o ideya. Dapat, mabilis ka ding mag-pivot o lumiko upang subukan naman ang ibang pamamaraan.

Maraming bese na sumubok si Michael Jordan ng ibang isports pagkatapos ng kanyang karera sa basketball. Naglaro siya sa baseball at golf. Di siya lubusang nagtagumpay dito gaya ng sa basketball. Ang ginawa niya ay nag focus siya sa pagnenegosyo. Ito na ngayon ang kanyang sumunod na karera na siyang lalung nagpa-tagumpay sa kanya.

Magkaroon ka ng focus at mag-commit ka dito.

#10 Repleksyon sa bawat araw

Halos lahat ng kilalang super entrepreneur ay nagkakaroon ng panahon para sa replekson sa kanilang ginagawa sa bawat araw.  Mahalaga ito dahil kailangan mong magkaroon ng tamang direksyon sa pamamagitan ng pagbalik-tanaw sa araw na nagdaan.

Ako kasi, ang oras ng repleksyon ay sa umaga kung kelan ako nagdadasal. Kanya-kanya naman ang paraan at oras na gugugulin sa repleksyon. Ang mahalaga, gagawin mo ito.

Paano ka nga naman maghahanda sa susunod na araw kung di mo man lang nabalik-tanawan at nahimay ang araw na dumaan. Baka kasi ulitin mol ang ang mga pagkakamali o di kaya’y di mapag-isipan ang solusyon sa problema.

Ang sa ganang akin, mahalagang magkaroon ng ispiritwalidad sa repleksyon. Di kasi lahat ng solusyon ay kaya mong maresolba. Kailangan din ng panalangin at pananampalataya.

Pagtatapos

Ang taong 2020 na ngayon pa lang nagsisimula ay maraming tinatawag na plot-twist pa. Ngunit kung mahuhulma mo sa tamang kasanayan ang iyong sarili, mapaghahandaan mo ang kahit na ano’ng pagsubok sa buhay at pagnenegosyo.

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang mahirap ngunit exciting. Di man ito para sa lahat, maaari ka namang mag-sideline.

Tandaang di ito para sa mahina ang loob at kulang ang tiwala sa sarili. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng bagay.

Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

(Visited 41,171 times, 1 visits today)

You may also like