ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kung babalik-tanawin natin ang mga kumpanya na nasa teknolohiya gaya ng Google, Facebook, Snapchat, Instagram at marami pang iba, lahat sila’y nagsimula bilang tinaguriang startup na negosyo. Ang ibig sabihin, nagsimula sila sa wala. Ang Facebook ay sinimulan sa kuwarto ng dormitoryo ni Mark Zuckerberg.

Sa isang pitak ko, nasabi kong ako’y nagsimula sa pagnenegosyo sa pagbenta ng Chocnut sa mga kaklase. Maraming mga negosyante na may matatagumpay na negosyo na nagsimula saw ala o sa maliit lamang. Ganito ang meron sila —

#1 Seryoso at Marubdob ang mga Founder

Ang pagiging marubdob (o passionate) sa iyong negosyo ang isa sa pinaka mahalagang bagay na magdudulot ng magandang resulta sa iyong startup. Ang pagsimula sa wala ay isang magandang rason kung bakit importane ang marubdob na founder. Lahat ay gagawin dahil ilang buwan — o minsan pa’y taon – bago ka kumita. Yung di ka titigil hanggang di mo nakakamit ang tamang pormula ng tagumpay.

Ang mga founder na sina Elon Musk ng Tesla at Jack Dorsey ng Twitter ay naka-ilang ulit sa pagtatayo ng negpsyo bago sila nagtagumpay.

#2 Tamang Timpla sa Lahat ng Gawain

Ang mga matagumpay na startup ay nakakahanap ng maliliit na butas sa merkado at ginagawan ito ng solusyon. Dito sila lumalaki. Isang halimbawa ay ang Instagram kung saan Nakita nila ang paglago ng paggamit ng mobile phone. Dahil Nakita nila na ang Facebook noon ay nakatuon sa mga gumagamit ng PC at maraming mga functionalities na ito, nag pokus ang Instagram sa ng Photos lamang gamit ang mobile. Ayun, boom!

Kaya wag masyadong gumawa ng maraming bagay na di mo naman talaga mapagtutuunan ng pansin. Pokus lang at tamang timpla sa bawat galaw.

#3 Pokus sa pagtatapos kesa sa pagiging perpekto

Sa dami ng aking mga natulungang mga startup, ang paying “done is better than perfect” ang isa sa aking paborito. Marami kasing mga startup lalu na sa larangan ng teknolohiya ay naakit ng perpektong Gawain habang ang kompitensyon ay nasa merkado na.

Tandaan na ang teknolohiya ay mabilis magbago, kaya’t pokus ka sa pagsasaayos ng mga timelines mo. Lagyan ng mga phases ang bawat proyekto at tingnan kung saan ang mas mabilis na paglabas sa merkado. Ang mahalaga ay nakikita mo ang mga nagugustuhan ng mga kostumer at nalalaman kung ano ang dapat baguhin o ayusin pa kesa nabuo mon a ang “perpektong produkto” ngunit wala namang nais bumili nito.

#4 Mauna sa merkado

Kadikit nito ang “done is better than perfect” sa pamamagitan ng kasabihang “first to market beats first to patent.” Marami na kasi akong nakilalang mga magagling na imbentor na ang tanging hangarin ay mai-patent ang kanilang produkto at isusunod ang pagbebenta nito. Hindi naman masama ito kung imbentor ka. Pero kung negosyante ka, unahin mom una ang paglabas sa merkado at tsaka mon a isunod ang pag-patent nito. Dahil pag nasa merkado na, mas mapapaganda mo pa ang produkto mo at yun ang ipa-patent mo.

Isang halimbawa ay ang isang teknolihiya naming na isang “transponder” o “black box in the cloud” kung saan inimento ito upang mabigyan ng pagkakataon ang mga maliliit na eroplano na ma-trace nang di kailangan ng mga mamahaling satellite equipment. Sa dulo, mas ginagamit na siya sa mga sasakyang pang-dagat ang pati ang pag trace ng mga nahuhuling isda gaya ng tuna. Yan na ngayon ang merkado na ginagalawan ng produkto na gawa ng FAME (Futuristic Aviation and Martitime Enterprises). Nakilala na ito sa buong mundo dahil sa kakaibang teknolihiya na di dumadaan sa mga telcos. Nag-iba man ang paggamit nito ngayon, mas matibay na ang hinaharap nito lalu na sa pag-patent.

#5 Halaga ng Kultura

Ang kultura ng isang organisasyon ay siyang maglalapat ng kinabukasan nito. Kung may passion ang founder, gayundin dapat ang mga tao sa organisasyon nito. Tingnan mo ang kultura ng mga kagaya ng Google, Facebook at Tesla kung saan ang inobasyon ay itinutulak. Kaya naman ang organisasyon nila ay maunlad at patuloy na umuunlad. Saliksikin ang mga tipo ng kultura na nais mo sa sariling startup.

Bilang isang entrepreneur, ang aking personal na payo ay ang pagbangon mula sa mga pagbagsak. Isipin na ang pagkabigo ay di katwiran para tumigil sa iyong mga pangarap. Tuloy ka lang. Sa pagkabigo ay may aral na matututunan. Higit sa lahat, dasal at pananampalataya ang kailangan. Yan ang wag kalimutan.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

(Visited 4,561 times, 1 visits today)