Negosyo sa Panahon ng Pandemya

5 Mahalagang Paalala sa Mga Nagtatayo ng Negosyo sa Panahon ng Pandemya

ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | 5 Mahalagang Paalala sa Mga Nagtatayo ng Negosyo sa Panahon ng Pandemya | Kumusta ka naman ka-negosyo? Sana naman ay nasa mabuti at ligtas kang kalagayan. Nawa’ sinusunod mo ang lahat ng safety at health protocols upang di na kumalat at mapuksa natin ang virus na itong nagpadapa sa ekonomiya natin at kumitil at umapekto sa libu-libong kababayan.

Sa panahong ito ng Covid-19 na pandemic, walang kasiguraduhan ang maraming bagay. Sa totoo lang, lahat nang naiplano mo noong isang taon at ang pagsasagawa ng mga planong iyon ay naiwalang-bahala mo na di ba?

Ngunit sa mga ganitong panahon din ng krisis lumalabas ang mga magagandang ideya. Ang problema na lang ay paano ito maisasakatuparan.

Kung nakapagsimula ka na ng pagbebenta online, mabuting senyales yan.

Kaya naman sa pitak na ito, limang paalala na lamang muna ang aking ibabahagi sa inyo upang mas magtagumpay ka sa pagnenegosyo sa panahon ng pandemya.

O siya, tara na at matuto!

#1 Intindihing mabuti ang pamamahala ng gastusin

Sa larangan ng pagnenegosyo, lalu na sa panahon ng isang krisis, ang gastusin mo na personal at pangnegosyo ay isa sa pinakamahalagang bagay na dapat pagtuunan ng pansin. Bakit?

Dahil sa mas kakaunti ang kostumer at mas marami ang nagbebenta sa merkadong iyong ginagalawan, mas kakaunti ang cash (o pera) na umiikot. Bukod dito, mas lumiit na din ang mercado dahil milyun-milyong tao ang nawalan ng trabaho.

Tingnang Mabuti ang halaga ng perang pumapasok at ang lumalabas. Sa simpleng gawain, ang pag analisa ng tubong inilalaan sa produtong ibinebenta ay dapat kumasya sa lahat ng gastusin at may matira para sa personal na pangangailangan at sana, pangdagdag puhunan.

Maaari ka ding kumuha ng mga tools online gaya ng mga accounting software na simpleng input at output lang ang gagawin upang makita ang pagpasok at paglabas ng pera. Marami online na aayon sa liit o laki ng negosyo mo. Magsaliksik ka lang.

Ang sa suhestiyon ko ay magkaroon ka ng mentalidad lagi ng isang startup na negosyo kahit lumalaki ka na. Iyan ay upang laging nasa tipid-mode ka.

#2 Hanapin ang niche mo

Sa panahon ng kahit na anong krisis, ang pagkakaroon ng malaking mercado ang hanap ng mga negosyante upang mabilis na umangat kesa iba. Ngunit ang katotohanan, mas maliit naman na talaga ang ginagalawang merkado.

Ano naman ang gagawin sa ganitong sitwasyon? Maghanap ka ng maliit na niche – o angkop na lugar o merkado – na iyong gagalawan.

Ang negosyo ng pag-blog o pag-vlog ay napakahirap sa simula kung nais mong makuha ang atensyon ng lahat ng tao online. Ngunit kapag nag-umpisa ka lang sa isang maliit na segment ng merkado, mas magtatagumpay ka.

Pansinin mo ang mga sikat na Youtube vlogger na kilala mo sa kanilang iba’t ibang larangan. Merong nasakop ang mga motorcycle riders o nag-dedeliver, o kaya’y nagluluto, sumasaaw, kumakanta at marami pang iba. May kaniya-kaniya silang audience o tagapagsunod na yung napiling niche ng vlogger ay naaayo sa hilig ng iilang tao lang (at di pangkalahatan). Ang resulta ay ang mga sugid na loyalistang followers na siyang nag-subscribe sa kanilang channel.

Ganyan kasimple ang eksplanasyon ko sa paghahanap ng niche sa iyong negosyo.

Kahapon, habang nililinang ko ang mga nag post sa aking Negosentro FB Group ng kanilang mga paninda online, napansin ko agad ang mga kakaibang niche na pinagtutuunan ng pansin ng mga online sellers na miyembro ng Negosentro. Naroon yung mga nag bebenta ng low cost housing, condo, alahas, relo, computer at pati electric fan na sari-sari talaga. Pat inga nagbebenta ng barbeque at isaw, meron! Yan ang tinatawag na niche selling kung saan di labu-labo ang binebenta nila. Diyan ka makakakuha ng paulit-ulit na kostumer kasi ikaw agad ang maiisip nila kung kilala ka sa ganung produkto o serbisyo.

Pag-aralan mo ang merkado mo at kung anong niche nabibilang ang mga paninda mo, ok? Magsimula ka muna sa maliit na niche at unti-unti ka na lang magpalaki.

#3 Buuin mo ang iyong website

Paulit-ulit ko itong sinasabi sa aking mga nakaraang pitak ang pagbuo ng sariling website.

Bakit nga ba lagi ko itong binabanggit? Sapagkat ang mga tao ngayon ay mas higit na digital. Wala namang masama yung nagsimula ka sa ng online marketplace gaya ng Lazada at Shopee. Ang paglevel-up mo sa sariling website ang senyales sa iyong mga kostumer na super-legit ka na. Mas propesyunal na ang dating ng negosyo mo.

Paano ba magsimula ng sariling website?

Unang-una, puede ka naman magsimula sa Wix (wix.com) na may simpeng drag-and-drop na paraan ng paggawa ng website. Oo, ito ay D-I-Y (o do it yourself). Kapag medyo naglevel-up ka na ng kaalaman, subukan mo ang WordPress. Madali lang naman ito kasi kukuha ka lang ng mga themes na gagamitin at yun na!

Siyempre, puede ka ding magpagawa ng website sa mga propesyunal. Kami ang charge naming ay mula 5,000 pesos para sa mg adi naman pang ecommerce na site, at pataas na ito Mga 15,000 pesos ang simula ng ecommerce na site. Huwag lang kalimutang magpa-host ng website mo at kumuha ng sarili mong domain name.

#4 Pagkakaroon ng maayos na SEO o Search Engine Optimization

Ang isang istratehiyang pang search marketing o yung paano ka matatagpuan ng mga nag-search sa Google ay tinatawag na SEO.

Kung nagtayo ka ng blog o website mo, kailangan mo ito upang mas madali kang ma-search ng mga tao na magiging kostumer mo.

Ang simpleng pagpapalaganap ng mga “keywords” na naayon sa iyong website o brand ang nagagawa ng SEO. Mas mahirap nga lang ang trabahong ito kas inga may kinalaman ito sa tamang pagsusulat o pagpapalaganap ng iyong mga content online, gayundin sa mga social media.

May mga kostumer naman ako na nagsisimula sila sa pagpapalaganap ng mga artikulo ukol sa kanilang negosyo. Nakakatulong din ito sa SEO ngunit may siyensya kasi ang paggawa mismo ng mga artikulong pasok sa standards ng SEO.

Magsaliksik ka ng ukol dito sa SEO dahil mahalaga talaga ito sa negosyong online.

#5 Maging Thought Leader o manguna sa pagpapalaganap ng mga ideya

Tandaan mo na sa kasalukuyang sitwasyon, ang ating ekonomiya ang ganap na tinamaan. Naging negatibo ang tinatawag na growth rate natin sa loob ng dalawang magkasunod na quarters ng taon kaya tayo ngayon ay nasa isang resesyon.

Sa ganyang sitwasyon, ano ang dapat pangunahan ng iyong negosyo upang mas mapaganda ang ekonomiya? Kung ano man iyon, ang mahalaga ay pangunahan mo ito. Maging isang lider sa pagkakataong ganito.

Mahalagang maipalaganap ang mga ideyang tutulong sa sector na iyong kinabibilangan lalu na sa iyong komunidad. Isang istratehiya din ito upang magkaroon ng boses ang iyong negosyo at umangat ang reputasyon nito.

Magsulat o maglabas ng mga video ukol sa mga bagay na magpapaangat sa Negosyo ng mga kasama sa industriya at komunidad. Siguraduhing maayos ang nilalaman ng mga itong ideya at solusyon na ipinapanukala mo dahil ito ang magdadala sa yo sa mas mataas na antas sa iyong merkado, gayundin sa mga kostumer mo.

Sa dulo, kredibildad mo at ng iyong Negosyo ang bitbit mo.

Konklusiyon

Kakaiba talaga ang sitwasyon ngayon. Ngayon lang talaga ako dumaan sa ganitong pagkakataon at sisiguraduhin kong di ako basta makikiusyoso lang. Magiging produktibo ako at aktibong tutulong sa kahit na anong maliit man o malaking pamamaraan.

Sa pag-angat ng iyong Negosyo, isama mo ang mga taong nasa komunidad upang umangat ang ating bansa.

Sa lahat ng bagay, patuloy kang magdasal at manalig sa Diyos.

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang chief@negosentro.com.

(Visited 4,482 times, 1 visits today)

You may also like