ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | 5 Simpleng Bagay Para I-organisa ang Negosyo Para Handa sa 2021 | Kumusta ka-negosyo? Ilang hakbang na lang, 2021 na. Nakapag-planning session na ba kayo? May nakaumang na bakayong mga gagawin para sa pag-umpisa ng 2021? Kung wala pa kayong nagagawang kahit na ano, aba’y dapat makapag-umpisa na kayo. Mahalaga ang paghahanda at pagpaplano upang mas magtagumpay ka at makabangon mula sa taong ito na hitik ng mga pagsubok.

Narito ang ilang simpleng gawain na magagamit mo para makapag-organisa ka para sa pagsulong sa susunod na taon.

O siya, tara na at matuto!

#1 Panatilihing maayos ang opisina o HQ mo

Ang maayos at malinis na opisina ay senyales ng isang organisadong negosyo. Sa totoo lang, kung malinis at maayos ang lugar ng pinagtatrabahuhan mo, ang utak mo ay mas magiging malinaw at maaliwalas ang kapaligiran niyo.

Ang mga istratehiyang nais mong mabuo kasama ng mga tauhan at management team mo ay mas mangyayari kung maayos ang HQ niyo. Bukod dito, ang mga files niyo ay dapat maayos na din.

Kung luma na ang pinagtataguan ng mga files niyo kasama na ang mga backup files niyo, panahon na para ayusin ito. Kung kakailanganin mo ng panibagong software o teknolohiya, planuhin na agad ito.

Isang halimbawa ay ang pagkakaroon ng ecommerce site. Baka panahon na magkaroon ka ng maayos na sistema na mas magpapakinis sa mga transakyon.

Sa dulo, siguraduhing maayos ang lahat ng paligid, sistema at pag-isiip ng lahat upang mas pumasok ang mga ideya at istratehiyang maisasama sa pagpaplano niyo.

#2 I-update ang website mo

Kung magaayos ka na lang din ng pisikal na HQ niyo, isama mon a din ang pag-update ng website niyo. Tandaan na ang website ay representante ng HQ o opisina niyo. Ito ang unang pinupuntahan ng mga kostumer mo para makakuha ng iba’t-ibang impormasyon ukol sa negosyo mo. Mas nagiging legit ang negosyo kung maayos ang website, di ba?

Isipin mo na ikaw ang kostumer. Nasa tamang direksyon ba ang kabuuan ng website mo o magulo ang flow nito? Kumusta naman ang grammar o kaya ang mga kategorya nito? Updated ba ang mga images at impormasyon?

Habang binabasa mo ito, siguradong maraming pumapasok na sa isip mo na kailangang balikan ukol sa website mo. Baka naman kasi mahigit isang taon n amula ng ma-update ito. Naku, kung ganun nga, luma na!

#3  I-update ang social media mo

Karugtong ng website mo ang social media account o page mo.  Bukod kasi sa website, ito ang pinupuntahan ng mga kostumer mo. Madalas, ang social media gaya ng Facebook ay ginagamit bilang paraan upang makipag-ugnayan ng diretso sa negosyo, di ba?

Tingnan mo muna kung maayos ang “About” area ng FB at ibang social media accounts mo. Dito makikita ang address, phone, email at website. Tiyaking updated ang lahat ng impormasyon dito.

Baka kailangan na ding i-update ang mga images ng social medi amo gaya ng cover photo, profile photo at pati na din ang mismong tema ng postings mo. Lahat yan at marami pa ay tiyaking nasa tamang tema.

Tandaan mo na ang social media, gaya ng website, ay una sa listahan ng mga kostumer kung saan sila makikipag-ugnayan sa yo. Ito ay representante ng imahe ng iyong negosyo.

#4 Planuhin ang SEO at iba pang istratehiyang pang-digital

Ang SEO o search engine optimization ay karugtong ng website at social media mo. Isama mon a dito ang content na iyong gagamitin sa lahat ng digital marketing ng negosyo.

Unahin natin ang SEO, kung saan mahalaga ito upang mabilis kang ma-search ng mga posibleng kostumer sa pamamagitan ng Google at iba pang search engines. Bakit ‘to mahalaga?

Ang SEO ay ang pagsasaayos ng website at content mo sa loob at labas nito sa pamamagitan ng iba’t-ibang bagay upang tumugma sa tinatawag na “search algorithm” ng Google. Dahil dito, ang mga keywords na tina-type ng mga tao ay naitutugma upang mauna ka sa resulta. Di ka na gagamit ng ads para dito. Bukod sa makakatipid ka, mas “organic” o natural ang paghanap nila sa yo.

#5 Makipag-miting sa management team at mga piling tauhan

Ang mga kasama sa negosyo ang pangunahing kinakailangan mo upang mai-organisa ang lahat. Kaya naman dapat i-miting mo ang lahat ng mga nasa management at gawing malinaw ang mga nais mong ipatupad. Dapat, ang mga layunin ay may deadline at may sukatan. Kung mo kasi gagawin ito, mahihirapan kang malaman kung umuusad ba kayo o hindi.

Alamin mo din ang mga nasa isip nila – ideya man o feedback. Mahalaga ang mga inputs nila upang mabuo ang maayos na plano.

Sa dulo, mga tao din naman ang magtutulak at magpapatupad ng mga gagawin, di ba?

Konklusyon

Kung di maayos ang organisasyon, magulo ang mga patakaran, at wala sa ayos ang mga bagay-bagay, di magtatagumpay ang negosyo mo sa susunod na taon. Mas organisado, mas ok.

Ang pagnenegosyo ay may halong hirap at saya. ‘Wag kang tututok lang sa hirap kundi sa saya na dulot nito dahil ngayon, ikaw na ang boss!

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negosentro.com kung may mga katanungan.

(Visited 3,421 times, 1 visits today)