technopreneur entrepreneur covid

Paano Maging Entrepreneur sa Panahon ng Covid 19

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Sa panahon ng pandemya, puwede ka pa ba maging isang entrepreneur o maging isang negosyante? Kasi nga sa dami ng pino-problema, parang nahihirapan ka na mag isip nang maaayos. Kahit saan ka tumingin sa social media, puro negatibo naman ang nababasa mo at di ka na magkaroon ng inspirasyon. Ganyan ba ang nararamdaman mo?

Alam mo, ka-negosyo, nasa perspekitbo lang lahat yan.

Siguro, wag na natin isantabi ang tunay na nagaganap. Harapin natin na ang pinagdadaanan natin na pandemya ay nandyan. Isang kalabang di makita. Marami na din ang namamatay sa buong mundo. Pero teka, nasaan ang inspirasyon ng pagnenegosyo dito?

Ang sa akin ay simple lamang. May oportunidad sa krisis.

O siya, tara na at matuto. Tara na!

#1 Harapin ang Katotohanan

OK, so nasa krisis tayo ng pandemya. Bukod sa bawal magbukas ng bagong negosyo na may kinalaman sa pakikipagsalamuha sa maraing tao. Kung ang pagkakaroon ng maraming mamimili ang konsepto ng pagkakaroon ng negosyo, paano na lang tayo niyan?

Pero di ba, puwede ka namang magkanegosyo online, halambawa?

Kaya naman kung alam mo ang puwede at hindi puwedeng gawin bilang isang mamimili, alam mo na kung ano’ng negosyo ang puwedeng itayo o hindi.

Alamin mo at magsaliksik din kung hanggang kelang ng aba talaga ang lockdown sa lugar na kung nasaan ka. Gaya ngayon, di buong Luzon ang magiging ekstensyon ng ECQ mula Mayo a-uno.  Kung gayon, dito palang ang katotohanan ng lockdown depende sa lugar ay dapat mong pagtuunan ng pansin.

At kung ikaw naman ay nasa lockdown, alam mon a din ang iyong mga limitasyon. Ito ang gawin mong basehan ng negosyong nais itayo.

#2 Ibahin ang Pananaw patungo sa Pagiging Positibo

Magulo na nga, makikigulo ka pa? Yan ang isang pananaw na tila angkop sa panahon ngayon. Kasi kung makikisawsaw ka sa problema, pati ikaw mamomoblema na din.

Ang tamang pananaw ay ang may kinalaman sa tinatawag kong “Slingshot Principle.” Ang isang slingshot – o tirador sa Tagalog – ay sadyang kailangan mong higitin ang pagkakahila bago ito bitiwan para lumipad ang batong nakapaloob dito.

Sa bawat matinding krisis na pandaigdig, nakapaloob dito ang iba’t ibang oportunidad. Kailangan nga lang mag-desisyon ka kung ikaw ang batong papaimbulog o ikaw ang tatamaan ng bato.

Ano ang ibig kong sabihin dito? Simple lang. Kapag nakakuha ka ng tamang tiyempo at nakakita ka ng oportunidad sa pagnenegosyo, tiyak na ikaw ang makikinabang nang husto dito.

Isang halimbawa ay ang pagkuha naming ng kontrata sa paggawa ng mga testing booths ng DOST na tinatawag na Specimen Collection Booth o SCB. Di bas a panahon ng Covid 19 lang naman naming ito magagawa? Dahil sa ang teknolohiyang nakapaloob dito ay galing sa kumpanya naming (FAME Inc.), kami ang nakakuha ng oportunidad na kumite dito. May isa pa nga akong kilala na body bags ang kinukuha sa kanya sa panahong ito. Mukhang kakalungkot kung titingnan mo, di ba? Pero sa perspektibong entrepreneur, pagkakaitaan ito!

Gayundin ang naging oportuniad ng isang kaibigan na nakapagbenta sa amin ng libu-libong piraso ng Vitamin C. At ginamit naman naming itong pambigay sa mga kapus-palad.

Kaya naman ka-negosyo, pagsaliksikan mong Mabuti ang mga maaaring oportunidad na makukuha mong pagkakitaan ngayong panahon ng pandemya. Marami yan!

#3 Gumalaw nang Naayon sa Pakiramdam

Naniniwala man ako sa kombinasyon ng siyensiya, pakiramdam at sining, para sa akin sa mga panahong ito na di kasiguraduhan at pag-aagam-agam, mas ok gamitin muna ang pakiramdam o instinct sa pag-iisip ng manenegosyo ngayon. Kasi nga, bago ito sa ating lahat. At dahil walang nakakaalam talaga ng gagawin, mas mabuti pang pakiramdam na lang ang gamitin upang mag negosyo.

Halimbawa, naisip kong kausapin ang isang kaibigan ko sa Bulacan sa pagbabakasakaling may kilala siya na nag-susuplay ng alcohol para maibenta naming sa aming kooperatiba. Sa pag-uusisa ko, nabanggit niya na gumagawa sila ng mga reusable na mask.

At dahil nagsisimula pa lang noon ang ECQ, naisip ko magkakaroon ng shortage o pagkukulang ng mga disposable na mask kaya magandang oportunidad ang reusable mask na nilalabhan lang pagkagamit. Ayun, umangat kaagad ang bentahan naming nito. Tamang kutob sa tamang tao. Isang pakiramdam ang naging susi sa naging negosyo naming sa kooperatiba.

Ikaw, ano ang kutob mo sa isang maaaring maging negosyo?

#4 Mag-eksperimento o Sumubok bago Sumabak

Kahit sinabi kong “Trust your Instincts,” di ibig sabihin ay puro pakiramdam na lang ang gagamitin mo. Malaking bagay kasi ang pag subok muna bago sumabak.

Sa kasalukuyan, gumagawa kami ng ikalawang prototype ng aming proyektong may kinalaman sa  ventilator. Ito ang tinatawag naming Ruwah – ang ang ibig sabihin sa mga Ebreo ay “hininga ng Diyos.” Ngunit sa totoo lang, isa itong mechanical ambu bag.

Nagsaliksik muna kami ng iba’t ibang disenyo bago namin nagawa ang una naming produkto. Sa isang website ng MIT (Massachusetts Institute of Technology) namin nakita ang isang disenyo ng ventilator na akma sa Pilipinas. Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na kami sa mga ospital at sa eksperto sa paggawa nito mula sa DOST at DOH. Ang pagpapalaganap ng aming mga kaisipan sa pamamagitan ng pagsasaliksik ang nagtulak sa aming gumawa ng Ruwah. Malapit na naming matapos ito. Ang susunod, sasabak na kami sa pagnenegosyo nito.

Konklusyon

Maraming bagong pagkakataon ngayon na iyong di dapat sayangin. Ang mahalaga ay mauna ka sa isang negosyo na sa tingin mo ay aakma sa “new normal.” Sobrang dami ng mga bagong negosyo ang magsusulputan tiyak pagkatapos ng ECQ. Dahil sabi ng mga eksperto, hangga’t wala pang natutuklasang bakuna sa Covid-19, tuloy pa rin ang tulad ng social distancing, pagusot ng mask, paggamit ng alcohol at marami pang iba. Magbabago na sigurado ang pangangailangan ng mga tao.

Ang tanong, handa ka na bang maging entrepreneur sa panahong ito?

Tandaan, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negosentro.com kung may mga katanungan.

 

Image Credit

Entrepreneur

5 Katangian ng Matagumpay na Entrepreneur para sa 2020

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Maraming nais maging entrepreneur o negosyante. Pero iilan lang naman ang nagiging matagumpay. Meron kasing mga natatanging katangian ang mga entrepreneur na nagtatagumpay. Kahit paano, nagbabago din ito ayon sa panahon.

Ang tanong, meron ka kaya ng mga katangiang ito?

Kung nais mong magtagumpay sa 2020 bilang isang bago man o matagal-tagal na entrepreneur, narito ang ilang bagay na dapat ay meron ka. Tara na!

#1 Matinding magplano at maghanda

Maraming entrepreneur ang di nagtatagumpay sa kanilang napiling negosyo dahil na rin sa kakulangan sa preparasyon. Kung akala mo kasi ay ganun-ganun lang ang pagnenegosyo, nagkakamali ka. Kung akala mo din ay dahil naging matagumpay ka sa isang negosyo, magtatagumpay ka na sa susunod mong negosyo. Maling-mali po ito.

Ang mga matagumpay na negosyante ay alam na kailangan ng masusing pag-aaral at paghahanda ang anumang Gawain. Kung palpak kang magplano, palpak ang resulta nito.

Ang entrepreneur na maayos magplano ay madetalye at masinop. Ang pagsiyasat sa mga bagay-bagay gaya ng lokasyon ng tindahan, ang pagbibilang ng trapiko (mga kostumer), ang pag-tsek sa kumpetisyon at ang pagsasaayos ng produkto at serbisyo ay ilan lang sa mga gawain na kasama sa maayos na pagplano.

Ang tip ko ay simple. Kung naisip mo ito na maaaring mangyari, malamang, mangyayari nga ito. Kaya dapat paghandaan. Ilang negosyo na ang aking nakitang bumagsak sa simpleng kakulangan ng pagkuha ng insurance. Meron ding mga negosyong bumagsak nang di napaghandaan ang kamatayan ng isang partner. Isipin mo na ang lahat ng puwedeng mangyari. Paghandaan ang lahat ng ito.

#2 Mahaba ang pasensya

Kung sa tingin mo ay dapat lagging nagmamadali ang isang mahusay na entrepreneur, mali ka dun. Ang konteksto ng pagmamadali ay ang paglabas ng isang produkto o serbisyo nang mas mabilis kesa sa kalaban. O kaya ay ang paghahanda para sa tamang timing, na siya ding may kinalaman sa pagiging mahaba ang pasensiya.

Tandaan mo na ang bawat bagay ay pinag-iisipan nang maigi. Lalu na kung may kinalaman sa pagtuturo sa mga tauhan, sa pagkuha ng kapartner, sa pagiging masinsin sa kalidad at iba pa.

Kung ikaw ay nagpaplano o naghahanda para sa iyong negosyo, katuwang nito ang pagiging mapasensiya.

#3 Matindi ang pokus

Ang karamihan ng mga negosyong di nagtagumpay ay may kinalaman sa sabog-sabog na implementasyon ng mga napagplanuhan at gawain. May kinalaman din ito sa kawalan ng pokus ng lider at ng mga tauhan kung saan paiba-iba ang ginagawa.

Ako ay may tinatawag na ADHD kung saan hirap akong mag-pokus sa iisang gawain. Mabilis kasi akong magambala (ma-distract). Kinailangan kong madisiplina at masanay ang aking sarili sap ag-pokus para magtagumpay ako sa aking negosyo. Kapag binabalikan ko ang mga negosyo kong di nagtagumpay, nakikita ko ang aking sarili na di nakapagpokus sa iisang produkto, serbisyo o hangarin.

Kaya naman ang ginawa ko, kumuha ako ng mga kapartner or tauhan na mas may pokus kesa sa akin. Yun ang naging susi para magtagumpay ako.

#4 May motibasyon at puwersa sa sarili

Kung ikaw mismo na bilang lider sa isang negosyo ay nawawalang ng bilib sa iyong gawain at sa sarili, sigurado na ang pagbagsak mo. Ganyan kahalaga ang pagkakaroon ng motibasyon at sariling puwersa para maisakatuparan ang lahat ng dapat gawin upang magtagumpay.

Paano mo maibabangon ang sarili mo sa araw-araw? Tanugin mo ang sarili mo kung bakit mo ito ginagawa. Hanapin mo ang mga rason kung bakit kailangan mong magtagumpay. Yan mismo ang babangon sa iyong sarili at magiging motibasyon mong lumagay sa tamang pag-iisip.

Madalas kong sabihin sa mga taong mine-mentor ko na ang tunay na kalaban nila ay ang kanilang sarili – wala nang iba. Ang tunay na multo o takot ay yung nasa kanilang pag-iisip lamang.

Kung ikaw ay babagsak, matuto kang bumangon agad. Huwag mong iisipin kung ano ang iisipin nang ibang tao. Ang sarili mo ang iyong dapat itaguyod.

Tandaan mon a lanahat ng entrepreneur ay may kinakaharap na takot at kakulangan sa motibasyon sa araw-araw. Ang tanong, sino ang umuungos dahil sa paghatak niya sa kanyang sarili. Bangon!

#5 May lubos na integridad

Madalas lumabas ang salitang “integridad” sa aking mga pitak. Bakit nga hindi? Ang kahit na sinong entrepreneur na matindi ang integridad ay siyang umuungos at nagtatagumpay. Sa dulo, ang taong pinagkakatiwalaan ay nabibiyayaan.

Maging bukas ang pananaw mo sa pagiging matapat sa lahat ng bagay. Maging ito ay sa iyong tauhan, kostumer, kapartner, at lalu na sa iyong sarili.

Pagtatapos

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang di para sa lahat. Di ito para sa mahina ang loob at kulang ang tiwala sa sarili.

Lagi kang magkaroon ng kompiyansa sa sariling kakayahan at mag-aral pa sa mga kakulangan.  Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng bagay.

Buong tapang mong harapin ang bukas. Ipagpatuloy ang positibong pananaw at kilalanin ang kakayahan mong lumago. Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com