ni Homer Nievera, CDE, CVM | Ang pagnenegosyo sa panahon ngayon kumpara sa dati ay sadyang Malaki na ang ipinagkaiba. Dahil sa Internet, social media at iba pang dala ng teknolohiya ay mas nagging mdali sa mga maliit na negosyante o startup na negosyo ang lumaban sa malalaking kumpanya.

Kaya naman sa pagnenegosyo, kailangang mai-angat agad ang estado ng iyong pangalan – ikaw bilang may-ari at ang pangalan mismo ng iyong negosyo o mga produkto. Dahil na din ito sa dami ng kumpetisyon na kumakain ng parehong merkado at teritoryo mo. Paano nga ito gagawin?

#1 Paangatin ang Serbisyo sa Kostumer

Ang loyalty ng isang kostumer ay lubhang mahalaga. May kasabihan na mahigit sampung beses ang halaga ng pagkuha ng gusto mong bumalik na kostumer kesa kumuha ng bagong kostumer. Gayundin ang halaga ng isang masayang kostumer na ipagkakalat ang negosyo mo sa mabuting paraan. Kaya ang lagi kong sinasabi ay ang patuloy na pag-angat ng serbisyo sa kostumer. Ang masayang kostumer ay paulit-ulit na magdadala ng negosyo sa yo.

#2 Palawigin ang Edukasyon sa Kostumer

Sa larangan ng Content Marketing, ang mahalga ay ang patuloy na edukasyon ng merkado mo ukol sa mga produkto o serbisyo na iyong inilalako. Ito kasi ang madalas makalimutan ng mga negosyante. Dahil ang kostumer na maraming impormasyon sa produkto o serbisyo mo ay mas mabilis na makumbinsing bumili at bumalik sa yo. Sila na din ang nagsasabi sa ibang tao ukol sayo. Paano ito gagawin? Siguraduhing sa lahat ng maaaring lugar na magsasaliksik ang isang kostumer ay nandun ka. Gaya ng sa Yotube, Google, Social Media at iba pa. Mas mainam na ikaw ang naglabas ng impormasyon kesa sa iba nila makuha na maaari pang “fake news.”

#3 Magandang presensiya sa Social Media

Bukod sa pagkakaroon ng website, ang magandang pagsasaayos ng Linkedin at Facebook page ng inyong kumpanya ay isa din sa pangunahing tinitingnan ng mga kostumer. Kung maayos ang pagkakagawa ng mga ito at madaling mainitindihan, isang puntos na ito sa inyo. Kung marami ding nangyayari na nakapaskil sa mga pages na ito, mas naaakit sila sa negosyo niyo. Kung may mga company events at promo kayo, ilagay ito sa FB at Linkedin niyo. Impormasyon ito na mabilis makakarating sa merkado.

#4 Ibigay ang hinihingi ng merkado

Kahit ano’ng mga produkto o serbisyo ang inilalabas mo at di naman ito ang hinihingi ng mga kostumer mo, bale wala lang ang lahat. Kaya laging humingi ng feedback mula sa mga kostumer. Makinig sa kanilang mga sinasabi at alamin ang pulso ng merkado.

#5 Ayusin ang mga mali

Ang bawat negosyo ay may pagkakamali sa maraming aspeto. Kung anu-ano man ito, aminin at ayusin. Yan ang sikreto ng tunay na pagnenegosyo. Kung di ka sensitibo sa mga kostumer mo, mabilis silang lilipat. Gaya ng sa mga online marketplaces tulad ng Lazada at Shopee kung saan may mga reviews at recommendations. Kung di agad natutugunan ang mga reklamo o mungkahi ng mga kostumer, lilipat lang sila sa mga mas sensitibo sa kahilingan nila. Ang Kostumer ay Hari – yan ang dapat tandaan.

Si Homer Nievera ay isang digital evangelist at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com.

(Visited 4,682 times, 1 visits today)