Paano Isalba ang Negosyo Mo sa Panahon ng Lockdown at Pandemya | ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Kumusta ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan. Gaya nang huling pitak ko, kung saan ko nabanggit ang paglobo ng mga kaso ng tinamaan ng Covid 19 lalu na sa sentro nito sa NCR at katabing mga bayan, tila bumalik na naman tayo sa panahong Marso 2020. Ngunit mas kakaiba ang sitwasyon ngayon kasi dapat, kahit paano ay nakapaghanda na ang maraming negosyante.

Pero paano kung hindi nakapaghanda, sa maraming kadahilanan? Paano mo ngayon isasalba ang Negosyo mon a tila ngayon pa lang sana poporma sa pagbangon?

Babalikan natin ang ilang paraan upang mapalawig ang iyong negosyo at kahit paano’y manatili itong nakalutang at sana, umangat na din.

Kaya naman naisip kong tutukan muna sa ilang pitak ko sa mga susunod na linggo ay ang online business upang ipahiwatig na talagang ito ang paraan ng pagnenegosyo na dapat nating simulant, ipalawig, at kasanayan. Matapos man o hindi antg pandemya sa madaling panahon, ang mahalaga ay masagot muna ang pagsalba ng negosyo sa pangkalahatan.

O, ano, tara na at matuto!

#1 Ipihit agad ang pisikal na operasyon

Sa huling pitak ko ay aking nabanggit ang pagkakaroon ng pagbabago sa iyong mga gawain o operasyon. Malaking bahagi dito ang remote work o work-from-home (WFH). Kung meron kang pabrika o anumang parte ng operasyon na may produksiyon na kailangan ng pisikal na trabahador, ang pagpapanatili nito sa ligtas na paraan ay dapat isakatuparan.

Sa pagkakaroon ng WFH para sa mga tauhang di naman ganap na kailangan sa opisina o lugar ng operasyon, mainam na bigyan sila ng lahat ng kailangan upang makapagtrabaho.

Sa aking negosyo, lahat kasi ay WFH na mula pa 2018 kaya madali kaming nakapag-ayos ng operasyon namin. Anu-ano ba ang mga ginawa naming upang makasanayan ng mga tao ang WFH?

Nariyan ang tulad ng laptop o mismong PC na kanilang gagamitin. Pinauwi ko kasi ang lahat ng puede nilang gamitin. Meron na din silang wi-fi. Yung dalawang bagay lang nay un pa lang ay importante, di ba? Samahan pa ng cloud-based na mga koneksyon sa tinatawag na workspace apps o software gaya ng Slack kung saan madaling makipagugnayan sa mga tao sa kahit ilan pang proyekto online. Kung di mo pa alam ang mga ito, umpisahan sa Facebook messenger at Facebook workplace.

Tandaan lang na meron pa ding kinakaharap ang mga naka WFH. Kasama dito ang ilang isyu sa mental health, motibasyon, at iba’t ibang distraksyon na maaari nilang nakakasalamuha araw-araw bilang work from home. Itong mga isyung ito ang dapat mong isaalang-alang muna. Paganahin mo na ang mga Telemedcine apps gaya ng ng KonsultaMD kung saan puede na silang kumonsulta sa mga duktor online. Mura lang ang mga ‘to. Bigyan o ipagpatuloy ang anumang benepisyong pangkalusugan dahil ang tao ang pinakamahalang asset ng kumpanya.

Dun naman sa mga taong pisikal na nasa opisina o pabrika, panatilihin ang lahat ng health protocols na itinatatakda ng LGU.

Tandaan na ang WFH ang pinaka ligtas na paraan dahil sa pananatili sa kanya-kanyang bahay ng mga empleyadong nag-oopisina dati. Isa pa, mas nakakatipid sa bayad ng renta, kuryente at iba, bukod sa natitipid din ng mga empleyado sa pera at panahon na nasa kalsada sila.

Sa harap naman ng mga kostumer, ang pakikipagsalamuha sa kanila ay pumipihit na papuntang online at mobile lahat. Yan naman ang dapat mong pagtuunan ng panahon at pansin.

#2 Halaga ng teknolohiya sa pagnenegosyo ngayon

Ilang beses ko nang nabanggit ang kahalagahan ng teknolohiya sa kasalukuyang panahon. Lalu na’t mababawasan ka ng tao dahil sa pagbaba ng operasyon at kita mo. Yan ang reyalidad natin.

Nabanggit ko na ang halaga ng isang website nang ilang ulit na sa mga nakaraang pitak ko. Ang pinakamahalagang dapat na tandaan ay ang website ang bagay na tunay mong pag-aari online.

Dahil na din sa di mo nga p ag-aari ang Facebook at iba pang social media na plataporma at Google, di ba? Kaya naman mahalagang lang updated ang website mo.

Bukod dito, ang mga cloud-based tools na puede mong magamit upang lumiit ang oras mo sa paggawa ng maraming gawain. Nariyan ang iba’t-ibang apps at software para sa accounting, HR, payroll, time check at iba pang mga gawaing administrasyon. Sa larangan naman ng sales at marketing, merong mga tinatawag na CRM kung saan makokonek mo ang pagrekord ng mga gawain mula sa marketing, sales at pag-compute ng kita. Ganun na talaga ngayon ang mga ginagamit.

Sa ganang akin, halimbawa, simpleng social media scheduler lamang ay napakahalaga na sa amin dahil ang mga posts namin sa social media ay automated na.

Ang aspeto naman ng marketing sa online negosyo ay malawak. Kaya dapat mong pahalagahan ang mga social media at content marketing kung saan ito ang mga istratehiyang dapat mong matutunan at mapalawak ang kaalaman.

Ang kahalagahan ng mga tools na pang-komunikasyon ay tutukan mo din. Mahalaga pa rin ang face-to-face na pakikipag-ugnayan sa mga kostumer at tauhan kaya ang mga tulad ng Zoom o Google Meet ay mahalga.

Isang mahalgang aspeto ng paggamit ng teknolohiya ngayon ay ang cybersecurity. Dahil nga ang mga kostumer ay dadaan na sa website mo, andun ang kanilang mga datos at bayad. Kaya dapat maayos ang seguridad mo dito.

Kaya naman, kung anuman ang dapat mong isalin sa teknolohiya, gawin mo na agad.

#3 Pokus sa inobasyon

Iba na ang mundo ngayon ng pagnenegosyo. Bumilis ang tinatawag na Digital Transformation dahil sa pandemya. Huwag ka nang mag-atubiling iangat ang antas ng pagnenegosyo mula sa tradisyunal mong mga nakagisnan.

Una, mahalagang makilala ka sa larangang digital, di ba? Dito kasi nagkikita-kita ang mga kostumer o potensiyal mong mga kostumer. Kaya kung papahalagahan mo ang digital marketing ng kabuuan, makaka-ungos ka. Lahat ng inobasyon sa larangan ito ay dapat mon ang isaalang-alang.

Halimbawa, ang branding o searchability ng site mo ay dapat kasama sa istratehiya mo. Sa totoo lang, kung nasa merkado na ang mga produkto mo, unahin mo na agad na searchable ka. Ibig sabihin kasi, nagawa mo na ang branding mo bago ka nag-launch, di ba? Pero kung nag-rebranding ka naman, kailangan pa din na di ka mawawala sa paningin ng mga kostumer. Tamang balanse lang ang gagawin at huwag puro social media ang gagawin mo.

Kung nakapagsimula ka na sa mga online marketplaces gaya ng Lazada at Shopee, angat ka na sa ecommerce sa sariling website mo. Sa totoo lang, merong mga ordering system na puedeng ikabit din sa Facebook page mo. Basta’t huwag mo ding kakalimutan ang pagtuon sa customer service dahil pagkatapos mong mahuli ang kostumer, dapat mo naman silang alagaang mabuti, ok?

Maraming uri pa ng inobasyon ang puede mong gawin na di na kayang talakayion sa isang pitak lamang. Ikaw din mismo ang makakaisip nito. Magsaliksik ka lang kung ano ang gumagana sa ibang bansa at sa ibang industriya na maaari mong magamit sa negosyo mo ngayon.

Konklusyon

Malaki pa ang dapat nating talakayin ukol dito ngunit mauubos naman ang espasyo natin.Kaya naman sa mga susunod na pitak ko na lang uli bibisitahin ang mga tatalakain natin.

Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makakaranas ng pagsubok. Tuloy lang!

Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa chief@negosentro.com.

(Visited 59 times, 1 visits today)