Homer Nievera, CDE, CCM | Sa larangan ng negosyo, ang pagiging una sa lahat ng bagay ay mahalaga para sa isang negosyante. Kahit anumang industriya at gaano man kalaki ang iyong negosyo, ang nasa unahan ay lamang sa maraming bagay.

Yun lang, dahil may kakumpitensiya ka, lagi kang nag-iisip ng paraan para di malamangan. Paano nga ba ito gagawin?

#1 Pabonggahin ang iyong brand

Para umangat ka sa iba, iangat ang iyong brand. Ang pagkakakilala sa iyo bilang sikat o kilalang brand ay makakatulong ng malaki sa pamamayagpag ng iyong negosyo. Malaking bagay din na maging kilala ka bilang CEO o may-ari ng negosyo.

#2 Gumamit ng mga makabagong paraan ng marketing

Sa kasalukuyan, dalawang makabagong paraan sa marketing ay ang mobile (apps at ads) at paggamit ng video. Maari mong gamitin ang ganitong paraan upang mangibabaw sa iba. Ang paggamit din ng AI – artificial intelligence – ay maaari mo din ikunsidera. Kung ano ang mga bagong paraan ng marketing, pag-aaralan kung aayon sa iyo at paghandaan.

#3 Protektahan ang iyong Intellectual Property (o IP)

May mga negosyong may mga produktong orihinal ang pagkakagawa o imbensyong kailangang maproteksyunan sa mga manggagaya. Kung may ganoon kang produlto, ang pag-rehistro ng iyong IP (patent o copyright) ay mahalaga para sa mga tulad mo. Malaking bagay ito ngunit tandaan na di ka pa rin nakasisiguro kung sa ibang bansa ito gagayahin. Kaya ang importante ay patuloy mong palawigin ang inobasyon. Tandaan din na mas mahalaga ang unang nag-market kesa unang nag-patent kung branding at market leadership ang pinag-uusapan.

#4 Palakasin ang iyong brand sa Internet

Dahil na din sa Internet, maraming paraan na libre o murang halaga para mapaangat ang iyong brand. Ang unang tinitingnan ng mga tao tungkol sa iyong pangalan ay ang Internet. Dito kakailanganin ang tulong ng SEO – Search Engine Optimization – kung saan matutulungang umangat sa search results ng Google ang iyong brand o kumpanya. Gamitin ang social media bilang panimulang estratehiya.

Anuman ang iyong negosyo, laging isipin na di ka nag-iisa. Wala kang monopolya sa ideya kaya’t siguradong may magiging kalaban ka sa negosyo. Ang mahalaga, gawing masinsin ang pag-target mo ng merkado para mas lumiit ang tsansa na may makalaban kang bigatin.

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

(Visited 128 times, 1 visits today)