Sa aking mahigit na 20 taon ng pagtatrabaho at 10 taon ng pagnenegosyo, may mga ilang kapitan ng iba’t ibang industriya ang aking naging boss. Ibabahagi ko sa inyo ang ilang natutunan ko sa kanilanna nagagamit ko sa.aking mga negosyo.
#1 Profit with Honor (Andres Soriano III, San Miguel Corp.)
Maliit pa ako ay nagtatrabaho sa Magnolia ang aking ama. Isinasama noya ako noon sa planta ng Ice Cream ng Magnolia na siyang pag-aari din ng San Miguel (SMC) ng pamilyang Soriano noon. Isang araw Linggo, sumama ako sa tatay ko sa opisina niya. Nakita ko ang litrato ng Andres Soriano, Sr. sa isang sulok ng opisina na may nakasulat na katagang, “Profit with Honor.”
Dun ko unang inisip ang ibig sabihin ng mga katagang iyon.
Nang ako’y maging unang Media Head ng Magnolia ilang taon ang lumipas, bumalik sa akin ang mga katagang iyon. Nakita ko mismo kung gaano kahalaga ang kalagayan ng mga tao sa mga Soriano. Alaga sa benepisyo. Gayundin ang pag-alaga sa kalidad ng mga produkto. Yun pala ang ibig sabihin ng Profit with Honor. Dapat kumita ang kumpanya nang walang bahid. Gayundin sa pagnenegosyo natin, malaki man o maliit.
#2 Alagaan ang Shareholders at Stakeholders (Eugenio Lopez, Jr., ABS-CBN)
Ilang beses kong nakita nang personal kung paano mag board meeting ang ABS-CBN sa panahon ni “Kapitan” Eugenio Lopez, Jr. Sa lahat ng mga meeting na iyon, lagi kong naririnig na dapat wasto ang pagbibigay ng kita sa mga shareholders ng kumpanya. Pangalagaan dapat ang mga kostumer.
Simple, di ba? Pero madalas, nakakalimutan na ito ng mga negosyante. Kaya pala maunlad ang mga negosyo ng pamilya Lopez. Alam nila kung sino dapat ang inaalagaan nila sa pagnenegosyo.
#3 Simplehan ang Konsepto ng Marketing (Johnson Go, JG Summit)
Ang pinakahuki kong trabaho sa corporate world ay bilang head ng Marketing Communications ng Digital na pag-aari mg JG Summit Group ng mga Gokongwei. Boss ko noon ang kapatid ni John Gokongwei na si Mr. Johnson.
Nung minsang may promo akong pinapa approve sa kanya, pinapunta niya ako sa opisina niya sa head office. Doon, ipinaliwanag niya sa akin kung paano mag isip sa larangan ng promotions ang mga Gokongwei. Sabi ni Mr. Johnson sa akin noon na sila daw, kapag kinabitan nila ng kendi ang kape, bebenta na daw yun bilang simpleng promotion. Sila din kasi ang may ari ng Blend 45.
Dahil dun, simple na ang tingin ko marketing. Mas naging matibay ang pundasyon ko na sa malaki man o maliit na kumpanya, di dapat maging magarbo ang marketing. Bebenta din naman pala kahit kendi lang ibigay mo.
Ikaw, may mga boss o naging boss ka bang may matututunan kang puedemg magamit sa pagnenegosyo mo? Kumuha ka ng mentor o halimbawa na may matutunan ka at tiyak na magtatagumpay ka.

Si Homer Nievera ay isang serial technopreneur. Kung may katanungan, mag email sa kanya sa chief@negosentro.com.

(Visited 3,464 times, 1 visits today)