Homer Nievera, CDE, CCM | Ang isang episyenteng operasyon ng negosyo ay pangarap ng bawat negsoyante. Ito ay kung saan ginagawa ng bawat empleyado ng maayos at masinop ang kanyang gawain. Dito, walang nasasayang na oras at bagay-bagay sa pagbuo ng mga produkto. Dito, malinis ang kapaligirang pinagtatrabahuhan at walang nasasayang na kahit na ano  habang naisasakatuparan ang kalidad ng produkto.

Paano ito masasakatuparan?

#1 Paglilinis

Ang kalinisan ng kapaligiran at lugar na pinagtatrabahuhan ay pangunahing gawain para umayos ang pagpapatakbo ng isang negosyo. Ang paglilinis ng kapaligiran ay sa pamamagitan ng masinop at malalim na paglilinis. Hindinlamang sa pagtatapon ng mga di na kailangang bagay nag-uumpisa ang paglilinis. Dapat, sa lahat ng aspeto ng negosyo, kasama na ang pagtatapon at pag-alis ng mga lumang files sa kompyuter. Siguraduhing malinis din ang mga makinaryang ginagamit, kung meron.

Ang malinis na pinagtatrabahuhan ay nagdudulot ng magandang awra sa opisina at makakatulong pa sa kalusugan.

#2 Pag-organisa

Di lamang kalinisan ang dapat isakatuparan sa iyong negosyo. Kasama na dito ang pagsasaayos ng mga gawain o workflow ng mga tauhan. Ipatupad ang mas maayos at organisadong lugar na pinagtatrabahuhan para maging episyente ang paggawa ng mga empleyado. Dapat madaling hanapin ang mga bagay-bagay sa opisina.

Isaayos na din ang mga files at datos na maaring di mo pa talaga napagtuunan ng pansin. Malaking katipiran ang matatamo sa maraming bagay kung episyente ang iyong mga datos na maaari mong i-analisa.

#3 Maintenance at upgrade

Siguradong makikita mo ang maraming bagay na dapat mo ng i-upgrade o ayusin ang pag-meyntena (maintenance) sa paglilinis at pagsasaayos ng mga bagay-bagay sa opisina. Gawin ang nararapat. Ito na ang pagkakataon mo para baguhin ang sistema o mas pabilisin pa ito.

Mahalaga ding tingnan nab aka kailangan nang training ang mga tao mo kung nabago na ang mga Sistema sa opisina o industriya matapos ang ilang panahon.

Ang pagiging big boss ay di simple. Pero marahil, ang tatlong simpleng bagay na aking naisulat ay makakatulong sa panibagong simula sa negosyo mo.

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com.

(Visited 285 times, 1 visits today)