3 Bagay Para Masigurong Mapapansin ang Brand Mo sa Digital Media | ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | Kumusta mga ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti naman kayong kalagayan! Ngayong nagbukas na naman nang bahagya ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng mas maluwag na panuntunan ng IATF, mas sisigla na dapat ang ating merkado.

Pero siyempre, dahil lahat ng nagnenegosyo ay pare-pareho naman ang ekspektasyon sa pagpapasigla ng ekonomiya, kanya-kanyang gimik naman ang ginagawa ng mga negosyante. Ang tanong, makakasabay ka ba?

O mas magandang tanungin sa sarili mo ay makaka-angat ka bas a kanila? Tandaan mo na ang brand mo ay mahalagang palawigin sa mga pagkakataong ito habang di pa lahat lubos nakakabangon.

Ang unang tanong ko sa mga kliyente ko sa aming Mediablast Digtital na kumpanya, ay kung may nakakakilala ba sa brand niya? Kasi ang unang hakbang upang makapagbenta ka ay ang magpakilala. Para makilala ka, dapat siyempre, may presensya ka di ba?

Kaya naman sa panahong ito, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na pagpapakilala ng brand mo sa mga kostumer mo. Maaaring ito ay magsisimula sa social media dahil nasa ekonomiyang digital na tayo. Lalu na sa pagpasok ng pandemya, kung saan mas pinapahalagahan ang presensa mo sa iba’t ibang uri ng digital na plataporma.

Ano’ng dapat gawin? O, tara na at matuto sa pitak na ito!

#1 Mas paigtingin ang SEO ng Website

Sa panahong ito rin, kung ang balak mo naman ay makaungos habang tila tulog ang ibang negosyo, ang paggamit ng digital marketing ang siya mong maaasahan, di ba? Ang pangunahing gawain sa mga bagay na ito ay siyempre, dapat meron kang sarili mong website. Pag-nagtype kasi sa Google ang mga tao, saan kaya sila mapupunta – sa website mob a o sa kalaban?

Ang paggamit ng SEO – o search engine optimization ay kritikal upang mapapunta man lang sa unang pahina ng Google ang kanilang paghahanap.

Noong Marsong pitak ko, ito ang mga sinabi kong mahahalagang bagay na dapat tutukan sa SEO mo:

Una, ang tinatawag na Featured Snippet.  Ang bagong ginawa ng Google sa larangang ito ay ang pagpapadali ng search sa mga keywords at naka-highlight na ito sa pamamagitan ng mga Featured Snippet. Subukan mong hanapin at i-type ang keywords na “digital transformation specialist Philippines” at makikita mo ang Featured Snippet ng taong ito (ako yun!). Ikaw na ang humusga. Ang halaga ng trend na ito ay kung ikaw ang napunta sa Featured Snippet na ito, ikaw ay nasa tinatawag na “Position Zero” kung saan ikaw ang makakauha ng pinakamaraming traffic, leads at benta.

Ikalawa ay Predictive Search. Sa dalawang salitang ito mo makukuha ang pinatutungkulan ko – Hulaang Paghahanap. Ito man ay literal kong hinanap ang pagsalin sa Google, swak naman ang ibig sabihin nito.

Dahil magiging kalakaran na kasi ito, kailangan mong maintindihan na ang ibig sabihin nito ay nahuhulaan na ng Google kung ano ang mga kaparehong keywords na i-ta-type mo sana. Kaya ito na mismo ay kanyang iminumungkahi bilang suggested keywords. Dahil dito, kung ikaw ay nasa larangan ng paggawa ng SEO ng iyong brand o produkto, kailangan mo na ding pag-isipan kung paano mo makukuha ang mga iminungkahing keywords ni Google.

Ikatlo naman ay ang Local Search. Di man ito ganun kabago sa Google, ang trend na ito ay mas lalong magiging mahalga sa 2021 at sa mga susunod pang taon. Ano ba ang local search? Ito ay ang pag-suggest ni Google ng mga bagay na makukuha, mabibili o mapupuntahan na malapit sa lokasyon mo.

Halimbawa, ang Chinese restaurant mo ay nasa Makati. Di ba dapat kung mag search sila ng Chinese food o Chinese restaurant sa Makati, lalabas yung sa ‘yo? Ganun kasimple dapat.

Saliksikin mo ang Google My Business kung saan dapat mailista mo ang address ng iyong negosyo upang mas madali ka nilang makita.

Ikalima naman ay angPage Experience Update ng Google nitong Mayo kung saan mas magpapagaganda ng ekspiriyensya ng gumagamit ng serbisyo nila. Sa dulo kasi, kung maayos ang ekspiriyensya ng isang searcher sa Google, mas dadami ang gagamit nito. Ibig sabihin nito, isasama na ng Google ang bilis nap ag-load ng website mo, ang pagsasaayos nitong makita sa mobile devices, ang pagkakaroon ng seguridad gaya ng HTTPS, pag-alis ng mga pop-up ads, at iba pa.


#2 Pagtibayin ang social media

Ang social media account sa mga tulad ng Facebook at Instagram ay ang pagkakaroon ng ibayong presensya dito, lalu na kung nandito ang mga mamimili mo. Sa Facebook, mahalaga ang pagkakaroon ng business account para mai-boost ang mga posts mo. Sa halagang 50 pesos bawat boost na aabot sa halos 2,000 katao ang maabot, sulit na di ba?

Gawin mo lang na propesyunal ang pagkakagawa ng page o business account para sa imahe ng iyong negosyo. Marami din nakakalimot na merong LinkedIn na social media para sa mga propesyunal. Mas pangnegosyo ang site na ito at di basta-bastang makakakonekta sa mga narito. Iba ang mga rules na ginagamit kaya alamin mo ang mga ito.

Ang pangunahing social media platform na dapat gamitin sa Pilipinas ay ang Facebook. Ang mahigit 60 milyong katao na puwedeng maging kostumer mo, ay di biro. Kaya dapat maayos ang pundasyon nito.

Sa Facebook, may sariling 13-point checklist na ipinapakita ang mismong FB. Ilan dito ay ang paglagay ng contact number, email addres at website address ng negosyo.

Mahalaga din ang pagsasaayos ng itsura ng mga produkto mo sa social media marketplace gaya ng sa Facebook. Dapat ay maganda ang pagkakauha sa litrato man o video. Ikalawa, ay ang masinop na paglagay ng presyo at lahat ng detalye upang mabawasan ang pagtatanong ng mga kostumer. Siguraduhing malinaw ang pagkakalathala ng mga nasabing detalye lalu na ang paraan ng pag-order, pag-bayad at pag-deliber. Lagyan din ng mga hashtags ang iyong mga posts upang mas mabilis itong makita sa search.

Tandaan lang na halos 80 porsyento ng milenyal at GenZ na merkado ay sa video nahuhumaling. Ito kasi ang pinaka-epektibong paraan upang mahuli ang kostumer sa social media. Kaya namamayagpag ang live selling sa Facebook dahil sa aspetong ito.

Maraming uri ng video ang puwede mong gamitin. Nariyan ang gumagalaw na poster na video ang format. Merong mga online events o seminars kung saan mahabang diskusyon ang puwedeng gawin.

Kung hirap kang mag-isip ng gagawin, manood muna ng mga videos na nag-eendorso ng mga brands. Marami yan, kasama na ang mga pagsingit ng brands sa mga influencers.

Ayusin mo ang mga ito upang maging solido ang presensya mo.

 

#3 Paggamit ng Google at Facebook ads

Kung madalas ka makakita ng mga rekomendasyon sa unang tatlong baiting ng search mo sa Google na may nakalagay na “Ad” – yan na mismo ang Google Search Ads na tinatawag. Sa Facebook naman, meron ding mga ads na tinatawag.

Ang Google Ads ay ang pagbili naman ng advertising mula sa Google. Nahahati ito sa dalawa – ang Ad Words kung saan binibili ang mga keywords na pasok sa website mo; at ang display ads naman na banner ads ang binibili, nang naayon din sa keywords.

Mahalaga ang paggamit nito lalu na’t nagsisimula ka pa lang sa website mo at di pa pumapasok ang trapik mula sa itinanim mong SEO. Ang maganda dito, kung naisetup mo ang mga tools gaya ng Google Analytics, mai-sesetup mon a din ang mga bagay na magbibigay sa yo nang mas masinsin na impormasyon sa mga nais mong makuhang kostumer. Mas magmumura na din ang halaga ng mga ads mo dahil mas targeted na ang merkadong tatamaan mo.

Tulad din ng SEO, di agad-agad umeepekto ang Google Ads kung benta lang din ang aasahan mo. Kasi, ang algoritmo ng Google ay natututo pa lang sa mga settings na nailagay mo. Hayaan ng mga tatlong buwan bago maging mas episyente ang pag-target mo. Sa display ads naman, mas mainam na gumawa ng mga limang bersyon ng banner ads mo upang mas malaman mo kung ano dun ang mas epektibo.

Maaari kang magsimula sa budget na 1,000 pesos upang makita mo ang resulta ng ads mo.

Ang pinaka episyente na gawain ay ang paglagay ng URL ng website mo sa lahat ng mga posts mo upang makita ito kung ma-share ang mga posts mo. Isa pang magandang gawain ay ang pagbili ng Facebook ads o mag-boost ng mga posts mo.

Simpleng argumento dito ay ang pagkakaroon ng New Normal kung saan mas mahirap makipag-meeting sa mga tao. Kung gagastos ka ng 500 pesos sa meeting sa isang kilalang coffee shop, isang tao o kostumer lang ang makakasalamuha mo. Pero kung sa boosting o ads mo gugugulin yan, mga isang libo ang taong matatarget mo.

Tandaan na ang Youtube ay social media din, ngunit videos ang gamit. Pag-isipan mo ang paggamit ng platapormang ito, maging libre man o may ads.

Sa madaling salita, ang social media ay katulong mo sa promotions. Di ito ang mismong gagamiting tila website mo.

Pagtatapos

Sa panahon man ng pandemya o hindi, mahalga ang pagkakaroon ng sariling webite. Ito ang tahanan mo sa digital na mundo. Ito rin lamang ang tunay na kontrolado mo ang pagpapatakbo kaya’t ayusin ito nang maigi. Ang kaagapay ng website mo ay ang social media.

Ang dalawang ito ay nasa sentro ng pagpapaigting ng branding mo sa larangan ng digitam media. Paghandaan ang mga ito at maglaan ka ng pera sa pag-advertise mo upang maka-angat sa iba.

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang mahirap ngunit exciting. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng bagay.

Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

(Visited 9 times, 1 visits today)