ni Homer Nievera, CDE, CVM | Marahil marami sa inyong sumusubaybay sa pitak ko na OFW, dating OFW o kapamilya ng isang OFW. Pangarap natin ang makaraos at yumaman. Si David Almirol ay isang dating OFW. Probinsiyanong maituturing na tubong Isabela.

Nadestino siya sa isang malayong bansa sa Middle East at nagtrabaho sa kampo ng mga Amerikano bilang IT support. Ang mga naging boss nyang Amerikano ay nagturo sa kanya ng mga iba-ibang klase ng patungkol sa IT at ditto niya nasimulan ang mangarap na magkaroon ng sariling negosyo.

Nang makauwi na si David sa Pilipinas, di niya nakalimutan ang mga naituro sa kanya at nagsimulang unti-unting buuin ang kanyang pangarap.

Kamakailan, binili ng PLDT Group ni Manny V. Pangilinan (kilala sa MVP) ang parte ng kanyang negosyo na Multisys sa halagang 2.15 Bilyong Piso. Bilyonaryo na si David.

Paano niya ito nakamit at patuloy na nakakamit? Ito ang natutunan ko sa kanya sa pakikipag-usap at interaksyon sa kanya:

#1 Maging bukas sa kaalaman

Nang mapunta sa ibang bansa si David, di naman siya ganun kabihasa sa IT. Marunong siya, oo. Pero paano ito negosyohin, di pa niya ito kabisado. Kaya naman nang tinuturuan na siya ng mga naging boss nyang Amerikano, pilit niyang pinag-aralan ang lahat ng itinuro sa kanya. Di lamang basta kaalamang IT ang kanyang pinag-aralan kundi pati na rin ang pakikipagsalamuha sa iba’t ibang mga tao. Ang pagiging bukas ni David sa kaalaman ang naging susi para lalo siyang matuto pa.

#2 Alamin ang pangangailangan ng iba

Lahat naman ng mga tao, lalo na ang mga negosyante, ay may kanya-kanyang pangangailangan. Para sa kanila, problema ang mga ito. Ang abilidad upang malaman ang soluyon sa mga ito at maisakatuparan para sa mga nangangailangan nito ay susi sa tagumpay sa negosyo. Nalaman ko kay David na sa kanyang pagnenegosyo, madalas nyang binabasa ang balita ukol sa pangangailangan ng mga kumpanya sa larangan ng IT systems. Dahil magagaling ang mga tauhan niya, gagawin na ni David ang mga IT systems na ito habang nag-bi-bidding pa lang ang mga nais makakuha ng proyekto. Kaya naman kung sino man ang manalo sa bidding, lalapitan na ni David ito at i-offer ang nagawa na nila sa murang halaga. Siyempre, wala nang hirap ang nanalo at may negosyo na agad si David. Winner di ba?

#3 Lahat kaibigan

Si David ay pala-kaibigan sa buhay at negosyo. Di siya gumagawa ng kaaway kundi kaibigan. Ang prinsipyong ito ay makikita sa mahigit 47,000+ na payment partners ng kanyang kumpanya. Halos lahat ng kilalang kumpanya na may kinalaman sa online payments ay tinaguriang partners ni David. Mas mahalaga sa kanya na buksan ang linya ng pagsasama-sama kesa gumawa ng mga kalaban. Para kay David, lahat dapat panalo.

#4 Di Paglimot sa pinagmulan

Sa isang pagtitipong naimbitahan si David ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, ipinakilala sia ng opisyal kay Manny V. Pangilinan na pinuno ng PLDT Group. Sa kuwento mismo daw ni MVP, nagulat at natuwa siya sa buhay OFW ni David at kung paano niya naitayo at napalaki ang Multisys. Nung mga panahong iyon, di kilala ang kumpanya ngunit Malaki at malawak na pala ang sakop ng negosyo nito. Mula sa unang pagkikita nila, nabuo ang pagpasok ng PLDT Group sa Multisys at nangyari na ang bilyon-bilyong transaksyon dito.

Sa buhay nating mga Pilipino, marami mang dagok ang dumating, ay nakakatayo pa rin tayo. Wag natin isantabi ang mga karanasang ito dahil ang mga ito ang susi at gagabay para tayo magtagumpay bilang negosyante. Magsimula sa maliit. Lakihan ang pangarap. Manalig sa Diyos.

Si Homer Nievera ay isang serial technopreneur at makokontak sa chief@negosentro.com

(Visited 281 times, 1 visits today)