ni Homer Nievera, CDE | Handa ka na ba talagang magtayo ng negosyo? Napag-isipan mo na ba ang maraming bagay na kalakip ng isang startup? Maraming katanugan at marami ding puwedeng kasagutan. Narito ang ilan lamang na kritikal na bagay na dapat mong ikonsidera sa pagtatayo ng negosyo:

#1 Pasasaliksik

Kaalaman sa maraming aspeto ng iyong negosyo ang pangunahing kailangan para magtagumpay. Maaring may plano ka na. Magsaliksik ka pa lalu na patungkol sa mga makabagong ideya na maaaring makatulong sayo o maaring gagawin ng makakalaban sa negosyo.

#2 Epektibong Business Plan

May business plan ka na ba? Baka naman nasa isipan mo lang ang lahat. Dapat nakasulat ang mga ito at may ilang tao kang napag-presentan na nito na napagkakatiwalaan. Ang pagkuha ng isang mentor ay mahalaga din sa pagbuo ng epektibong plano. Sigurado ka na ba? Sapat na ba ang pondo mo? Balikan mo uli.

#3 Kilalanin ang Kostumer

Sa pagsipat ng magiging kostumer nagsisimula ang epektibong marketing plan. Siguraduhing masinsin ang pagkilala sa magiging kostumer mo. Di naman kailangang malaki ang merkado agad. Magsimula sa maliit muna. Dun tumutok at makikita mo paano pa ito papalakihin. Magsaliksik pa.

#4 Maayos na Dokumentasyon

Madalas, kulang na papeles at dokumentasyon ang nagiging sagabal sa maayos na pagnenegosyo. Sa simula pa lang, inaayos na dapat ang rehistrasyon ng lahat mula sa SEC (naku, ang bagal pa naman nila ngayon!!!), BIR at local na pamahalaan. Ayusin ang lahat ng permit na kailangan bago sumalang. Mahirap na at baka magsisi kung tumatakbo na ito.

#5 Kumpitensiya

Salahat ng pagnenegosyo ay may kumpitensiya. Nasaliksik mo na ba itong spetong ito? Alamin ang mga galaw nila at saan sila magaling at mahina. Pag nalaman mo na ito, mas maayos ang stratehiya mong magagawa.

#6 Positibong Pananaw

Kung ayus na ang lahat, sa pananaw bumabagsak ang negosyo. Ang pagkakaroon ng patuloy na positibong pananaw sa buhay at sa pagnenegosyo ay mahalaga. Maging madasalin sa Diyos dahil ang sandigan sa pananampalataya ay nakakatulong sa pananaw mo sa lahat ng bagay. Kahit ano’ng sakuna ang dumating, kakayanin mo.

O, ano, game ka na?

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

(Visited 210 times, 1 visits today)