ni Homer Nievera, CDE, CVM |  Malapit nang matapos ang taon. Malamang, kung sinusundan mo ang pitak na ito, naghahanda ka na para sa negosyo mo sa 2020.

Kung ikaw ay may startup, malamang din, naghahanap ka din ng pagkukunan ng dagdag na kapital. Madalas, sa mga imbestor ito maaaring makuha. Kaya sa pitak na ito ngayon ay magbibigay tayo ng ilang tips para maging matagumpay ang pitch mo.

Narito ang ilang mahahalagang dapat tandaan –

#1 Elevator pitch

Ang pinaka-mahalagang ma-master kung naghahanap ka ng kapital ay ang tinatawag na elevator pitch. Sa dalawang salita na ito mo malalaman kung ano ang ibig sabihin nito. Na kung ma-imagin mo na ikaw ay nakasakay sa isang elevator at may makasabay kang imbestor, ano ang kaya mong sabihin bilang iyong pitch lalo na at halos tatlong minuto lang.

Mahirap gawin ito kung isiipin dahil sa dami ng gusto mong sabihin, tila di kayang mailagay sa loob ng tatlong minute lang. Ngunit ito ang dapat mong paghandaan dahil sa karamihan ng mga pitch sa buong mundo, ang ganitong uri ang pinaka-una bago umabot sa mismong mahaba-habang presentasyon.

Bilang paghahanda, subukan mong ilagay sa limang pangungusap ang iyong presentasyon at yan ang magiging basehan ng iyong elevator pitch. Nandoon na dapat ang problema na balak mong solusyunan, paano mo ito magagawa, at kung paano ang ROI (return of investment) sa iyong imbestor. Kaya mo yan.

#2 Napkin pitch

Isa ito sa paborito kong teknik sap ag-pitch sa mga imbestor. Bakit? Sa palagay ko kasi, dito nagsisimula ang mga magagandang ideya na aking nagawa at nakapagpalago sa aking mga startup.

Literal ang depinisyon ng napkin pitch. Kung paano mo mailalarawan ang iyong ideya sa paglatag nito sa isang pirasong napkin sa isang retawran, ay ganun din ang paglarawan mo sa isang presentasyon sa pamamagitan ng limang slides sa powerpoint.

Isipin mo na lang na kasama mong kumakain sa restawran ang isang imbestor at sa isang napkin ka lang nagsulat kasama na ang diagram ng iyong pitch. Na sa loob ng limang minute ay maihatid mo ang iyong mensahe kasama na kung paano siya magkakaroon ng ROI.

#3 One-on-one, face-to-face

Ito ang isa sa pinaka-mahalagang paraan ng pag-pitch sa imbestor mo. Ang pagkakaroon ng isang one-on-one at harapang miting ay tinatawag ko ding one-time bigtime na pagkakataon. Dito kasi, maaaring as komportable ka dahil dalawa lang kayo sa miting. Meron kang halos isang oras – o minsan ay mas maiksi pa – na pagkakataong mailahad ang lahat ng nasa isip mo at nasa isang presentasyon mo.

Dito, ang tip ko ay hanggang sampung slides ka lang. Mas kokonti, mas simpleng maintindihan ng imbestor ang nais mong iparating. Dito mo na inilalahad ang paggagamitan ng perang iyong hinihingi.

Tandaan na di dahil mas mahabang oras ay mahaba din ang presentasyon. Ang paggamit ng mas mahabang oras ay para sa diskuyunan at pagkakaintindihan. Kug makapasa ka dito, halos sarado na ang deal mo.

Tandaan mo din na wala kang ibang kasama sa usapan kaya maghanda nang mabuti.

#4 Panel

Kung nakapag-presenta ka ng thesis mo sa kolehiyo sa isang panel, ganun din ito. Ang nararamdamang kaba at ang mahabang preparasyon ay dito mo magagamit. Ang kagandahan lang ay may mga kasama ka na puwedeng mag-presenta din.

Sa hanay ng imbestor, may kasamang mga espesyalista yan gaya ng finance officer at technology specialist. Depende yan sa negosyong papasukan mo, may iba’t ibang tao na maaaring kasama ng imbestor.

Tandaan din na madalas, di lang iisang kumpanya ang nakaharap sa iyo kaya mahalagang magsaliksik nang mabuti kung paanong aayon sa kanila ang negosyong pini-pitch mo.

Handa din dapat ang script ng mga kasama mong magpi-pitch para mas maayos ang flow ng presentasyon.

#5 Video

Ang pagkakaroon ng video presentation o AVP ay mahalaga sa mga imbestor, lalo na’t kakaunti lamang ang oras para maiparating ang mensahe mo. Simple at nasa tatlong minute lamang dapat ang video mo. Nakapaloob dito ang lahat ng gusto mong iparating sa slides para halos 5 slides na lang ang idadagdag mo sa harapang miting o presentasyon.

Ang pag-uusap ukol sa pera ay di na kailangang kasama dito. Sa harapang miting na lang yun.

Ang pag-pitch sa mga imbestor ay di lamang tungkol sa pera o kapital kungdi kasama ang tinatawag na strategic partnership kung saan maaaring technolohiya, ekspertong direksyon at iba pang di kayang tumbasan ng salapi ang maaaring investment nila. Maging masinop sa business plan mo para mas may basehan sila ng desisyon kung iiwan mon a ito pagkatapos ng presentasyon.

Tandaan na sa lahat ng bagay, ang Diyos ang iyong gabay.


Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa chief@negosentro.com.

(Visited 4,563 times, 1 visits today)