Ang mga problemang ng isang CEO o nasa management ng iang lumalaking kumpanya ay madalas nasasawata ng mga simpleng gawain. Ang pagiging masaya o pagiging kuntento ng mga empleyado ay malaking bagay para umayos ang takbo ng negosyo mo.

Narito ang tatlong simpleng bagay na maaari mong gawin kaagad:

Training at Edukasyon

Halos lahat ng empleyado ay nais matuto ng bagong kaalaman na magpapataas ng kanilang estado o karera. Ang pagkakaroon ng mga training ay simpleng paraan na kayang maibigay ng management. Di mo naman kailangang magkaroon ng training manager para magawa ito. Marami namang mga training events na puwede mong ipadala ang mga empleyado. Mula isang buong araw hanggang tatlong araw ang mga ganitong learning events. Hanapin ang makakatulong sa empleyado gaya ng magpapataas ng kaalaman sa kanya o magbibigay ng mas mataas na antas ng kaalaman.

May mga mas malalaking kumpanya naman na nag-sponsor ng masters degree o certification ng isang empleyado. Maaari mo rin itong gawin. Medyo may kamahalan pero siguradong sulit.

Huwag mo lang kalimutang itali ang empleyado sa ilang taon na katumbas ng halaga ng mga training.

Benepisyo

Depende sa laki ng isang kumpanya, gawing maayos ang mga benepisyo para sa kanila. Bukod sa HMO, may mga benepisyong walang katumbas na halaga gaya ng Birthday Leave, 4-day work week, Once a week work from home at iba pa.

Mainam din ang group o individual performance incentives kasi nakatali sa gawain ng mga empleyado.

Puwede mo ding pag-aralan ang profit-sharing.

Papuri

Kung ano pa ang pinakamadaling gawin ng walang katumbas na halaga, ay siya pang madalas na din ginagawa – papuri sa empleyado. Lalo na ung mga boss na mahilig manigaw kesa magbigay ng mga magagandang payo o papuri.

Kung ilalaan mo ang oras mo sa paghanap ng mabuting ginawa ng empleyado kesa sa kabaligtaran, mas magiging positibo at progresibo ang iyong organisasyon.

Siyempre, wag magpupuri kung di naman karapat-dapat. Kailangang may impact ang nagawa ng isang empletado kung pupurihin siya. Pagsumikapan ang larangang ito at tiyak ang paglago ng negosyo mo!

 

AUTHoR: Homerun Nievera

(Visited 162 times, 1 visits today)