ni Homer Nievera, CDE | Malamang, sobrang excited ka ng magnegosyo ng Online Business. At malamang din, ang napiling mong paraan ay ang pagkakaroon ng online na negosyo. Bakit nga hindi? Bukod sa uso ito, malaki na din ang naging sakop nito kaya naman pati ang malalaking retailer gaya ng SM at iba pa ay pumapasok na din.

Ano nga ba ang pruweba na hinog na hinog na ang online business sa Pilipinas?

Kung nakabili ka na sa mga online ecommerce platforms gaya ng Lazada, Zalora, Shopee at iba pa, malamang may alam ka na sa laki ng industriyang ito. Sa mundo, nakilala si Jack Ma bilang malaking negosyante na mula Tsina, nang dahil sa Alibaba. Kaya naman marami ng nahihikayat na sumali sa ecommerce.

Pero bago ka tumalon, narito ang tatlong bagay na dapat mong malaman bago ka sumabak sa online business. Basahin –

#1 Hanapin ang Iyong Merkado

Maaaring may mga napipisil ka ng mga bagay o serbisyo na ikakalakal mo online. Pero ang dapat mo unang pagtuunan ng pansin ay ang merkado na iyong bebentahan. Ang isang merkado ng mga kostumer na dapat mong pagsilbihan ay dapat maliit lamang. Huwag kang magkamaling targetin ang malaking merkado kaagad. Mas maliit mas maiigi. Tandaan na mas Malaki ang merkadong tinatarget mo, mas Malaki ang imbentaryo at marketing ang kakailanganin mo. Mas malaking kapital ang kailangan. At kahit na may sapat kang kapital, maaaring Malaki din ang maging talo mo kung di mo pa kabisado ang bawat aspeto ng merkado mo.

Maging masinsin dito. Halimbawa, kung taga-Makati ang target mo, saang parte ng Makati ba? Sa may Ayala ba o sa may Bangkal? Magkaiba ang panlasa ng mga tao sa mga lugar na ito. Babe ba o lalaki ang target mo? Ano’ng edad? Ganun ka dapat mag-target. Ang madalas kong payo kung tatarget ka ng masinsin sa online, isipin mong ikaw ay nagkakape kasama ang isang taong nais mong bentahan. Tatanungin mo siya at oobeserbahan. Ayon sa datos na makukuha mo, malalaman mo ang klase ng produkto o serbisyo na maihahandog sa kanya. Tandaan, maraming tao ang gaya niya. Yun ang pagsimulan mong gawin – masinsing pagtarget – o sa ingles, niche marketing.

#2 Magsimula sa Iyong Kasalukuyang Kostumer

Malamang, kilala mo na ang iyong maaaring maging kostumer. Dun ka mismo magsisimula. Gaya ng pagsala ng mga pangunahing kostumer, kailangan mo pa ring mag-market sa kanila. Ayon kay Bill Gates, “Content is King!” Yan ang pangunahing gagawin mo. Isaayon ang lahat ng maaari mong maging content gaya ng – artikulo, blog, vlog, at marami pang iba. Dahil nasa online ang iyong merkado, digital marketing ang pangunahing sandata mo sa pag-market sa kanila. Ang social media ay balewala kung di maayos ang programa mo sa content.

Kung nakuha mo na ang lahat ng mahahalagang datos sa unang salang mo sa online bisnes mo, malamang, kaya mo ng palakihin ang bilang ng mga kostumer mo. Tandaan, na mabilis kumalat ang masamang review ukol sa masamang serbisyo online. Kaya ang motto mo dapat: excellent service!

#3 Tamang Mindset ang Kailangan Mo sa Online Business

Ibang-iba ang pagnenegosyo online kumpara sa “brick and mortar” na business. Isipin mo na mahalaga ang masinsin na pag-aaral sa maraming aspeto ng negosyo. Di naman imporatante ang pagiging techie. Ang mahalaga ay ang mindset mo na marami kang kalaban sa atensyon sa online business. Marami ding plataporma na puwedeng gamitin na dapat ding pag-aralan. Huwag kang hihinto sa pagsaliksik sa kung ano ang mga dapat gawin at di gawin online.

Sa pag-establish ng online business, kailangan ng tiyaga at pagsasaliksik ng aayon sa negosyo mo. Di lahat ng ginagawa ng iba ay gagawin mo din. Piliin ang naaayon sa iyong produkto, serbisyo at merkado. Tandaan ang dalawang bagay na ito: “Content is King” at “Service Excellence.”

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email@negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

(Visited 303 times, 1 visits today)