ni Homer Nievera, CDE, CVM | Noong Biyernes, habang nagbabalak na sanang umuwi mula sa SM City Sucat, napadaan kami ng anak ko sa gitna ng mall kung saan may mga kiosk ng iba’t-ibang uri ng pagkaing gawa ng malikhaing mga Pinoy. Nakita ko ang Kitchen Hub, na tindahan ng mga nakaboteng Gourmet Tuyo na paborito naming mag-asawa. Nagbabakasakali akong meron silang Gourmet Daing na nasa bote at ang tumambad sa akin ay ang iba’t-ibang klase ng Gourmet Tuyo, Daing at iba pa na iba’t-ibang mantika ang ginamit.

Habang bumibili ako, tinanong ko na din ang mga binatang nagtitinda na sila pala’y mga anak ng may-ari na si Joy Dabu. Iniwan ko ang tarheta ko dahil naisip ko silang maisulat sa isa kong online publication.

Nang kami ay magkausap noong Sabado nang gabi, marami akong natutunan kay Gng. Dabu, na isang dating empleyado at napunta sa pagnenegosyo nang di daw sinasadya. Eto ang kuwento niya na nakalubid sa mga aral na kanyang ibinahagi:

gourmet tuyo kitchen hub
Pinaka-paborito ko ang Gourmet Tinapa at Gourmet tuyo

#1 Walang aksidente sa pagpasok sa negosyo

Si Gng. Dabu ay may anak na nagkasakit, at eto ang dahilan kung bakit tumigil siya sa pagtrabaho upang matutukan ang pag-aalaga dito. Ang asawa niya ay OFW noong mga panahong iyon. Naikuwento ni Gng. Dabu na sa paghahangad na kumita upang matustusan ang kanilang pangangailangan sa araw-araw, kung anu-anong negosyo ang kanyang naisip. Dahil matagal siyang empleyado at walang ibang alam kundi ito, di na muna siya nagpumilit makipagsapalaran. Ngunit nagsimula siyang magkaroon ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanyang mga panaginip tungkol sa negosyong Gourmet Tuyo. Di lang isang beses ito raw nangyari. Kaya naman naisipan niyang magsaliksik ukol sa ganitong produkto.

Ang aral dito ay ang di pagbale-wala sa inspirasyon. Ayon kay Gng. Dabu, nagbunga ang kanyang pagdarasal at dito niya iniugnay ang pagsimula ng Kitchen Hub.

#2 Magsaliksik nang husto

Dahil na din sa wala siyang kaalaman sa pagnenegosyo, lalu pa’t kaugnay sa papasukan niyang Gourmet Tuyo, nagsaliksik si Gng. Dabu nang husto. Mula ito sa pagluluto, pagtimpla at paggamit ng mga organic na sahog para sa panlasa at pagpapatagal sa bote, nagsaliksik siya. Pumunta pa nga si Gng. Dabu sa DOST para tulungan siya sa pormulasyon ng kanyang produkto.

Ang aral dito ay ang walang katapusang pag-aaral para sa ikaaangat ng negosyo.

#3 Sipag at Tiyaga

Ang dalawang salitang ito ang agad na naibulalas ni Gng. Dabu nang siya’y aking tanungin kung ano ang higit niyang ginawa bukod sa pagdarasal. Wala naman talagang tatalo sa sipag at tiyaga para umangat ang negosyo, di ba? Naikuwento kasi ni Gng. Dabu na nagsimula siya sa paglalako sa mga kaibigan at kapitbahay. Ang patuloy na paghahanap ng tamang sahog, bote, packaging at labels ang kanyang naging higit na puhunan sa negosyo. Nagbunga naman ito, at dahil sa aral na – sipag at tiyaga – di ba?

#4 Mahalaga ang papel ng kapamilya

Noong nagsisimula pa lang si Gng. Dabu sa Kitchen Hub, ang kanyang pamilya ang naging haligi, sandigan at katulong sa pagbuo ng konsepto ng produkto. Mula sa pagtikim at pagbenta, hanggang sa pagdamay sa kanilang mga pinagdadaanan ang mga mahahalagang bagay kung bakit nagtagumpay sila sa kanilang negosyo.

Ang mahalagang aral dito ay ang di pagbale-wala sa halaga ng pamilya sa iyong pagnenegosyo. Para sa kanila rin yan, di ba?

#5 Tuloy-tuloy lang para sa mas malaki pang tagumpay

Sa aking panayam kay Gng. Dabu, nabanggit niya na nais niyang makarating sa iba’t-ibang bansa ang Kitchen Hub na Gourmet Tuyo at iba pang produkto. Di kasi siya tumigil sa paglalako at ngayon naman ay ang pagbukas ng kiosk sa SM City Sucat. Nang matanong ko siya kung meron na siyang online delivery, di naman niya naikaila na di daw siya techy. Kaya naman sinabi ko sa kanya na tutulungan ko siya sa aspetong yun. Ganyan kasi dapat ang negosyante, na patuloy ang paglawak at paglaki ng kanyang nasasaisip na tagumpay.

Wag kang titigil, ka-negosyo. Anuman ang tagumpay (o dagok) na iyong pinagdadaanan at kinakaharap, tuloy lang sa pag-angat at pagbangon. Para kay Gng. Joy Dabu at sa kanyang Kitchen Hub, gogogo lang po! Sumainyo ang Diyos!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

(Visited 4,059 times, 1 visits today)