8 Tips Mula sa Bilyonaryong Richard Branson para sa Matagumpay na Negosyo

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Papalapit na sa super senior sa edad na 68 si Richard Branson. Siya ang founder ng Virgin Records noong 1970. Marami pa siyang naging negosyo gaya ng Virgin Airlines na lahat ay nagmula sa lugar niya sa London, kung saan naman siya ay naturingang Sir Richard Branson ni Queen Elizabeth noong taong 2000 sa larangan ng pagnenegosyo. May anim na libro na din siyang nailathala.

Narito ang ilang tips mula kay Branson…

#1 Isakatuparan ang iyong mga pangarap

Para kay Branson, ang lahat ay nag-uumpisa sa isang idea – sa isang pangarap. Sabi niya, ang mga taong masayang nagtatrabaho upang maisakatuparan ang kanilang pangarap ay ang mgataong nag-e-enjoy nang husto sa kanilang ginagawa. Sila din daw ang mga taong nagtatagumpay dahil sa tila pagsugal para sa kanilang pangarap na negosyo.

Sinegundahan naman ito ng bilyonaryong si Warren Buffet. Sabi niya, ang mga taong nagtatagumpay sa kanilang gawain ay madalas na sila ay meron ding may pagkahilig dito.

#2 Gumawa ng kabutihan sa kapwa

Sabi ni Branson na ang mga taong hindi gumagawa ng kabutihan sa kapwa ay dwala daw dapat sa pagnenegosyo. Mabigat man ang sinabi niyang ito, ako naman ay lubos na sumasang-ayon dito. Kasi nga naman, kung puro pagkamal ng kayamanan ang iyong pinipuntirya, malamang di ka magagatimpalaan ng tagumpay dahil sa pagiging sakim mo sa pera.

#3 Magtiwala sa iyong mga ideya

Ang isang taong walang tiwala sa sarili niyang produkto ay di niya mapapaniwala ang ibang tao na maniwala din dito. Ito ang sabi ni Branson at may katwiran nga naman ito.

Ang mga sinabing ito ni Branson ay may kinalaman din sa integridad mo at pagpapasunod sa mga tao mo upang maniwala sa yo. Para sa kanya, kung may istratehiyang pang-exit ka, malamang daw ay di ka determinadong magtagumpay anuman ang mangyari.

#4 Isulat ang lahat ng ideya mo

Sa sarili niyang ekspiriyensya, kapag daw di mo isinulat ang bagong ideya mo, malamang, wala na ito kinabukasan. Sabagay, may puntos siya ditto. Ako kasi kapag nagdarasal, nagmamaneho o naliligo ako merong mga ideyang pumapasok sa isip ko. Nakakalimutan ko nga ito kung di ko isinusulat. Gawin na natin ito agad, ok?

#5 Alagaan ang mga tao mo

Maraming paraan upang alagaan ang mga tauhan mo, di ba? Una ditto ay ang pagbabayd sa kanila nang tamang suweldo. Kung di mo naman kakayanin nang ganun, lagyan mo ng insentibo ang bawat isa.

Para kay Branson, mahalaga ang pagpapanatili nang maayos, ligtas at nakakabigay inspirasyon na pinagtatrabahuhan.

#6 Matuto sa pagkabigo

Maaaring maraming mga bilyonaryo na ang nagsabi ukol dito. Para kay Branson, ang pagkakataong natalo siya sa negosyong Vigin Cola sa kamay ng Coke ay nagturo sa kanya na kung babanggain mo ang malaking pader, siguraduhin mong handing handa ka sa pamamagitan ng isang produktong mas mataas ang kalidad.

#7 Lumabas ka!

Simpleng payo lamang ito ngunit napakahalaga para kay Branson. Ayon sa kanya, kung may negosyo, wag kang manatili sa iyong opisina. Lumabas ka at kumausap nang mga tao gaya ng kostumer o mga taong target mong maging kostumer, upang malaman mo ang kundisyon ng merkadong ginagalawan.

Dahil ang anumang datos ang makukuha mo mula sa mga tauhan mo ay mas maiintindihan at maisasapuso kung ikaw din ang nakipagharap sa mga tao mismo.

# 8 Huwag maging balat-sibuyas

Dahil matindi ang labanan sa pagnenegosyo, ang pagbibigay pruweba na tama siya sa kanyang direksyon sa negosyo ang nagtutulak kay Branson para maging matapang at di natitinag sa kritisimo nang ibang tao.

Para sa kanya, kailangang buo ang loob mo bilang negosyante at buong tapang na harapin ang mga pagkukutya man o paghahamon nang mga tao upang maisakatuparan ang tagumpay mo.

Marami pang mga tips si Branson sa kanyang blog at sa mga video na nasa Internet. Saliksikin ito at tingnan kung ano ang mas makakatimo sa iyong istilo ng pagnenegosyo.

Tandaan na sa lahat ng bagay, ang Diyos ang iyong gabay.


Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa chief@negosentro.com.